Page 1
Page 1 of 24
MITHING KAPAYAPAAN, MITHING KALAYAAN:
Sabat-sabat na mga Katutubong Wika
Bilang Dila ng Prosesong Pangkapayapaan
ni Mark Angeles
(sanaysay na nagwagi ng Ikalawang Gantimpala sa
Gawad Komisyon sa Wikang Filipino/KWF sa Sanaysay 2014 na may temang
Wikang Filipino: Wika ng Kapayapaan)
“Ang sinuman sa inyong nagsasalita ng [dayuhang wika] ay kinakalimutan
ang sariling wika. Nakalimutan na ninyo na habang pinapanatili ng sambayanan
ang kaniyang wika, napananatili niya rin ang kaniyang panata sa kalayaan,
tulad ng kung paano napananatili ng isang tao ang kaniyang kasarinlan
habang tangan ang sariling takbo ng pag-iisip.”1
- El Filibusterismo, Jose Rizal
Isang pambihirang patunay ng takbo ng mga negosasyong pangkapayapaan sa
Pilipinas ang mamamalas sa pagsisiyasat sa Peace Agreements Database2 ng UN
Peacemaker, ang “online mediation support tool” ng United Nations (UN) Department of
1 Sipi sa ikapitong kabanata ng El Filibusterismo. Akin ang salin, gamit ang orihinal na teksto ng nobela
na masisipat sa http://www.gutenberg.org/files/30903/30903-h/30903-h.htm.
2 Masisipat sa http://peacemaker.un.org/document-search.
Page 2
Page 2 of 24
Political Affairs. Kung gagamitin ang search string na “Philippines” at pipiliin ang Conflict
Type na “Intra-State,” lilitaw ang 55 dokumento ng mga kasunduang pangkapayapaan
sa Pilipinas mula 1976 hanggang 2014. Kapuna-punang lahat ng dokumento sa
listahan ay nakasulat sa wikang Ingles.
Samantala, kung pipiliin naman ang “Asia & the Pacific” gamit ang parehong
Conflict Type na “Intra-State,” lilitaw na sa 146 na dokumento na pinirmahan sa 16 na
bansa3, siyam lamang ang nakasulat sa mga wika bukod sa Ingles4. Marapat ding
banggitin na natuldukan ang mga kasunduang pangkapayapaang ito dahil sa
panghihimasok ng UN.
Lubhang nakababahala ang ganitong tunguhin at kalakaran sa pagkatig sa iisang
wika, lalo pa’t hindi ito kasama sa mga katutubong wika sa ating bansa. Sa katunayan,
ipinagsasanggalang ito ng Saligang Batas ng 1987. Ayon nga sa Artikulo XIV:
SEKSYON 6. Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.
Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa
salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.
Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat
na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga
3 Kabilang dito ang Pilipinas, Thailand, Afghanistan, Myanmar, Maldives, Nepal, New Zealand, Pakistan,
Indonesia, India, Sri Lanka, Papua New Guinea, Solomon Islands, Bangladesh, Cambodia, at People’s
Democratic Republic of Lao. Kasama sa 146 na dokumento ang pinirmahan ng mga grupo ng bansa
tulad ng sa Afghanistan, China, Islamic Republic of Iran, Pakistan, Turkmenistan, at Uzbekistan;
Indonesia, Portugal, at Timor Leste; at, Papua New Guinea (Australia, Fiji, New Zealand, at Vanuatu).
4 Maliban sa Ingles, nakasulat din ang mga dokumento sa mga wikang Arabic, Chinese, French, Russian,
at Spanish. Ang anim na nabanggit ang kinikilalang mga opisyal na wika ng United Nations.
Page 3
Page 3 of 24
hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod
ang paggamit ng Filipino bilang medium ng opisyal na
komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-
edukasyon.
SEKSYON 7. Ukol sa layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang
mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga't walang
ibang itinatadhana ang batas, Ingles.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na naiiwan kung hindi man hayagang
isinasantabi ang wikang Filipino mula sa pagbabalangkas hanggang sa pagpapatibay
ng mga kasunduang pangkapayapaan.
