Top Banner
Malay 27.2 (2015): 55-68 Copyright © 2015 by De La Salle University Una sa lahat, babalangkasin sa papel na ito ang mga pangyayaring pinag-ugatan ng globalisadong paglaban sa kapitalismo at representasyon sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kilusan ng Zapatista sa Brazil at sa iba’t ibang Occupy Movements sa kasalukuyan. Ang genealohikal na pagtalakay na ito ay patungo sa ating lokal na bersiyon gaya ng bigong Occupy Rizal Movement na naganap noong ika-15 ng Oktubre, 2011, at ng Million People March noong ika-26 ng Agusto, 2013. Ang kontekstuwalisasyon sa Pilipinas ng makabagong pag-aaklas na ito ay gagamitin para muling bisitahin ang kasaysayan ng anarkismo sa Pilipinas at ang muli nitong pag-ibayo sa tulong na rin ng teknolohiyang cyber. Makatutulong ang nomadikong pilosopiya ng post- anarkismo sa pagbuo ng isang bagong organisasyon sa ating kapuluan. Sa huling bahagi, babalangkasin ang emansipatoryong pag-asa ng post-anarkismo at itatala kung paano maging rebolusyonaryo ngayon gamit ang pilosopiya ng Pranses na si Gilles Deleuze. Mga Susing Salita: post-anarkismo, anti-globalisasyon, kapitalismo, Deleuze, becoming-revoutionary Initially, this paper will delineate the events that caused the Global Anti-Capitalist and Anti- Representationalist struggles at present using the initiatives of the Zapatistas of Brazil and the various Occupy Movements in the present. This genealogical discussion is towards our local versions of it like the ill-fated Occupy Rizal Park that happened last October 15, 2011, and the Million People March last August 26, 2013. The Philippine contextualization of these worldwide phenomena will be used to preface the discussion on the re-thinking of the historical tradition of anarchism in our country, and its re-emergence by virtue of the rise of cyber technology. The nomadic philosophy of post-anarchism would help us fashion a novel organization in our archipelago. Lastly, this paper will map out the radiance of the anarchist emancipatory hope and becoming-revolutionary using the post-structuralist philosophy of the French thinker Gilles Deleuze. Keywords: post-anarchism, anti-globalization, capitalism, Deleuze, becoming-revolutionary Tungo sa Isang Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas / Towards A Deleuzian Reading of the Emergence of Post-Anarchism in the Philippines Raniel SM. Reyes Unibersidad ng Santo Tomas, Pilipinas [email protected]
14

Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

Apr 24, 2023

Download

Documents

Welcome message from author
This document is posted to help you gain knowledge. Please leave a comment to let me know what you think about it! Share it to your friends and learn new things together.
Transcript
Page 1: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

Malay 27.2 (2015): 55-68

Copyright © 2015 by De La Salle University

Una sa lahat, babalangkasin sa papel na ito ang mga pangyayaring pinag-ugatan ng globalisadong paglaban sa kapitalismo at representasyon sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kilusan ng Zapatista sa Brazil at sa iba’t ibang Occupy Movements sa kasalukuyan. Ang genealohikal na pagtalakay na ito ay patungo sa ating lokal na bersiyon gaya ng bigong Occupy Rizal Movement na naganap noong ika-15 ng Oktubre, 2011, at ng Million People March noong ika-26 ng Agusto, 2013. Ang kontekstuwalisasyon sa Pilipinas ng makabagong pag-aaklas na ito ay gagamitin para muling bisitahin ang kasaysayan ng anarkismo sa Pilipinas at ang muli nitong pag-ibayo sa tulong na rin ng teknolohiyang cyber. Makatutulong ang nomadikong pilosopiya ng post-anarkismo sa pagbuo ng isang bagong organisasyon sa ating kapuluan. Sa huling bahagi, babalangkasin ang emansipatoryong pag-asa ng post-anarkismo at itatala kung paano maging rebolusyonaryo ngayon gamit ang pilosopiya ng Pranses na si Gilles Deleuze.

Mga Susing Salita: post-anarkismo, anti-globalisasyon, kapitalismo, Deleuze, becoming-revoutionary

Initially, this paper will delineate the events that caused the Global Anti-Capitalist and Anti-Representationalist struggles at present using the initiatives of the Zapatistas of Brazil and the various Occupy Movements in the present. This genealogical discussion is towards our local versions of it like the ill-fated Occupy Rizal Park that happened last October 15, 2011, and the Million People March last August 26, 2013. The Philippine contextualization of these worldwide phenomena will be used to preface the discussion on the re-thinking of the historical tradition of anarchism in our country, and its re-emergence by virtue of the rise of cyber technology. The nomadic philosophy of post-anarchism would help us fashion a novel organization in our archipelago. Lastly, this paper will map out the radiance of the anarchist emancipatory hope and becoming-revolutionary using the post-structuralist philosophy of the French thinker Gilles Deleuze.

Keywords: post-anarchism, anti-globalization, capitalism, Deleuze, becoming-revolutionary

Tungo sa Isang Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas /Towards A Deleuzian Reading of the Emergence of Post-Anarchism in the Philippines

Raniel SM. ReyesUnibersidad ng Santo Tomas, [email protected]

Page 2: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

56 Malay Tomo XXVII Blg. 2

ANTI-GLOBALISASYON AT ANARKISMO SA KONTEMPORARYONG PANAHON

Ang mga bagay at karanasan na hindi madalumat ng ating kaisipan noon ay masasabi na nating abot-kamay na sa kasaluluyan, magmula noong umusbong ang Globalisasyon. Sa tulong na rin ng teknolohiya ng internet, nagdulot ito ng mas mobilisadong transnasyonal na gawain na pang-ekonomiya, pakikipagtalastasan at mas malikhaing kultural na pagkakaiba-iba. Ito rin ay nagbigay-daan sa pinagtibay na relasyong internasyonal na pinag-ibayo ng iba’t ibang prosesong teknikal at ekonomik na sumira sa mga dogmatikong kaisipan at estruktura sa kasaysayan ng sangkatauhan. Subalit sa kabila ng mga naging positibong kontribusyon ng globalisasyon, mayroon din itong kaakibat na pinsala at karahasan gaya ng homogenisasyon ng identidad at totalisasyon ng ating kamalayan.

Ang iba’t ibang mukha ng ating panahon sa kasakuluyan ay nagbukas ng pinto tungo sa mga makabagong uri ng relasyon at kasunduang politikal sa larangan ng kontemporaryong realidad. Ang mga bagay na ito ay partikular na inilarawan ng Zapatismo, Kilusang Magbubukid na walang pag-aaring lupa, at Kilusang Occupy. Ang mga paglabang ito ay nagdulot ng mahalagang kontribusyon sa radikal na makinarya ng malawakang kilusang kontra-globalisasyon (Nail, “Constructvism and the Future Anterior of Radical Politics,” 10). Ang pinagsasaligan ng makabagong-uri ng pag-aklas na ito ay nag-uugat sa kauna-unahan at pinakamalaking samahan laban sa neo-liberalismo: ang Intercontinental Encuentros na binuo ng mga Zapatista (Notes from Nowhere, We Are Everywhere: The Irresistible Rise of Global Anti-Capitalism, 5). Bagama’t hindi gaanong kinikilala ng mga iskolar na nagsasaliksik tungkol sa kilusang kontra-globalisasyon, ang anarkismo, sa paningin ni David Graeber, ay ang puso at kaluluwa ng Zapatismo (Graeber 62).