Dahil inaabot ng ilang taon, at madalas pa nga ay deka-dekada, ang proseso ng
pagbabalangkas ng kasunduang pangkapayapaan at dahil pirmado ng mga susing tao
sa magkabilang panig [halimbawa, sa pagitan ng Government of the Republic of the
Philippines o mas kilala bilang GRP, at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) o
National Democratic Front of the Philippines (NDFP)], hinihingi nang igalang at
papurihan ang kompromiso. Hinihingi rin nito na ipalagay nang sa wakas ay
sumusulong na ang kapayapaan; at, tulad nga ng puna ni Edward Said, ang sinumang
sumisita sa anumang bahagi ng prosesong pangkapayapaan ay agad na isinasakdal at
inihahalintulad sa isang taong “sagad hanggang buto ang pagiging taksil at walang
utang na loob.” (2007, 4)
WIKA NG NEGOSASYON
Page 4
Page 4 of 24
Ayon sa dating diplomat na si Harold Saunders, ang prosesong pangkapayapaan
ay isang “prosesong politikal kung saan ang mga sigalot ay nalulutas sa pamamagitan
ng mapayapang paraan. Ito ay pinaghalong politika, mahusay na pakikitungo,
pagbabago ng mga relasyon, pag-aayos, pamamagitan, at diyalogo sa kapuwa opisyal
at hindi opisyal na arena.” (2001, 483)
Organiko ang papel ng katutubong wika sa prosesong ito. Paliwanag nga ni
Alexander Spirkin, ang bawat pambansang wika ay nagtataglay ng sarili nitong
balangkas at mga semantikong detalye. (1984) Dagdag pa niya:
“Ang balangkas ng isang wika ay nabuo sa pamamagitan ng
mapagpasiyang impluwensiya ng obhetibong realidad, sa
pamamagitan ng ilang mga pinag-isang pamantayan ng pag-iisip,
at ng mga kategorikong balangkas ng kamalayan. Ngunit sa
parehong sandali ang mga pinag-isang unibersal na pamantayan
ng pag-iisip ay nagaganap sa libo-libo at iba't ibang lingguwistikong
paraan.”5 (Sa akin ang salin)
Inilalatag ng balangkas ng wika ang lahat ng anyo ng kaisipan at asal.
Responsible ang wika hindi lamang sa nilalaman, kundi pati na rin sa balangkas ng
pag-iisip. Bawat wika ay nagtataglay ng sarili nitong pilosopiya.
5 May malawig na pagtalakay si Spirkin tungkol sa kamalayan at wika sa ikatlong kabanata ng kaniyang
Dialectical Materialism.
Page 5
Page 5 of 24
Magkakaiba ang pamamaraan ng pagsusuri sa mundo ng iba’t ibang tao,
salungguhit ni Spirkin. Napansin ito John Paul Lederach sa mga mamamayan ng
Gitnang Amerika. Aniya, hindi lamang isang paraan ng pagpapahayag ang wika. Ito ay
daan tungo sa pagkakaunawa ng mga paraan ng ibang tao para buuin ang kanilang
realidad. (1991) Napuna niyang iniiwasan ng mga taga-Costa Rica ang salitang
“sigalot”.6 Mas gusto nilang gamitin ang mga salitang pagtatalo, problema, gulo, at
gusot para ilarawan ang mga ligalig sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Kaya naman kung nakatuon ang prosesong pangkapayapaan sa kalagayan ng
nakararami, mahalagang bigyang-pansin kung paano nito gamitin ang wika.
Noong dekada 70 pa lamang ay sinimulan na ni Heinz Duchhardt, dating direktor
ng Leibniz Institute of European History na nakabase sa Mainz, Germany, ang
pagsasaliksik sa mga pandaigdigang kongreso noong Maagang Makabagong
Kapanahunan (o huling bahagi ng ika-15 siglo hanggang huling bahagi ng ika-18 siglo;
mga panahong Renaissance, Reformation, Scientific Revolution, at Enlightenment).
Pinangunahan ni Duchhardt ang proyektong Übersetzungsleistungen von
Diplomatie und Medien im vormodernen Friedensprozess. Europa 1450–1789 (o "Mga
Salin ng Diplomasya at Media sa Maagang Makabagong Prosesong Pangkapayapaan,
Europa 1450–1789”) sa tulong ng kaniyang mga kaibigan sa Institute for European
Cultural History sa Augsburg at Staatsgalerie Stuttgart.
Pinag-aralan ng grupo ng mga istoryador, mga political at social scientist, at
maging ng mga art historian kung paano nabuo ang mga alyansa at naganap ang mga
6 Ayon kay Lederach, hindi ginagamit ng mga taga-Costa Rica ang salitang “sigalot” sa kanilang pang-
araw-araw na pamumuhay. Isang katagang pang-akademya ang “sigalot” para sa kanila, at mas bagay
diumano sa larang ng marahas na pakikibaka.