Ayon kay Pierre-Joseph Proudhon, ang anarkismo ay isang teoryang politikal na nagnanais

na magtaguyod ng isang lipunan na walang soberanyang pinuno. Ang mga mamamayan sa isang anarkistang lipunan ay pantay-pantay at malayang nakikisalamuha sa kanilang kapwa (264). Ibig sabihin, ang anarkismo ay radikal na tumututol sa kahit anumang uri ng hindi pantay at opresibong pagkontrol ng estado at kapitalismo na sadyang nagiging balakid sa pag-ibayo ng indibidwalidad at relasyon ng mga mamamayan. Ang makabagong konseptuwalisasyon naman nito na tinatawag na post-anarkismo ay hindi na umiikot sa kahit anong ideolohiya na nagtataguyod sa paniniwalang kontra-awtoritaryanismo. Nahigitan na nito ang ideolohikal nitong teritoryo tungo sa isang nomadiko at politikal na pilosopiya na may katangian ng mga horizontalismo, mutuwalismo at direktang demokrasya.1

Ang pinakakontemporaryong ilustrasyon nito ay nangyari sa Kilusang Occupy:, libo-libong demonstrador ang nagtipon-tipon sa siyudad ng Seattle sa bansang Amerika upang magprotesta laban sa mga kalahok ng Pandaigdigang Pagtitipon ng World Trade Organization. Sa isang malawak na perspektiba, ang nasabing kilusang ito ay isang uri ng makabagong protesta na nagnanais puksain ang problema ng hindi pagkakapantay-pantay at kakulangan ng kinatawan ng mga ordinaryong mamamayan sa politika. Ang mga tao ay nagsagawa ng ilang pagkilos; ang iba naman ay nagmartsa para okupahin ang buong kabayanan ng Seattle kasabay ng pagtatayo ng barikada para harangin ang mga kalahok ng pandaigdigang kumperensiya ng mga mangangalakal. Ang umaalingawngaw na boses ng mga galit na demonstrador o multitudo batay sa lengguwahe ni Antonio Negri at Michael Hardt, ay masigasig na nanawagan ng patas na palitang pang-ekonomiya at pagpuksa sa makabagong karahasan ng Pandaigdigang Samahan ng Kalakalan ―isang global na organisasyon at makinarya na nasa ilalim ng kontrol ng mga multi-nasyonal na korporasyon (Nail, Deleuze, “Occupy, and the Actuality of Revolution” 12).

Ang malalim na impluwensiya at inspirasyon ng kaganapang Arab Spring sa Gitnang Silangan, ang okupasyon sa Wisconsin sa Amerika, ang

Page 3: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

57Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas R.SM. Reyes

pag-aklas kontra austerity measures sa Europa at Britanya, pati na rin ang okupasyon ng mga Espanyol na Indignados, ang kilusang Occupy ay kumalat sa mahigit dalawang libo limang daan at pitumpu’t anim na siyudad sa walumpu’t dalawang bansa at anim na raang komunidad sa Estados Unidos (Notes from Nowhere, We Are Everywhere, 8). Ang kilusang ito ay batay sa malawakang pagkadismaya ng mga tao sa lumalayong agwat ng kayamanan at kapangyarihan sa pagitan ng mga indibidwal at mga korporasyon, kasama na ang pagbagsak ng mga politikal na representasyon na nagnanais malutas ang paglaganap ng kawalan ng trabaho, pagsasara ng mga proyektong pambahay, nakakaparalisang utang ng mga mag-aaral at agresibong pagbaba ng pondo para sa iba’t ibang serbisyong panlipunan. Dahil dito, ang kakayahan ng estado at kapitalistang pamumuhay ay naging napakalaking problema sa kasalukuyan.2

Kailangan nating maunawaan na ang kilusang Occupy ay hindi lamang isang demonstrasyon para patalsikin sa puwesto ang mga gahamang bangkero, negosyante at politiko. Ito ay isang walang tigil na pagkilos na may kakayahang harapin ang mga problemang idinulot sa atin ng kapitalismong global at representasyong politikal. Kaysa magpanukala ng mga organisadong pangangailangan o magtayo ng partidong politikal na panreporma sa sistema, ay itinakwil ng mga kalahok ang posibilidad ng negosasyon bilang ko-optasyon. Ang ganitong estilo ng pag-aaklas ay nakabatay sa paniniwalang hindi lamang payak na problema ng korupsiyon ang usapin dito, dahil kung ganito lang ito kapayak ay makakarinig tayo ng agaran at iisang mensahe mula sa mga tiwaling pinuno at makakaasa tayo na sasamantalahin nila ang sitwasyong ito upang mapaganda ang kanilang imahe para sa darating na eleksiyon. Sa kalagayan naman ng mga kapitalista, magiging isang perpektong pagkakataon ito para magpanggap na kaibigan ng mga tao upang maikubli ang kanilang opresibo at makasariling interes.

Sa madaling salita, binibigyang-diin ng Occupy movement ang pagguho ng tiwala ng mga indibidwal sa tradisyonal na representasyong politikal. Bilang karagdagan, pinuno ng kilusan at

publikong espasyo at sinubok na bumuo ng isang klase ng direktang demokrasya ayon sa ideya ng malayang talakayan o konsensus, pagkakapantay-pantay at mutuwalismo. Sa mga lipunan na kulang ang ibinibigay na mga pangunahing serbisyo sa buhay, ang mga kampong itinayo ng mga demonstrador sa buong mundo ay nagdesisyon na bigyan ang mga mamamayan ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga portabol na kusina, silid-aklatan, klinika at media centers para mapakinabangan ng lahat.

Ang anonimity na isinagawa ng mga grupong kontra sa globalisasyon gaya ng mga Zapatista na gumamit ng maskara ay apirmatibong ipinagpatuloy ng kilusang Occupy. Ang masiglang-masiglang pagtuligsa sa estruktura ng partido, estado, at maling representasyon ng kapitalismo ay pinangunahan ng mga taong suot ang simbolikong maskara upang itago ang pagkakakilanlan ng mga demonstrador sa pagmamatyag ng estado, kasabay ng paglaganap ng damdamin ng pagkakaisa at pagkakapantay-pantay sa buong kilusang Occupy na hindi lamang nakasandal sa iilang politikal na personalidad. Gamit ang isang malaking lente, masasabi natin na ang nakamaskarang pag-aaklas laban sa opresyon at representasyon ang isa sa mga pangunahing katangian ng rebolusyonaryong pagkilos sa kasalukuyang panahon.

Kasabayan ng mga pangyayaring ito ang pag-arangkada ng teknolohiyang cyber. Ang pambihira nitong pagsibol ay mahalagang nakapag-ambag sa demokratisasyon ng iba’t ibang prinsipyo at pagkasira ng totalitaryong pamumuno. Ang kakayahan nito ay malikhaing ginamit ng mga demonstrador ng kilusang Occupy para sa karagdagang mobilisasyon sa aktuwal at cyber na espasyo. Sa bansang Pilipinas, ang muling pagsilang ng kilusan ng anarkismo ay naganap noong sumibol ang internet. Ito ay nangyari noong ang mga raliyista sa Seattle ay nagpadala ng paket ng datos sa buong mundo na gumising sa rebolusyonaryong damdamin ng mga tao sa Timog Silangang Asya kung saan ang karamihan ay matagal nang nakapailalim sa awtoritaryong politika ng makakaliwa. Ang pagkakasama-sama ng lahat ng mga pangyayaring ito ay naglalarawan

Page 4: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

58 Malay Tomo XXVII Blg. 2

sa atin ng makabagong pamamaraan, instrumento, at lugar ng pag-aaklas na hindi lamang limitado sa aktuwal na realidad. Ito ay nagpapakatotoo sa kaisipan na ang pang-aapi at depektibong politikal na pamumuhay ay umabot na hanggang sa espasyong cyber dahil na rin sa walang patid na pagpapalit-anyo ng mukha ng kapitalismo at awtoritaryanismo.