Page 6
Page 6 of 24
negosasyong pangkapayapaan noong maagang makabagong kapanahunan. Natatangi
ang proyektong ito dahil naging lunduyan nito ang wika. Sinubukan nilang sagutin ang
mga sumusunod: Ano-anong wika ang ginamit ng mga kalahok? Paano nila
binalangkas ang kanilang pangangatwiran? Ano ang papel na ginampanan ng mga
salin? At, paano nila naigpawan ang mga balakid sa pakikipagtalastasan?7
Sa nasabing proyekto dinalumat ang wika sa larang ng negosasyong
pangkapayapaan. Pinasadahan ng grupo ang hindi mabilang na mga kasunduang
pangkapayapaan, gayundin ang mga haka, burador, transcript, mandato, polyeto, at
maging ang mga memoir ng mga diplomat. Ayon kay Martin Espenhorst, isa sa mga
naging katuwang ni Duchhardt:
“Naging isang karaniwang paniniwala na ang mga kasunduang
pangkapayapaan noong unang bahagi ng maagang makabagong
kapanahunan ay nakasulat sa Latin, dahil iyon ang wikang
nakadikit sa mga Kristiyano at Europeo, at pagkaraan ay sa
Pranses dahil iyon ang wika ng diplomasiya. Totoo iyon, ngunit
hindi sa pangkalahatan. Kadalasan, ang wikang ginamit ay siyang
pinakamalapit sa bansa o sa dinastiyang kasangkot—Italyano o
Suweko, halimbawa. Sa kabilang banda, ilan sa mga kasunduang
pangkapayapaan ay isinulat sa wika na hindi ginagamit ng sinuman
sa mga kalahok. Isang halimbawa nito ang mga Ruso at Suweko
na isinagawa ang kanilang negosasyong pangkapayapaan sa
7 Masisipat ang paliwanag sa http://www.goethe.de/ges/spa/pan/spg/en10000791.htm.
Page 7
Page 7 of 24
wikang Aleman dahil ang paggamit ng isang neutral na ikatlong
wika ang pinaniwalaang mahalagang salik para pandayin ang
kasunduan.” (Sa akin ang salin)
Ginawa itong sangkalan ng Public International Law & Policy Group sa ilalim ng
Office of Conflict Management and Mitigation (DCHA/CMM) ng United States Agency
International Development (USAID). Sa kanilang Technical Brief8 mababasa ang
ganitong paliwanag:
“Habang ang mga kasunduang pangkapayapaan ay maaring
magkaroon ng bukod-tanging katangian dahil sa uri ng sigalot,
naglalaman ang mga ito ng maraming magkakaparehong salik.
Kagulat-gulat na ang mga kasunduang pangkapayapaan—tulad ng
mga saligang batas—ay maaaring maglaman ng makabuluhang
bilang ng boilerplate language9. Gayunman, kadalasang
ipinapakilala ng mga partido na bukod-tangi ang bawat kasunduang
pangkapayapaan batay sa mga suliraning isinalang sa
negosasyon. Sa kasamaang-palad, karamihan sa mga partido ay
walang paraan para makakuha ng standardized language o mga
template agreement. Ang nabanggit, kasama ng kawalan ng
8 Pinamagatang "Key Considerations When Supporting Peace Processes" at lumabas sa isang isyu ng
kanilang newsletter na may petsang Marso 2013.
9 Tawag sa mga bahagi ng kontrata na itinuturing na “standard template.”
Page 8
Page 8 of 24
karanasan sa pakikipagnegosasyon, ang siyang magtutulak sa
partido palayo sa oportunidad na sumulong sa pagbalangkas at
pag-amyenda ng wika para epektibong matugunan ang mga
tinutunggaling suliranin o mga point of impasse.” (Sa akin ang diin
at salin)
Maliwanag na binibigyang-katwiran lamang ng USAID ang kanilang
panghihimasok sa mga negosasyong pangkapayapaan. “Expect chaos,” babala ng
kanilang dokumento. Pagpapatuloy pa nito:
“Ilan sa mga indibidwal ang mababalisawsaw sa pagkambiyo sa
takbo ng kanilang isip mula sa sigalot patungo sa negosasyon. Ang
mga negosasyong pangkapayapaan mismo ay maaring maging
peligroso at maaaring manghina ang kalooban ng mga kalahok.
Ang mga salik na ito ang siyang magtutulak sa mga kalahok para
tratuhin ang mga negosasyon bilang ekstensiyon ng sigalot.” (Sa
akin ang salin)
Binansagang mga “development professional” ang mga pinauupo ng USAID sa
mga negosasyong pangkapayapaan. Sila diumano ang magbibigay ng kaalamang
teknikal at praktikal at on-the-ground insight na kinakailangan para magkaroon ng isang
matibay at pangmatagalang kasunduang pangkapayapaan. Paniniyak pa ng
dokumento:
Page 9
Page 9 of 24
“Ang mga development professional ay maaaring magbigay ng
ayuda sa mga diyalogo ng mga partidong may sigalot, magbigay ng
pondo para suportahan ang mga prosesong pangkapayapaan,
mag-ambag ng kanilang kadalubhasaang teknikal, at maghatid ng
kaalamang praktikal kung ano ang maisasagawa sa panahon ng
pagsasakatuparan ng kasunduang pangkapayapaan batay sa mga
umiiral na dynamics sa lugar.” (Sa akin ang salin)
Makatutulong diumano sa mga partido ang mga development professional para
magkaroon ng kaayusan ang “chaotic” na proseso. Samantala, nilinaw ng dokumento
na iba ang mga development professional sa mga tagapamagitan sa mga negosasyong
pangkapayapaan. Paliwanag ng dokumento:
“Ang mga tagapamagitan sa mga prosesong pangkapayapaan ay
hindi kinakailangang maging obhetibo at kadalasan ay tumatayong
isa pang partido sa negosasyon sa halip na maging isang neutral
facilitator. Humaharap sila sa hapag dala ang kanilang sariling
pang-unawa kung ano ang sanhi ng sigalot, ang kanilang sariling
lapit, at marahil, at ang pinakamahalaga, ang kanilang sariling mga
bias. Minsan, ang mga tagapamagitan pa ang siyang magsusulong
ng mga interes ng partidong sa tingin nila ay siyang biktima.” (Sa
akin ang diin at salin)
Page 10
Page 10 of 24
Kadalasan, tulad ng sa mga negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng
Palestina at Israel, ang Estados Unidos, ang tanging superpower ng daigdig, sabi nga
ni Said, ang siyang padrino at tagatanod ng “prosesong pangkapayapaan.” (2001, 312)
Dahil sa ang Estados Unidos ang may hawak ng salapi, tuwiran man itong
sangkot sa prosesong pangkapayapaan o hindi, may kapangyarihan itong maggiit ng
sariling interes. Tuwiran man itong sangkot o hindi, naipapataw nito ang sariling
patakarang pangwika: ang pagkiling sa wikang Ingles bilang medium ng negosasyong
pangkapayapaan at sa pagbalangkas ng kasunduang pangkapayapaan.