Sa kasalukuyang panahon, iniwan na ng anarkismo ang dati nitong may pagkaideolohikal na estruktura upang maging isang nomadikong prinsipyo. Ang nag-aalab na damdamin ng sangkatauhan sa pagpuksa sa iba’t ibang anyo ng despotismo sa pamamagitan ng baha-bahaging network ng teknolohiya ay ang kontemporaryong kaaway ng estado na nakapailalim na sa kontrol ng kapitalismo at neo-liberalismo. Ang makabagong mukha ng anarkismo sa ngayon ay hindi lang iba sa tradisyonal nitong pangangatawan kundi pati na rin sa sistema na makakaliwa.

POST-ESTRUKTURALISMO BILANG MODELONG TEORETIKAL SA POLITIKA

Ang mga serye ng pandaigdigan at pambansang kaganapan na bumasag sa iba’t ibang makinarya ng kapangyarihan ay nakahanap ng rasyonal na basehan mula sa teorya ng post-estrukturalismo. Nang ilapat ang teoryang ito sa lipunan, nagkaroon ng bagong anyo ang politika kaya ito ay naging isang uri ng radikalismo na magbibigay sa atin ng epistemikong kasangkapan upang maunawaan at malabanan ang mga karumal-dumal na kalagayan ng lipunan sa ngayon. Ang kombinasyon ng anarkismo, teknolohiya, at post-istrukturalismo ay nagsilang sa kontemporaryng teorya ng post-anarkismo.

Bilang praksiyolohikal na teorya at radikal na prinsipyo, ang post-anarkismo ay hindi na lamang kritisismo laban sa representasyon at kapitalismo na nananalaytay sa buong balangkas ng estado. Sa madaling salita, ito ay hindi na lamang isang malalimang pagsusuri ng iba’t ibang pag-iral ng karahasan at marhinalisayon sa mundo dahil ito ay

nagtataglay ng kakayahang ipaliwanag ang lugar ng pag-aaklas, ang uri ng indibidwal na hinuhubog nito, at ang mga panganib ng eksperimental na aspekto ng teoryang ito.

Bagama’t maraming pilosoper na Pranses ang kumakatawan sa pag-iisip na post-estrukturalismo, gaya nina Jacques Lacan, Jacques Ranciere at Alain Badiou, ang nilalaman ng buong papel na ito ay iikot lamang sa epistemolohikal na perspektiba ni Gilles Deleuze (1925-1995). Ang pilosopikal na iskolarship na nilikha niya kasama ang iba pang Pranses na palaisip, ay may malaking kontribusyon sa pagtataguyod ng makabayang pilosopiya ng rebolusyon. Ayon nga sa pilosopong kultural na si Slavoj Zizek, ang pilosopiya ni Deleuze ang nagsisilbing teoretikal na pundasyon ng makabagong grupo na makakaliwa na tutol sa globalisasyon sa ngayon (Zizek 12).

Ang politikal na pilosopiya ni Deleuze ay taliwas sa tradisyonal na kompigurasyon ng politika. Hindi ito sumasaklaw sa mga kumbensiyonal na paksa o diskurso ng politika. Hindi rin nito tinatalakay ang mga normatibong usapin tungkol sa kalikasan ng hustisya, kalayaan at demokrasya na ating maoobserbahan sa mga pilosopiya nina Plato, Nikolo Machiavelli, at Thomas Hobbes (Patton 1). Subalit kahit hindi natin maihahanay o maihahambing ang kanyang pilosopiya sa mga nabanggit na mga haligi ng pilosopiyang politikal, sya ay maituturing pa ring politikal na pilosopo.

Lalong naging kapansin-pansin ang politikal na kaisipan ni Deleuze magmula noong maging kasama sa pilosopikal na paglalakbay o pamimilosopiya ang radikal na psychoanalyst na si Felix Guattari. Kung mayroon mang usapin tungkol sa institusyonal na mukha ng kapangyarihan o estado na makakatas mula sa kanilang pilosopiya, ito ay pawang pahapyaw lamang. Kung hindi man, ito ay sadyang nakapaloob sa isang teoryang global na panlipunan na nakaugat sa mga konsepto ng desire, desiring-machine, at assemblage na malinaw nating madadalumat sa kanilang mga libro na pinamagatang, A Thousand Plateaus (1980) at Anti-Oedipus (1987). Sa ordinaryong

Page 5: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

59Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas R.SM. Reyes

mambabasa na walang sapat na kaalaman sa post-estrukturalismo, marahil ay hindi maiiwasang ituring ang kanilang mga libro bilang metapisikal na abstraksiyon lamang na walang kinalaman sa ating materyal na realidad. Ngunit kahit pa ang ang kanilang diskusyon tungkol sa lipunan at politika ay gumagamit ng mga bokabularyo gaya ng minor politics, machinic assemblage at nomadism, layunin nila ang makahulugan at progresibong transpormasyon ng ating indibidwal at kolektibong identidad, lalo na upang maiwasan ang ating pagkatig sa sarili nating opresyon o pasismo (Deleuze and Guattari, Anti-Oedipus, xiv).

Gamit ang Deleuzean na pilosopiya, ang post-anarkismo ay magiging isang politikal na pag-aaklas na maaaring magsilbing inspirasyon para sa pagbubuo ng henerasyon ng bagong panlipunang organisasyon. Bilang pilosopo ng difference, tahasan niyang itinatakwil ang representasyonalistang konseptuwalisasyon ng politikang pang-estado at vanguardism. Bukod dito, nagpanukala sila ng tatlong estratehiya sa pagtataguyod ng makabagong pilosopiyang politikal sa ating kontemporaryong panahon. Ang una ay tumatalakay sa isang multi-centered na politikal na pagsusuri (Deleuze and Guattari, A Thousand Plateaus, 424; Nail, Returning to Revolution: Deleuze, Guattari, and Zapatismo, 2). Ang paglaganap ng mga kilusang kontra-globalisasyon, representasyon at kapitalismo ang nagbigay-daan sa muling pag-usbong ng anarkismo sa Pilipinas. Layunin nito na sirain ang mga esensiyalistang pundasyon ng ating kaalaman at karanasan tungo sa isang panlipunang samahan na hindi sakop ng politikal na teritoryo ng estado, at nagpapanukala ng direktang demokrasya na uri ng relasyon. Ang pangalawa ay ang pre-figurative na estratehiya para sa politikal na transpormasyon (Nail, Returning to Revolution, 2). Nais nitong makapagtaguyod ng isang inobatibong klase ng politika, sa pamamagitan ng pagbasag sa mga dogmatikong estruktura at prinsipyo sa ngayon tungo sa iba’t ibang birtuwalidad ng hinaharap. At ang pangatlo ay isang partisipatoryong estratehiya ng mga institusyon (2). Ang mga diskarteng ito

na masigasig na naisabuhay ng mga Zapatista ng Brazil, ay gagamitin sa papel na ito para mailarawan ang likas na katangian ng muling pagsibol ng anarkismo sa Pilipinas.

ISANG DELEUZIAN NA PAGBASA NG POST-ANARKISMO SA PILIPINAS

Muling Pagbisita sa Kasaysayan ng Anarkismo sa Pilipinas

Ang Pilipinas ay masasabing bagito pa sa aspekto ng kasaysayan ng modernong tradisyon ng anarkismo. Ito ay dahil ang usapin at pagkilos kontra sa kolonyalismo ang nangingibabaw sa kamalayan ng mga tao magmula noong ika-19 hanggang ika-20 na siglo, hindi gaya ng mga bansa sa Europa at Silangang Asya. Ayon kay Benedict Anderson, ang may-akda ng sikat na aklat tungkol sa anarkismo na pinamagatang, Under the Three Flags: Anarchism and Anti-Colonial Imagination, kahit na naimpluwensiyahan ng anarkismo ang ilang Pilipino na nag-aral sa Europa noong ika-18 na siglo, hindi ito naging sapat upang magkaroon tayo ng isang organisadong pag-aaral para mabigyan ito ng isang rebolusyonaryong mukha (18).