Gayunman, maliwanag sa Saligang Batas ng 1987 na hindi ito dapat mangyari.
Ang pagkiling lamang sa Ingles sa pagbabalangkas ng kasunduang pangkapayapaan
sa bansa ay isang paglabag sa ating saligang batas.
Sa katunayan, hindi masasabing kapaki-pakinabang sa sambayanang Pilipino
ang pantay na trato sa mga wikang Ingles at Filipino.
Ayon sa pinakahuling Census of Population and Housing (2000) na inilabas ng
National Statistics Office, may humigit-kumulang 150 wika at diyalekto sa bansa.
Nangunguna rito ang Tagalog na ginagamit ng may 5.4 milyong kabahayan. Sumunod
naman ang kumpol na Cebuano/Bisaya/Binisaya/Boholano na ginagamit ng 3.6 milyong
kabahayan. May 1.4 milyong kabahayang nakapagsasalita ng Ilocano at 1.1 milyong
kabahayang nakapagsasalita ng Hiligaynon/Ilonggo. May 6,032 kabahayan lamang ang
nakapagsasalita ng Ingles10. (Albert 2013)
10
Nabanggit sa artikulong “Many Voices, One Nation: The Philippine Languages and Dialects in Figures”
ni Jose Ramon Albert, Secretary General ng National Statistical Coordination Board. Masisipat sa
http://www.nscb.gov.ph/sexystats/2013/SS20130830_dialects.asp.
Page 11
Page 11 of 24
Masasabi nga na ang mga prosesong pangkapayapaan ay nagaganap sa
pagitan lamang ng GRP at ng kabilang panig para ayusin ang sigalot. Ngunit dahil
kailangang nakaangkla sa saligang batas ang anumang kasunduang pangkapayapaang
pipirmahan ng kapuwa panig, higit na dapat pahalagahan ang kabutihan at kapakanan
ng sambayanang Pilipino.
Kung wala pa sa isang porsiyento ng mga nakapagsasalita ng Tagalog sa bansa
ang nakapagsasalita ng Ingles, hindi ba’t isang pambansang krisis ang naidudulot ng
mga kasunduang pangkapayapaan sa kalakhan ng mamamayan na hindi rin
nakababasa nito, o kung nakababasa man ay hindi ito lubusang nauunawaan?
May babala at paliwanag si Antonio Gramsci tungkol dito. Aniya, nililikha ng krisis
ang mga kalagayang mapanganib sa maikling panahon, dahil ang sari-saring saray ng
populasyon ay walang kakayahang ilugar ang kanilang sarili nang madali at pantay-
pantay, o mag-reorganisa sa parehong kumpas. (1971) Diin pa niya:
“Binabago ng tradisyonal na naghaharing uri, na may
napakaraming bayarang intelektuwal11, ang mga tao at programa
at, sa mas mabilis na paraan na hindi kayang abutin ng mga uring
busabos, muli nitong napanunumbalik ang kontrol na
humuhulagpos sa kaniyang pagkakadakma. Marahil makagagawa
ito ng mga sakripisyo, at isusubo ang sarili sa walang katiyakang
11
Ginamit ko ang katagang “bayarang intelektuwal” para isalin ang trained cadres sa sipi kay Gramsci
dahil naisip kong mas nababagay ito para pagitawin ang kahulugan ng kaniyang paliwanag. Galing kay
Bienvenido Lumbera (sa kaniyang sanaysay na “Ang ‘Pambansa’ at ang ‘Panitikan’ sa Pambansang
Panitikan”) ang katagang nabanggit.
Page 12
Page 12 of 24
hinaharap sa paggamit ng mga demagogikong pangako; pero
napananatili nito ang kapangyarihan, muli itong napalalakas kahit
pansamantala, at ginagamit ito para durugin ang kaaway at ikalat
ang kaniyang mga nangungunang bayarang intelektuwal, na hindi
naman gaanong karamihan o lubhang napanday.” (Sa akin ang diin
at salin)
Isang sambayanang watak-watak, puta-putaki, at walang tunay na kasarinlan
kahit saan mo pa tingnan. Hindi madadalumat ang ganoong kasaklap na mga
pangyayari, sabi ni Said. Kaya para sa kaniya, unang-una, kailangan natin ng isang
seryoso at kolektibong pagsusuri sa mga patakaran at mismong mga pinuno na
nagdala sa atin sa ganoong daan, at kailangang angkinin natin ang hindi gasinong
responsibilidad sa ating sarili at sa ating mga pagkukulang, hindi lamang sa ating mga
kaaway at sa kanilang mga sabuwatan. May panukala si Said tungkol sa bagay na ito.
Paniniyak niya:
“Hindi ito magagawa kung hindi natin gagamitin ang wika at
katwiran para harapin ang realidad, nang puspusan at may
paninindigan. Walang halagang sabihing mayroon tayong ‘estado’
kung ang totoo ay mas nalayo pa tayo sa ating pinanggalingan.”
(2007, 43) (Sa akin ang salin)
Page 13
Page 13 of 24
WIKA NG KALAYAAN
Sa ikapitong kabanata ng El Filibusterismo ni Jose Rizal, padaskol na ipinalagay
ni Basilio na ang kaalaman sa wikang Kastila ang siyang magbubuklod sa buong
kapuluan.
Gayunman, mabilis itong sinalungat ni Simoun na sa bahaging iyon ng nobela ay
nagtapat na kay Basilio na siya si Ibarra. Aniya, isa itong malaking pagkakamali. Hindi
kailanman magiging pangkalahatang wika ng bansa ang Kastila. Hindi ito matatanggap
ng sambayanan dahil ang laman ng kanilang utak at puso ay hindi matutumbasan ng
anumang kataga mula sa dayuhang wika.
Bawat tao ay may kani-kaniyang dila at paraan ng pag-iisip, pagpapatuloy ni
Simoun. At habang pinapanatili ng sambayanan ang kaniyang wika, napananatili niya
rin ang kaniyang panata sa kalayaan, tulad ng kung paano napananatili ng isang tao
ang kaniyang kasarinlan habang tangan ang sariling takbo ng pag-iisip. Wika, aniya,
ang siyang diwa ng sambayanan.
Sangkawan ang wika sa ating bansa. Sa paanong paraan maihahatid at
maipauunawa ang prosesong pangkapayapaan?
Kung mapapansin, nangingibabaw sa mga negosasyon at kasunduan, hindi ang
salitang “kapayapaan,” kundi ang paggigiit ng kalayaan. Gayunman, hindi lubusang
nauunawaan ng ating mga kababayan ang salitang “kalayaan.” Tulad ng mga salitang
“pag-ibig” at “demokrasya,” isa itong basal na salita—karaniwang nababasa at
nabibigkas ngunit hindi malinaw na napatatagos sa kamalayan ng sambayanan. Sa
Page 14
Page 14 of 24
madaling sabi, hindi ito kongkreto tulad ng mga bagay o pangyayari na buhay sa
pandama.
Karaniwang naiuugnay ang “kalayaan” sa pambansang watawat o sa mga
bayaning nagbuwis ng buhay sa ngalan ng rebolusyon. Gayunman, kailangang suriin
ang pinagmulan ng salitang ito nang matiyak natin kung ito nga ang “diwa na isinisigaw
ng ating isip at puso.”
Batam-bata pa ang “kalayaan,” maging ang salitang ugat nitong laya. Lumitaw
lamang ito noong ika-19 siglo.
Hindi ito nakarehistro sa mga pinakamatandang diksiyunaryong nalimbag sa
bansa tulad ng edisyong 1832 ni Francisco de San Jose at ng edisyong 1754 ng
diksiyunaryong Tagalog-Kastila nina Juan Noceda at Pedro de San Lucar.
Nang isalin sa Tagalog ni Marcelo H. del Pilar ang sanaysay ni Rizal na “El Amor
Patria,” ginamit niya ang salitang “kalayaan” para sa libertad. Lumabas ito noong 20
Agosto 1882 sa Diariong Tagalog, ang unang arawang pahayagang Kastila na may
seksiyong Tagalog. Makaraan ang limang taon, habang isinasalin sa Tagalog ang
Wilhelm Tell ni Friedrich von Schiller, namroblema si Rizal sa salitang Aleman na
freiheit. Saka niya naalala ang salin ni del Pilar ng kaniyang gawa.