Kung babalikang muli ang mga pahina ng ating kasaysayan, makikita na noong ika-15 at ika-16 na siglo pa lamang ay naglulunsad na ng mga kalat-kalat na pag-aaklas ang mga Pilipino. Magmula sa mga kontra-kolonyal na pagkilos na pinangunahan ni Lapu-lapu, pati na rin ang mga labanan ng mga Moro sa Mindanao, ang rebolusyonaryong kalooban ng mga taong ito ay pinag-alab ng mga Pilipinong intelektuwal noong ika-19 na siglo gaya nina Jose Rizal at Isabelo delos Reyes. Sila ay maituturin ding mahahalagang personalidad sa tradisyon ng anarkismo sa bansa. Mamamalas natin sa mga sinulat ni Rizal ang radikalismo na nag-uugat sa kanyang pagtaliwas sa mga opresibong mananakop. Ito ang malinaw na nilalaman ng kanyang malikhaing nobela na El Filibusterismo na kung saan ang bidang si Simon ay masasaksihang nagtapon ng nitroglycerine

Page 6: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

60 Malay Tomo XXVII Blg. 2

para pasabugin ang lugar na pinagdarausan ng kasayahan ng mga elitistang Espanyol―na maituturing nating halimbawa ng simbolikong pagtuligsa laban sa despotismong kolonyal (31).

Sa sitwasyon naman ni Delos Reyes, ang pagkakakulong niya sa Maynila pagkatapos ng marahas na aklasan noong 1896 at ang pagkakapook niya sa piitan sa Espanya kasama ang mga anarkista ng Catalan, ang nagtulak sa kanya upang higitan ang usapin ng nasyonalistang pagkilos ng kanyang mga comrade tungo sa isang kritikal na laban sa imperyalismo ng Amerika sa pamamagitan ng pagbubuo ng Union Obrera Democratica (UOD) base sa pilosopikal na impluwensiya nina Voltaire, Proudhon, at Bakunin (223). Ang kanyang kampanya laban sa mitolohiya ng mga Puti ang naging dahilan kung bakit siya itinuring ng ilang pahayagan ng mga Amerikano na isang mapanganib na anarkista kaya tuloy ipinagbawal ang paglilimbag ng kanyang mga sinulat (226). Ang progresibong pagtataguyod ni Delos Reyes ng UOD ang bumago sa mukha ng anarkismo sa bansa mula sa isang nasyonalistang pag-aaklas patungo sa kilusang kontra sa imperyalismo.

Ngunit nang nagsimulang humina ang UOD, nasundan ito ng pagkaparalisa ng kilusang anarkismo sa bansa. Bahagyang nabuhay itong muli noong sumibol ang kulturang Pangkista noong dekada 80. Sabi nga ni Bas Umali, isa sa mga kaanib ng Local Anarchist Network (LAN), magmula sa isa lamang pag-aklas gamit ang musika, ang anarkismo ay naging isa nang politikal na pagkilos dahil sa pagiging isa nitong samahan laban sa awtoritaryanismo. Ayon sa kanya, “the youth then started to explore the political substance of anarchism and Do-it-Yourself (DIY) associated with Punk music.”3 Sa unang bahagi ng dekada 90, ang komunidad ng mga laban sa awtoritaryanismo sa larangan ng pangkista at hardcore na musika ay nagsimula nang maglathala ng aksiyon laban sa hindi pantay-pantay na uri ng politika at naglunsad ng iba’t ibang proyektong pang-anarkista. Patuloy itong nakakapag-anyaya sa mga indibidwal, lalo na noong ibandera ng mga raliyista sa Seattle

ang Black Bloc. Muling nabaggit ni Umali na, “numerous collectives have formed in the NCR, in Davao, Cebu, Lucena etc., they have conducted various activities and direct actions such as Food Not Bombs, community-based workshops, picket lines, forums, publications, gigs, graffiti etc., among others.”4

Kahit na masasabi nating natakpan ng kagalingan ni Rizal ang mga ambag ni Delos Reyes sa iskolarsyip ng anarkismo sa Pilipinas, sadyang malaki ang kanyang naitulong sa kilusan lalo na sa “crucial nodes of the infinitely complex intercontinental networks that characterize the Age of Early Globalization” (Anderson 233). Noong Enero ng taong 2004, bago pa man magbigay ng panayam si Anderson sa Unibersidad ng Pilipinas, ay may natanggap siyang isang polyetong naglalaman ng mahalagang mensahe: “Organize without leaders.” Ito ay malinaw na naglalarawan ng isang klase ng pag-atake sa sistemiko at sistematikong paglaganap ng hindi pantay-pantay na pamumuno at administrasyon sa ating bansa na umiiral sa politikal na spectrum ng grupong makakanan at makakaliwa. Ang pagtuligsang ito ay nagnanais magpanukala ng pahalang na organisasyon at consensus-building kung saan myutwal na pagkakaisa kaysa kaguluhan at opresyon ang pangunahin o namumukod-tanging birtud. Ayon kay Anderson:

The leaflet was unsigned, but a website was appended for further inquiries . . . I read it out loud to my audience, and was surprised that almost everyone seemed taken aback . . . I cannot be sure if Rizal would have been pleased by this event, but I feel certain that Isabelo would have been enchanted by the leaflet and rushed to his laptop to explore the website manila.indymedia.org. He would have found that this website is linked to dozens of others of similar stripe around the world (233).

Sa ngayon, may ilang naglalabasang artikulo mula sa mga makabagong iskolarsyip na mas nagpapahalaga sa pagkakaiba-iba, desentralisado at pahalang na politika, na laging nababalewala sa tradisyonal na pag-aaral ng kasaysayan ng

Page 7: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

61Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas R.SM. Reyes

gobyerno at samahang makakaliwa, dahil na rin sa kanilang konsepto ng pinag-isang nasyong estado. Sa isang banda, ang ideya ng nasyonalismo kasi ay laging may posibilidad na magamit para sa banayad ngunit sadyang marahas na hegemony. Dapat nating mapagtanto na ang eksistensiyal na mukha ng mabuting buhay na nagtataglay ng malaya, pantay, at rasyonal na lipunan ay makakamtam lamang kung lubusan nating lilipulin ang pagsasamantala ng kapitalismo at representasyonalismo na nakapaloob sa mga panlipunang estruktura at kasanayan. Sa ganitong paraan lamang magiging tunay na tahanan ang ating komunidad, ng mga Pilipinong aktibong nakikilahok sa mga usaping magpapaganda ng kalagayan ng ating lipunan.

Ang impluwensiya ng awtoritaryang makakaliwa ay unang tumapak sa ating kapuluan matapos mabuo ang UOD, halos kasabay rin ng pagsilang ng anarkismo. Dito nabuo ang hindi pantay-pantay na partido na handang agawin ang kapangyarihang politikal anumang oras. Ang impluwensiya ng Bolshevismo ang nagtulak sa pagtatayo na kauna-unahang partido ng mga awtoritaryang manggagawa na sinundan ng paglaganap ng rebolusyonaryong grupo ng Maoismo. Magmula sa semi-colonial at semi-feudal na pagsusuri ng lipunan natin, ang mga kasapi ng nasabing grupo na nagmula sa bansang Tsina ay nagsagawa ng estratehikong paglaban na dapat magsimula sa mga kanayunang tinitirhan ng mga magsasaka (Umali 5).

Ang National Democratic Front (NDF) naman ay naging pinakamakapangyarihang grupo sa network ng mga makakaliwa. Ito ay tuwirang naimpluwensiyahan ng Partido Komunista ng Pilipinas na pinalakas ng sumisibol na New People’s Army (NPA). Ang radikalismong ipinakita nila ay nakahikayat ng mga miyembro mula sa iba’t ibang sektor gaya ng lipunan. Ang armadong pagkilos ng alyansa ng CPP-NPA-NDF ay napangibabawan ng mga elitista na nakatalaga sa gobyerno noong presidente pa si Corazon Aquino.5 Sa kalagitnaan naman ng dekada 90, ang pagkakawatak-watak ng kabuuang organisasyon ng kaliwa ay nauwi sa pagkakaroon ng maraming

paksiyon at karahasan. Ito ay idinulot ng iba’t ibang panloob na sigalot ng mga pinuno at miyembro. Ang pambalangkas na suliraning ito ay lalo pang lumala noong mapaalis sa puwesto bilang presidente ng ating bansa si Ferdinand Marcos.