Salitang timaua (“timawa”) na nangangahulugang “malayang tao” ang siyang
ginagamit noon. Pansinin ang saknong na ito sa Florante at Laura ni Francisco
Balagtas12:
“Yaóng bayang hapo,t, bagong nacatigháo
sa nagbálang bangis nang man~ga ca-auay
12
Masisipat sa http://www.gutenberg.org/files/15845/15845-h/15845-h.htm.
Page 15
Page 15 of 24
sa pagca-timauà ay nag-aagauáng
málapit sa aqui,t, damít co,i, mahagcán.”
Sa isang taludtod ng tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ni Andres Bonifacio ay
nabanggit ang “pagkatimawa ng mga alipin”13.
Sa edisyong 1860 ng aklat nina Noceda at San Lucar ay may dalawang
kahulugan ang laya—“vasura de la casa, debajo de ella” at “estender el brazo, como
quien hila.”14
Sa aking abang palagay, isang pagkakamali ang unang kahulugan at marahil ay
ibig tukuyin ang layak o “basura.” Kumbinsido naman ako na may mahalagang papel sa
pagdalumat ng ating kalayaan ang ikalawa.
Hinihingi ng pagkakataon na libutin ang mga pangunahing katutubong wika sa
paghahanap ng kalayaan. Halimbawa, may kagawasan sa Cebuano, wayawaya sa
Ilocano, kawalayan sa Ivatan, kahilwayan sa Hiligaynon, kamurayaw sa Waray-waray,
lingkawas sa Bisaya Davao, at kawayangan sa Pangasinan.
Ang salitang ugat ng kawalayan sa Ivatan—walay—ay nangangahulugang “hindi
nahahadlangan” o “hulagpos.” Dagdag pa, ang salitang makawalay ay
nangangahulugang “panganganak” at ang walayen ay “pagkalag” o “pag-aalis ng buhol”
(knot). Sa Ilocano, ang waya ay nangangahulugang “maluwag na pagkilos.” At ang
gawas naman sa Cebuano ay nangangahulugang “palabas” (mula sa loob).
13
Masisipat sa http://www.kasaysayan-kkk.info/kalayaan-the-katipunan-newspaper/andres-bonifacio-
pagibig-sa-tinubuang-bayan-c-march-1896.
14 Matatagpuan sa pahina 177 at 514 ng Vocabulario de la lengua tagala: compuesto por varios religiosos
doctos y graves, y coordinado.
Page 16
Page 16 of 24
Kung gayon, ang kalayaan bago pa tayo sakupin ng mga dayuhan ay nakaugnay
sa knot ng pusod at hindi sa tinatawag na Gordian knot.
Ang pagkakaisa sa pagdalumat sa kasaysayan ng “kalayaan” ay magbubunsod
din ng pagkakaisa sa pag-unawa sa prosesong pangkapayapaan.
SUSI SA KAPAYAPAAN
Pagkakaisa ang susi sa kapayapaan. Akmang-akma ang salawikaing, “Gaano
man katibay ang piling abaka, wala ring lakas kapag nag-iisa.” Unang-una, dahil sa may
rehistro ng salitang “abaka,” may pagsamo ito hindi lamang sa mga kababayan nating
nasa mga bayan at baryo, kundi pati na rin sa ating mga lumad.
Kapuri-puri ang naganap na Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at
Palihan sa Malaybalay, Bukidnon noong 13-15 Pebrero 2014. Dinaluhan ang
makasaysayang pagtitipon ng mahigit 100 pinuno ng mga pangkat etniko sa Luzon,
Visayas, at Mindanao. Ayon nga sa talumpati ni Roberto Anoñuevo, Direktor Heneral ng
Komisyon sa Wikang Filipino:
“Mahalaga ang summit na ito sapagkat ito ang kauna-unahang
seryosong pagtitipon na pag-uusapan ang mga wikang taal sa
Filipinas tungo sa pagpapalawig ng kapayapaan, at inorganisa ng
isang ahensiyang pangwika ng pamahalaan. Kung ang mga wika
ang mayamang kamalig ng karunungan ng bansa, hindi lamang
dapat magpakilala ang mga ito sa bawat pangkat etniko, bagkus sa
Page 17
Page 17 of 24
antas ng progreso ng ating sibilisasyon. Nagiging malaking usapin
ang wika sapagkat may kasaysayan na tayo hinggil sa
pagkakawatak-watak dahil kailangan pa nating manghiram ng wika
sa banyaga upang mabuo ang kasunduang panlipunan para
maunawaaan ng mga dayuhan at siyang naglalagay sa alanganin
sa mayorya ng mga mamamayan.”15
Ayon sa website ng National Commission on Indigenous Peoples, may 110
grupong ethno-linguistic sa bansa na bumubuo ng 11.3 milyon o higit sa 10 porsiyento
ng ating populasyon (batay sa sensus ng 2010).
Kabilang sa mga tinalakay sa open forum ang mga usapin ng mga lumad tulad
ng pag-eetsapuwera sa mga Bajau sa RA 8371 o Indigenous Peoples Rights Act,
kawalan ng mga kinatawang lumad sa ilang lokal na pamahalaan, pagmimina sa mga
lugar na walang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) ng mga Aeta sa Pampanga,
at scholarship para sa mga lumad.16
Ipinaliwanag ni Anoñuevo na hindi lamang limitado sa lingguwistika o
sosyolingguwistika ang mga konsepto ng “wika ng kapayapaan.” Aniya, kaugnay rin “sa
naturang taguri ang usapin sa Pamanang Lupain ng mga Ninuno [ancestral domain],
ang paghahanap ng katarungan laban sa mga dambuhalang minahan at walang habas
na pagtotroso o paggugubat.”
15
Mula sa pambungad na talumpati ni Anoñuevo. Masisipat sa kaniyang blog
http://alimbukad.com/2014/02/14/wika-ng-kapayapaan/.
16 Basahin ang artikulo sa http://www.mindanews.com/top-stories/2014/02/15/bukidnon-hosts-first-ever-
national-language-summit/.
Page 18
Page 18 of 24
Ipinaliwanag ni Anoñuevo na maging sa pagbubuo ng Saligang Batas noong
1987 ay “ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang Ingles, at dahil ito ang
nakapangibabaw na wika sa mga talakayan, ang anumang pagtatalo hinggil sa
nilalaman at pakahulugan ng mga salitang umaabot sa layuning legal ay dapat lutasin
sa Ingles imbes na sa Filipino.” Kaya naman, aniya, “kahit sabay ipinromulga ang mga
tekstong Ingles at Filipino ng Konstitusyong 1987, hanggang sa simbolikong antas
lamang ang pagkakapantay nito, at hindi sa antas ng operasyon.”
Pinagtibay sa pambansang pagtitipon ang Kapasiyahan Blg. 2014-01, S. 2014
na nagrerekomenda sa tanggapan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ng paggamit ng
wikang Filipino sa mga kasunduang pangkapayapaan at iba pang kaugnay na batas.
Bahagi ng rekomendasyon ang mga sumusunod:
IPINAPASIYA, gaya ng ginagawang pagpapasiya ngayon, na
dibdibang harapin ng pamahalaan, lalo na ng mga kinauukulang
ahensiya o sangay nito, na ang mga balangkas ng Kasunduang
Pangkapayapaan at ang mga batas na ipinaiiral sa bansa ay dapat
isulat sa wikang Filipino nang may katumbas na teksto sa mga
katutubong wika ng mga pangkat etniko, at kaugnay nito, isangkot
ang Komisyon sa Wikang Filipino sa mabilisang pagsasalin sa
wikang Filipino ng mga batas na kasalukuyang pinaiiral para sa
Kasunduang Pangkapayapaan at para sa kapakanan at karapatan
ng mga pangkat etniko;
Page 19
Page 19 of 24
IPINAPASIYA rin na ipaabot sa pamahalaang pambansa at
pamahalaang lokal na magsagawa ng malawakang konsultasyon
sa mga pangkat etniko ng Filipinas sa pamamagitan ng wikang
mauunawaan ng lahat, bago magsagawa ng mga proyektong
pangkaunlaran sa mga lupain at tubigan, gaya ng impraestruktura
at pagmimina, na makaaapekto sa kanilang kultura at pag-iral; at
kaugnay nito ay gamitin ang Filipino sa antas ng barangay.
Nang mga panahong iyon ay nagkaroon ng mainit na talakayan sa pagbubuo ng
Bangsamoro Basic Law. Ani Anoñuevo, kakatwang nakasulat sa Ingles ang panukalang
batas “at ito ang isa sa mga hindi naibigan ng mga katutubo.” Para sa kanila, ang
panukalang batas ay para lamang sa MILF, “na ang wika ay wikang Ingles, imbes na
pumabor sa paggamit ng lingguwa prangkang Filipino sa Mindanaw.”
Puna ni Anoñuevo, hindi inihahayag ng MILF “sa sambayanang Filipino ang mga
naging kasunduan nito sa mga pangkat etniko sa Mindanaw at Palawan.” Bagaman
nasa antas ng pamayanan, “mahalagang maunawaan ng sambayanan sapagkat ang
usapin ng kapayapaan ay usapin ng lahat ng mamamayang Filipino” ang naturang mga
kasunduan. “Kailangang maibunyag din ang resulta ng mga konsultasyon, at kung
kinikilala ba ng mayorya ng mga pangkat etniko si Datu Antonio Kinoc ng B’laan, at
siyang kumakatawan umano sa lahat ng pangkat etniko sa Mindanaw. Si Datu Kinoc ay
Ingles nang Ingles, at daig pa ang mga akademiko, na hindi naibigan ng iba pang
kinatawan ng mga pangkat etniko.”