Dahil sa inobasyong dulot sa sangkatauhan ng teknolohiyang cyber, pati ang klase ng pakikibaka ay nagkaroon na rin ng bagong anyo. Ilan sa mga ito ay ang mga grupo ng mga makababae, makakalikasan, at cyber hacker. Ang mga pag-arangkada ng ating kakayahan ay kritikal na humahamon din sa ating nakagawiang epistemolohiya lalo na ang may kinalaman sa teoryang panlipunan. Dahil dito, ang muling pagbusisi sa mga teoretikal na basehan ng mga umiiral na panlipunang pagkilos ang ating magsisilbing bagong suliranin. Ang tradisyonal na konsepto kasi ng ating teoryang panlipunan sa mahabang panahon ay nakatuon lamang sa mga lokal na estruktura at pamamahala, pati na rin ang mga estratehiya sa paglaban at pangangasiwa. May ilang kilusan sa bansa na gumagamit ng ganitong pamamaraan para sa karagdagang komunikasyon, mobilisasyon, at partisipasyon. Ngunit mayroon pa rin namang ilang grupo na pamilyar sa tradisyonal na pagtingin ng Komunismo na nanatiling gumagamit ng armadong dahas sa pakikipaglaban, kaysa buksan ang kanilang ideolohiya sa pagbabagong dulot ng teknolohiya. Sa katunayan nga, ang kanilang dogmatikong interpretasyon ng pilosopiya ni Karl Marx at ang hindi-pantay na estruktura ng buong organisasyon ang nagsisilbing balakid sa kanilang pagyakap sa potensiyal na maibabahagi ng teknolohiya kaya marahil ito rin ang malalim na dahilan ng paghina sa kanilang pangkalahatang puwersa.

Isang Multi-Centered na Pagsusuring Politikal

Hindi gaya ng samahang makakaliwa, ang ipinapanukala at itinataguyod ng anarkismo ay ang abolisyon ng representasyonalismo at marahas at hindi pantay-pantay na kapangyarihan. Ang kapansin-pansing katangian ng kontemporaryong

Page 8: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

62 Malay Tomo XXVII Blg. 2

anarkismo na ito ay ang pagpuna sa lahat ng uri ng prinsipyong dogmatiko at ang pagpapatibay ng difference bilang isang pragmatikong posibilidad.

Ang dedikasyon ng post-anarkismo laban sa representasyonalismo at pagkakampeon sa difference, ay nagpapatibay sa mahalagang layunin na lumikha ng isang klase ng asosasyong pangkomunidad na hindi saklaw ng sakop ng estado, at direktang demokrasya na nagpapahina ng pagkontrol sa atin ng estado.

Ang mga uri ng pag-aaklas sa kasakalukuyan ay nakaabot at nakakalat na rin sa espasyong cyber dahil ang kaluluwa ng dominasyon ay umabot na rin sa lugar na ito. Para kay Deleuze, ang ideya na wala nang iisang sentro ang pakikibaka ay hindi dapat ituring na kahinaan o kakulangan. Ito ay nagpapahiwatig ng karagdagang kakayahan at dinamikong potensiyal. Ang inobatibong pakikibakang ito na laban sa kahit anong prinsipyong identitaryan at teleolohikal ay walang katapusang kumikilos na parang isang nomad na patuloy na bumubuo ng maraming relasyon, affects, at puwersa. Sa kabuuan, ang mga politikal na tipolohiyang ito ay sadyang bago at katangi-tangi sapagkat ito ay pinananahanan ng iba’t ibang dimensiyon ng pagkilos na dumadaloy sa iisang politikal na konsepto at lakas.

Isang Pre-Figurative na Pamararaan ng Politikal na Transpormasyon

Ang kahalagahan ng estratehiyang ito ay para bigyan ang mga rebolusyonaryo ng sapat na lakas at kagamitan upang harapin ang mga kinahinatnan ng politikal na pakikibaka na inilunsad ng malawakang kilusang Occupy gaya ng mga proyektong Food not Bombs, independent media centers at reclaim the street. Hindi gaya ng mga naunang gawaing pampolitika na nakabatay sa prinsipyo ng representasyon, ang nasabing kilusang ito ay sumusunod sa konsepto ng direktang pagkilos at consensus-building (Deleuze and Guattari, A Thousand Plateaus, 430).

Taliwas sa ideya ng pagtatamasa ng rebolusyonaryong transpormasyon gamit ang ebolusyonaryong proseso ng transisyon, pag-

unlad, at reporma, ang pre-figurative na politika ay nakatuon sa pagbabago na anterior na ukol sa hinaharap. Layunin nitong makapagbuo ng isang bagong politikal na estruktura sa pamamagitan ng pagbubuwag ng mga makalumang estruktura at teritoryo. Ang dinamismo ng pagkilos na ito ay ang malikhaing paglalaro sa gitna ng nakaraan at ng hinaharap. Ang bersiyon ng transpormasyong politikal na ito, “rewrites and reinterprets the totality of potentials that already existed in stratified form and creates an action of the future on the present, and the present on the past”(431).

Nais ng rebolusyonaryong interbensiyong ito na basahin ang mga suliranin ng lipunan sa pamamagitan ng lokal o molecular at kalat-kalat na lente na sa mata ni Deleuze ay ang “plane of consistency, which is nevertheless precisely where the imperceptible is seen and heard” (431). Sa puntong ito, dapat nating mapagtanto na hindi tayo dapat maglunsad ng isang imposibleng rebolusyon kung hindi pa handa ang mga sandata lalo na ang kamalayan ng mga rebolusyonaryo. Ito marahil ay maihahambing natin sa punto ni Rizal noong puntahan siya sa Dapitan ng ilang miyembro ng Katipunan para hingin ang kanyang pahintulot at saloobin ukol sa plano nilang maglunsad ng malawakang pag-aaklas. Sa perpspektiba ni Deleuze, ang dapat nating pag-isipan ay ang rebolusyong parating pa lamang at nananatiling isang birtuwalidad sa kasalukuyan.

Ang rebolusyonaryong layunin ng pre-figurative na politikang ito ay sinubok na gawin ng kilusang Occupy Rizal Park noong ika-15 ng Oktubre taong 2011, kasama na rin ang iba’t ibang lokal na mobilisasyon na inilunsad ng Local Anarchist Network. Ito ay naglarawan ng isang makabagong mukha ng lipunan sa pamamagitan ng pagtatayo ng portabol na kusina at paglalaan ng espasyo para sa usaping politikal at pamamahala na nakabatay sa anarkistang prinsipyo ng mutuwal na pagtutulungan at self-organization. Ngunit dahil sa malawakang pagkamanhid ng kritikal na kaisipan at sensibilidad ng mga tao lalo na sa kamaynilaan, ang pagkamalikhain ng nasabing pagkilos ay hindi magandang nagtapos dahil sa kakulangan ng partisipasyon.

Page 9: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

63Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas R.SM. Reyes

Makaraan ang ilang taon ay inilunsad naman ng mamamayang Pilipino ang isang pag-aaklas na nagtataglay ng rhizomic na puwersa na tinatawag na “Million People March,” noong ika-26 ng Augosto taong 2013. Bilang isang nomadikong aktibidad, ang grupo ng anarkista sa bansa ay naging isa lamang sa assemblage kasama ang iba pang grupo, puwersa, damdamin, at makinarya. Sa makabagong pag-aaklas na ito, hindi na lamang iisang politikal na organisasyon o diskurso ang naglunsad ng puwersa at mga adhikain. Kahit na ating narinig ang nag-aalab na boses ng Migrante, Anakbayan, at Kilusang Mayo Uno (grupong kasapi o kaalyansa ng mga makakaliwa), ay nanatili pa rin silang isa lamang sa mga boses ng galit at dismayadong kabuuan o assemblage, at iba’t ibang tono at antas ng panaghoy ng ating kapwa Pilipino na nagnanais wakasan ang patuloy na paglaganap ng korupsiyon sa bansa. Sila ay nilamon ng isang aktibo, mobilisado, at nomadikong kolektibiti na kinapapalooban din ng mga taong nagmula sa iba’t ibang dako ng lipunan gaya ng sa trabaho, edukasyon, at simbahan. Kahit na ang mga simpleng tao ay dumalo gaya ng mga nagbibisikleta, musikero, tindero, mga alagang hayop ng mga elitista, artista at may mga materyales na pamprotesta. Inokupa nila at pinangibabawan ang pisikal na estruktura ng Rizal Park sa Luneta para kapit-kamay nilang lipulin ang pag-iral ng sistemiko at sistematikong paghahari ng politikal na imoralidad sa ating lipunan na inakda ni Janet Lim-Napoles kasabwat ang ilang mambabatas at opisyal ng pamahalaan.

Dahil ang post-anarkismo ay hindi lamang limitado sa organisasyon ng LAN (kahit na sila ang napakatiyagang nagpupursigi nito sa iba’t ibang pook sa bansa), ito ay nananahan sa lahat ng talampas at assemblage ng buong bansa. Kaya ating makikita na kahit ang konsepto ng anarkismo ay nakaranas din ng prosesong deteritoryalisasyon kaya ang dinamismo nito ay naging malaking tulong sa pag-usad ng nagngangalit na Pilipinong assemblage.

Pagkatapos sa Luneta, ang radikal na assemblage ay nagtungo sa Mendiola. At habang nagaganap ang pagkilos na ito, ang ating mga

kababayan sa ibang panig ng bansa ay naglunsad din ng sari-sarili nilang protesta gaya ng sa Cebu at Davao. Ang ilang OFWs naman sa Hong Kong ay naglunsad ng “no remittance day” bilang protesta sa mga buwaya ng ating bansa. Ang ilang Pilipinong iskolar sa Australian National University ay nagdaos din ng protesta pati na ang grupong Anonymous Philippines na pumasok nang walang paalam at sinira ang mga website ng gobyerno bilang paglaban sa espasyong cyber. Makikita natin na ang pagkakaiba nito sa tradisyonal na pagkilos ay ang mga kalahok ay hindi na lamang mula sa iisang sektor; ang lugar, na hindi limitado sa kalsada o sa kapitolyo; ang tagal ng paglaban, na hindi dalawa o tatlong araw lamang; kagamitan, na sinasaklawan na ng paggamit ng teknolohiya. Habang patuloy na dumadaloy ang nomadikong rebolusyong ito ay lalong napagtatanto ng ating mga kapwa Pilipino ang mga kabulukan sa loob ng administrasyong Aquino at patuloy na nag-aalab ang ating kritikal na kamalayan at lakas.

Estratehiya ng Pakikilahok ng mga Institusyon

Ang mga pakikilahok ng mga institusyon ay isinasagawa at napapanatili sa pamamagitan ng inter-subjective na proseso na patuloy na hinuhubog ng imanent at dinamikong kaisipan ng mga tao. Samakatwid, ang mga elemento ng mga institusyon o kongkretong machinic assemblage ay hindi puwedeng ituring na mga normatibo o teleolohikal na pagkilos dahil patuloy nilang binabago ang mga kondisyon at layunin na dapat mamahala sa kanilang mga kilos at pag-iisip. Gamit ang organisasyonal na aspekto ng pilosopiya ni Deleuze, aking ilalapat ang nasabing konsepto sa ating lipunan ayon sa mga panukala ng mga Pilipinong anarkista.

Ang unang haligi ay tinatawag na Direktang Demokrasya. Susunod ang pagkilos na ito sa isang estrukturang desentralisado na nabubuo gamit ang pinagsama-samang puwersa ng isang grupo o mga grupo. Ang bagong organisasyong ito, sa salita ni Umali, “is about the cultivation of a political

Page 10: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

64 Malay Tomo XXVII Blg. 2

atmosphere which is participatory and inclusive of the highly diverse population based on the actual needs and interests of the communities” (13). Sa ganitong sistema, pinapalakas ang loob ng mga tao sa lokal na antas na ipahayag ang kanilang mga saloobin, ideya at tungkulin, pati na rin ang pagbabahagi ng mga bagay na ito sa ibang barangay gamit ang kanilang bernakular o lokal na lengguwahe. Wika nga nina Deleuze at Guattari sa A Thousand Plateaus, “When people demand to formulate their problems themselves and to determine at least the particular conditions under which they can receive a more general solution, there is a definitely non-representational form of self-management and democratic participation” (588).

Ang pundasyon ng direktang demokrasya ay nagnanais na gumawa ng mga demokratikong proseso na makikinig sa mga taong nasa baba “and attain maximum effective solidarity, without stifling dissenting voices, creating leadership positions or compelling anyone to do anything whuch they have not freely agreed to do” (Graeber 71). Gustong tuligsain ng pagkilos na ito ang nakakondisyon nang mga inisyatiba mula sa mga subaltern at bigyang kapangyarihan ang mga karaniwang tao na hubugin at ayusin ang kanilang politikal na pamumuhay na demokratiko at walang iisang tao o grupo na nabibiyayaan lamang. Ang mahalagang landas ng minortaryan na prosesong ito ay nagbibigay-kapangyarihan sa mga tao upang mapag-ibayo ang kanilang relasyong politikal sa pamamagitan ng pag-aaral hindi lamang ng pakikinig kundi pati na sa pagdedesisyon, pagdedeliberasyon, pagdadalumat, at paglalapat ng mga plano sa realidad para sa kapakanan ng komunidad. Sa kasalukuyan, ang ganitong estilo ng organisasyon at pakikitungo ay inoobserbahan pa rin sa ilang mga katutubong komunidad sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang pangalawang pr insipyo ay ang komperedalismo. Layunin nitong ihulma ang sosyal na estruktura gamit ang pre-Hispanic na barangay na nagtataglay ng magkakaugnayan ngunit semi-federated na mga yunit. Naipoproseso ang prinsipyong ito sa pamamagitan ng sistemang

barangay dahil sa ilalim ng modelong ito ay ang tradisyonal na kasanayan ng desentralisasyon na makikitang mas makatao kaysa sa modelong representasyonal na patuloy pa ring uniiral sa ngayon. Ang prosesong desentralisasyon ay hindi natin puwedeng ihambing sa parokyalismo sapagkat ang bagong lokal na yunit na ito ay malikhaing nakaugnay sa iba’t ibang lokal na network sa ibang bahagi ng mundo. Sa paningin ni Murray Bookchin, ang kompederalismo ay “above all a network of administrative councils whose members or delegates are elected from popular, face-to-face democratic assemblies” (34).

Sa paniniwalang ito, ang pagbubuo ng mga patakaran ay hindi na lang nakasalalay sa kamay ng mga pinuno hindi kagaya ng pamamaraan sa sistemang representasyonal o awtoritaryanismo. Ang mga kolektibong aktibidad ay idaraos sa mga barangay sa pamamagitan ng malayang deliberasyon. Ang mahalagang pagkakataong ito ang magbubukas ng pinto para mapakinggan ang tinig ng mga subaltern. Sa aspekto naman ng mga pangunahing proyektong panlipunan, magkakaroon ng mga pangkonsehong pagtitipon na nakaugnay sa ibang yunit. Hinihikayat ng bawat grupo ang mga kalahok na iparinig ang kanilang mga boses. Sa prosesong ito, sadyang hindi maiiwasan ang posibilidad ng banggaan ng mga ideolohiya o saloobin. Ganoon pa man, nanatili ang apirmadong posibilidad na ang kanilang mga personal na interes ay magtatagpo rin sa isang banda, sapagkat sa isang tunay na diyalogo, ang mga pansariling interes ng mga kalahok ay isinasaalang-alang para sa konsensus na pluralistiko.

Sa prinsipyong anarkismo, ang kompederasyon ay magsisilbing estruktura para sa pagpapayo na magsasama-sama sa lahat ng sosyal, politikal, at ekonomikong diskurso sa mga komunidad, munisipalidad, siyudad, rehiyon at hanggang sa buong kapuluan. Ang kabuuang kakayahan ng konseptong ito ay makatwirang ibabatay sa etika ng mutuwal na pagkakaisa. Sa totoo lang, ang programa ng post-anarkismo na ito ay isang pangmatagalang gawain dahil ang prinsipyong

Page 11: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

65Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas R.SM. Reyes

ito ay hindi lamang sumasaklaw sa teoryang politikal na magbabago ng lipunan, ngunit sa isang pagbabago ng ugali ng mga mamamayan na may kinalaman sa relasyon at transpormasyon, lalo na sa mga nasanay sa makalumang sistema ng politika na higit na nagpapahalaga sa indibidwalismo at opresyon kaysa sa pagkakaisa at kalayaan.

Ang direktang demokrasya at kompederalismo ang mahalagang kasangkapan ng kontemporaryong anarkismo upang wakasan na ang bangis ng kapitalismo at sentralisadong politika na nakabatay sa representasyonalismo. Sa ganitong paraan, “hindi dapat itigil ang mobilisasyon ng mga lokal na yunit ng ating lipunan para mapangalagaan ang kanilang mga nomadikong espasyo na konektado sa iba pang mas malaking komunidad” (Umali 6).

Gamit ang makabagong lente, layuinin ng post-anarkismo na makapagbuo ng desentralisado, pahalang, at demokratikong kompederasyon ng mga barangay o komunidad at boluntaryong samahan sa bansa. Bilang isang imanent na uri ng pilosopiya ng pag-aaklas, ang paggamit nito sa pre-barangay sa sistema ay pag-iibayuhin pa ng teknolohiyang cyber para sa mas karagdagang kahulugan, puwersa at bilis kasama na ang birtuwal na espasyo. Ang inobatibong organisasyong ito ay magsisilbing alternatibong maghahatid ng pagbabago para matamasa na natin ang kalayaan mula sa iba’t ibang mukha ng kahirapan, korupsiyon at dominasyon sa Pilipinas.

EMANSIPATORYONG PAG-ASA AT PAGIGING REBOLUSYONARYO NGAYON

Ang imanent na artikulasyon ng mga karanasan ng mga tao ay magkakaroon lamang ng silbi kung sila ay lalabas sa kahon ng abstraksiyon. Sila ay dapat mag-ambag sa transpormasyon sa mga pook, estruktura, at lipunan na pinamumugaran ng korupsiyon at opresyon. Ang pragmatikong mukha ng pilosopiyang ito ay dapat patuloy na magbagong-anyo at puwersa batay sa patuloy na pag-agos ng buhay at sibilisasyon. Ayon kay Ian Boal, “the longing for a better world will need

to arise at the imagined meeting place of many movements of resistance, as many as there are sites of enclosure and exclusion. The resistance will be as transnational as capital. Because enclosure takes myriad forms, so shall resistance to it” (Boal 23). Kahit na ang mundo ngayon ay sinusugatan ng iba’t ibang klase ng politikal, sosyal, kultural, at ekonomik na salik, nananatiling maalab ang posibilidad ng redempsiyon ng sangkatauhan lalo na sa kasalukuyan.

Ang kilusang anarkismo sa buong mundo kontra sa globalisasyon ay matagumpay na nagwasak at nagwawasak pa ng mga representasyonalista at despotikong prinsipyo. Ngunit hindi natin maikakaila na ang magandang layunin ng reboluyonaryong pagkilos ay patuloy pa ring hinahadlangan ng mga hindi pagkaunawaan sa loob ng koalisyon, kakulangan ng partisipasyon at pagkalantad sa media, at karahasan ng mga pulis. Ang mga salik na ito ay patuloy na magiging balakid sa pagsulong ng post-anarkismo, kaya walang kapaguran nating dapat na tuligsain ang mga problemang ito, patuloy nating balasahin ang ating mga kritikal na estratehiya. Ito ang tinatawag ni Deleuze na politika ng dice-throw na binibigyang-buhay ang pilosopikal na konsepto ng difference at multiplicity.

Sa kaso ng “Million People March,” na isang makabago, nomadiko, at molecular na pagkilos, ang puwersa nito ay patuloy na umaagos sa iba’t ibang lugar sa bansa upang gisingin at imulat ang mga natutulog na kritikal na kalinangan ng mga mamamayan at kalampagin ang mga espasyo ng korupsiyon at dominasyon sa bansa. Ang isang malaking suliranin na sigurado nating kakaharapin ay kung papaano natin mapapanatili ang rebolusyonaryong paglaban lalo na ngayon na patuloy na nalilimitahan ng mga ekonomikong pangangailangan at pananaw ang isipan ng karamihan sa atin. Sa aking pananaw, ang mga kritikal na mobilisasyon ng mga tao sa ating lipunan sa ngayon ay nagbibigay sa atin ng larawan ng isang nabubuo at makabago ngunit molecular at magkakaugnay na rebolusyon, tungo sa isang bagong lipunan na ang demokrasya ay hindi lamang isang ideya kundi isang realidad.

Page 12: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

66 Malay Tomo XXVII Blg. 2

Mapagtanto sana ng Local Anarchist Network ang nomadikong diwa ng post-anarkismo na hindi lamang tumutukoy sa kanilang samahan dahil ito ay naninirahan na hindi sa iisang teritoryo o espasyo lamang. Sa madaling salita, dapat maging inklusibista ang kanilang grupo sapagkat ang banayad at machinic na daloy ng puwersa ng post-anarkismo ay magbibigay-kapangyarihan sa bawat isa na gamitin at isabuhay ang anarkismo kahit na isang karaniwang tao ka lamang. Ngunit sa kabila ng pagiging nomadikong paglaban nito ay hindi natin dapat pilit na ilapat sa mga materyalidad o pangyayari na hindi pa handa o mga tao na hindi pa mulat ang kamalayan, upang hindi ito malugmok sa marahas at lugmok na kumunoy ng nakaraan.

Ang pagiging rebolusyonaryo sa kasalukuyan ay kailangan pa rin namang magtaglay ng organisado o molar na itsura sa antas ng kaisipang pantranspormasyon habang umiibayo ang rebolusyonaryong pagbabago. Ang paglikha ng makabagong sangkatauhan na magiging responsable sa rebolusyong ipinanganak sa materyaliad ng ating kontemporaryong panahon ay nagpapahiwatig ng malikhaing pakikipag-ugnayan sa saligutgot (chaosmos). Ayon nga sa Deleuzian na iskolar na si Ronald Bogue, “the invention of a people to come is directed toward something that is not absolutely chaotic and anarchic, towards some form of collectivity that is simultaneously metastable and temporarily stable, always engaged in process of negotiation, dissolutions and reformation” (87).

Ang rhizomic na mukha ng kasalukuyang pakikibaka ay dapat maging pandigmaan na nagpapatibay sa mga posibilidad at panganib ng representasyon na nakapaloob sa estado. Para sa mga anarkista ng Pilipinas, nabuo lang ang estado dahil sa pag-iral ng karahasan, kaya kung ito ay epektibong mabubura sa lipunan ay hindi na kakailanganin ang estado bilang pangunahing politikal na sentro ng bansa. Makikitang may katwiran din naman ang ganitong uri ng paniniwala, subalit kung ibabatay sa mga suliraning kinakaharap ng ating bansa ngayon gaya ng sigalot sa Mindanao at ng teritoryal

na problema natin sa bansang Tsina, ang papel na gagampanan ng estado bilang regulatibong mekanismo upang solusyunan o pahupain ang mga problemang ito ay lalo pang kinakailangan. Marahil, maaari nating isipin na sa ganitong mga panahon ay may lisensiya ang estado na gumamit ng dahas kapag nawalang saysay ang lahat ng legal at rasyonal na paraan. Kasalungat ng kanilang paniniwala kung pagbabatayan ang pilosopiya ni Deleuze, ay hindi naman kailangang tanggalin nang tuluyan ang estado sapagkat maaari naman itong maging kanlungan ng differential na pagkakaisa, pag-unlad at kapayapaan kaysa pang-aapi at kasamaan sa pamamagitan ng paglalagay ng etikal na dimensiyon sa mga estruktura, konsepto, talampas at “lines of flight” sa lengguwahe ni Deleuze. Samakatwid, ang panawagan nila sa lubusang pagbuwag ng estado ang punto kung saan naghihiwalay na ang landas ng kontemporaryong anarkista sa bansa at ang pampolitikang differential ni Deleuze. Sabi nga niya, puwede naman nating pag-ibayuhin ang maayos na relasyon ng estado at post-anarkismo o puwede nating pagsikapan ang deteritoryalisasyon ng estado upang maging nomad o kaibigan ng difference. Ito ay magiging possible lamang sa pamamagitan ng walang katapusang dinamikong interaksiyon ng estado at post-anarkismo. Ang ating magiging malaking pagsubok nga lang ay kung papaano natin mapapanatili ang kritikal na distansiya at nomadikong pagkilos ng dalawa, para makamtan natin ang apirmatibo at rhizomic na mga anyo at talampas ng buhay na hindi isinaalang-alang ang indibidwal para sa nakakarami o ang nakakarami para sa indibidwal.

Ang post-anarkismo ay nagbibigay ng pag-asa tungo sa isang rebolusyon at mundo na parating pa lang. Ayon kay Guattari, ang rebolusyong ito:

(Is) something of the nature of a process, a change that makes it impossible to go back to the same point . . . a repetition that changes something, a repetition that brings about the irreversible. A process that produces history, taking us away from a repetition of the same attitudes and the same significances. Therefore, by definition, a revolution cannot

Page 13: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

67Deleuzian na Pagbasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas R.SM. Reyes

be programmed, because what is programmed is always the déjà-là. Revolutions, like history, always bring surprises. By nature they are always unpredictable. That doesn’t prevent one from working for revolution, as long as one understands ‘working for revolution’ as working for the unpredictable (258).

MGA TALA

1 Napagpasiyahan ng mga anarkista na magtayo ng isang uri ng demokrasya na walang iisa o piling mga pinuno kung saan ang lahat ng desisyon ay ipoproseso batay sa deliberasyon at konsensus (Nail, “Deleuze, Occupy, and the Actuality of Revolution” 12).

2 Nadaragdagan sa ngayong kontemporaryong panahon ang bilang ng mga politikal na pilosoper na nagsasagawa ng kanilang mga pananaliksik tungkol sa kahulugan ng pagbabalik ng ating sibilisasyon sa kaisipan ng rebolusyon gaya nina Alain Badiou, Slavoj Žižek, Antonio Negri, Michael Hardt at Terry Eagleton. Ito ay isang pagbabalik sa rebolusyon na labas na sa tradisyonal nitong konseptuwalisasyon at iba sa pamamaraan ng sosyalismo at komunismo.

3 Isang panayam kay Bas Umali ng Local Anarchist Network tungkol sa anarkista sa Pilipinas (Mobile Anarchist School, Quezon City) noong ika-3 na Agosto 2013.

4 Ibid. 5 Panayam kay Bas Umali of the LAN (Mobile Anarchist

School, Quezon City) noong ika- 3 ng Agosto 2013.

SANGGUNIAN

Anderson, Benedict. Under the Three Flags: Anarchism and the Anti-Colonial Imagination. Quezon City: Anvil Publishing, Inc., 2006. Nakalimbag.

Bogue, Ronald. “The Future of Politics.” In Deleuze Studies. Edinburg: Edinburg University Press, 2012. Nakalimbag.

Bookchin, Murray. “The Meaning of Confederalism.” In Green Perspective, 20, (November 1900). E-Journal.

Deleuze, Gilles. Difference and Repetition. Translated by Paul Patton. New York: Columbia University Press, 1994. Nakalimbag.

Deleuze, Gilles and Guattari, Felix. Anti-Oedipus: Capitalism and Schizophrenia , trans. by Robert Hurley, Mark Seem, and Helen R. Lane

(Minneapolis: University of Minnesota Press, 1983). Nakalimbag.

Deleuze, Gilles and Guattari, Felix. A Thousand Plateaus: Capitalism and Schizophrenia. Translated by Brian Massumi. London: The Athlone Press, 1987. Nakalimbag.

Deleuze, Gilles and Guattari, Felix. What is Philosophy?. Translated by Hugh Tomlinson and Graham Burchell. New York: Columbia University Press, 1994. Nakalimbag.

Deleuze, Gilles and Parnet, Claire. Dialogues. Translated by Hugh Tomlinson and Barbara Habberjmn. London: Continuum, 2002. Nakalimbag.

Graeber, David. “The New Anarchists.” In New Left Review, 13 (Jan-Feb. 2002). Nakalimbag.

Graeber, David. “The Riot” in That Wasn’t In These Times, 29 (May 2000). E-Journal.

Guattari, Felix. Molecular Revolution. Edited by Suely Rolnik and translated by Karel Clapshow and Brian Holmes. Los Angeles: Semiotext(e), 2008. Nakalimbag.

Hardt, Michael and Negri, Antonio. Empire. Cambridge, MA: Harvard University Press, 2000. Nakalimbag.

Nail, Thomas. Returning to Revolution: Deleuze, Guattari, and Zapatismo. Edinburg: Edinburg University Press, 2012. Nakalimbag.

Nail, Thomas. “Constructivism and the Future Anterior of Radical Politics.” In Anarchist Developments in Cultural Studies: Post-Anarchism today, 1 (2010). E-Journal.

Nail, Thomas. “Deleuze, Occupy, and the Actuality of Revolution.” In Theory & Event, 16:1 (2013). E-Joournal.

Notes from Nowhere ed. We Are Everywhere: The Irresistible Rise of Global Anti-Capitalism. New York: Verso, 2003. Nakalimbag.

Patton, Paul. Deleuze and the Political. London: Routledge, 2000. Nakalimbag.

Proudhon, Pierre-Joseph. What is Property: An Inquiry into the Principle of Right and of Government. Translated by Benjamin Tucker. Humboldt Publishing Company, 1890. Nakalimbag.

San Juan, Epifanio. U.S. Imperialism and Revolution in the Philippines (New York: Palgrave MacMillam, 2007. Nakalimbag.

Umali, Bas. The Re-Emergence of Philippine Anarchism. Quezon City: Red Lion Press, 2007. Nakalimbag.

Page 14: Tungo sa Isang Deleuzean na Pagbabasa ng Pagsibol ng Post-Anarkismo sa Pilipinas

68 Malay Tomo XXVII Blg. 2

Umali, Bas, and Pairez, Jong. “Philippine Anarchism.” In Indokumentado, vol. 1, 2011. Nakalimbag.

Zizek, Slavoj. Organs Without Bodies: Deleuze and Consequences. New York: Routledge, 2004. Nakalimbag.