Page 20
Page 20 of 24
Masisipat sa UN Peacemaker ang dokumentong The Comprehensive Agreement
on the Bangsamoro na pinirmahan ng GRP at MILF noong 27 Marso 201417. Gaya ng
napagitaw sa papel na ito, nakasulat lamang ito sa Ingles.
Kung papasadahan naman ang mga deklarasyon at petisyon ng mga pinunong
Moro para hindi sila mapasailalim sa Unitary Philippine Republic noong sakupin tayo ng
Estados Unidos, mapapansin ding nasa Ingles ang mga ito18. Halimbawa ang mga
sumusunod:
(1) “We are independent for 500 years. Even Spain failed to
conquer us. If the United States quits the Philippines, and the
Filipinos attempt to govern us. We will fight.”
(petisyon ng mga mamamayan ng Sulu na may petsang 9 Enero
1921);
(2) “In the event that the US grants independence to the Philippine
Islands without provision for our retention under the American Flag,
it is our firm intention and resolve to declare ourselves as
independent Constitutional Sultanate to be known to the world as
Moro Nation.”
17
Mada-download sa
peacemaker.un.org/sites/peacemaker.un.org/files/PH_140327_ComprehensiveAgreementBangsamoro.p
df.
18 Nabanggit sa liham sa patnugot na isinulat ni Dr. Norodin A. Kuit ng Autonomous Region in Muslim
Mindanao. Masisipat sa http://www.mindanaoexaminer.com/news.php?news_id=20080916014637.
Page 21
Page 21 of 24
(bahagi ng Declaration of Rights and Purposes na pinirmahan
noong 1 Pebrero 1924 at ipinadala sa Kongreso ng Estados
Unidos; pinangunahan ito nina Sultan Mangiging ng Maguindanao,
Hadji Panglima Nuno ng Zamboanga, Datu Sacaluran ng
Zamboanga, Maharaja Habing ng Zamboanga, Abdulah Piang ng
Maguindanao, at Datu Benito ng Lanao);
(3) “Should the American People grant Philippine independence ,
the Islands of Mindanao and Sulu should not be included in such
independence. Our public land should not be given to other people
other than the Moros.”
(bahagi ng Dansalan Declaration na pinirmahan noong 18 Marso
1935 at ipinadala sa Kongreso ng Estados Unidos; pinangunahan
ito ni Hadji Abdulhamid Bongabong ng Unayan, kasama ng 189
mamamayan ng Maranao).
Mauunawaan ang pangangailangang isulat ang mga dokumentong ito sa Ingles.
Gayunman, walang katibayan na naisulat din ang mga ito sa mga wikang mauunawaan
ng mga makikinabang sa mga kalayaang ito.
Samantala, kinilala na ng NDFP ang pangangailangang maisulat sa Filipino ang
mga kasunduang pangkapayapaan sa antas ng mga komprehensibong paliwanag sa
Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International
Humanitarian Law (CARHRIHL).
Page 22
Page 22 of 24
Matatagpuan sa website ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang
tatlong mahahalagang dokumento na maaaring maging gabay sa pagtalakay ng
CARHRIHL. Pinamagatang “CARHRIHL: Makasaysayang karagdagang sandata ng
mamamayan” ang praymer. Sa unang bahagi ng dokumento tinalakay ang kontekso,
paglagda, at pagpapatupad ng CARHRIHL bilang “unang kasunduan sa substantibong
bahagi ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP.”19 Sa Apendiks A,
tinalakay ang “mga pinal na husga sa mga lokal at pandaigdigang hukuman kaugnay sa
mga kaso ng diktador na si Marcos na isinasaalang-alang sa pagsuporta sa pakikibaka
para sa katarungan ng mga biktima ng batas militar.”20 Ipinaliwanag dito ang
Resolusyon ng Senado Blg. 1640 at desisyon ng Korte Supremang Swiss noong 1997.
Sa Apendiks B naman tinalakay ang “mga kaugnay na pandaigdigang organisasyon at
kasunduan” tulad ng UN Covenant on Civil and Political Rights, mga kaugnay na
probisyon sa ilalim ng UN Convention Against Torture ng 1984, International Labor
Organization, International Convention on the Rights of Migrant Workers and Members
of their Families, at mga protokol ng Geneva Conventions.21
Marapat ding sabihin na kinikilala ng CPP ang kahalagahan ng mga katutubong
wika tulad na lamang ng paglalathala ng Ang Bayan, ang opisyal na pahayagan ng
partido, sa Ingles, Filipino, Bisaya, at Hiligaynon. Sa muling pagbubukas ng
19
Masisipat sa http://www.philippinerevolution.net/documents/carhrihl-makasaysayang-karagdagang-
sandata-ng-mamamayan.
20 Masisipat sa http://www.philippinerevolution.net/documents/carhrihl-makasaysayang-karagdagang-
sandata-ng-mamamayan-apendiks-a.
21 Masisipat sa http://www.philippinerevolution.net/documents/carhrihl-makasaysayang-karagdagang-
sandata-ng-mamamayan-apendiks-b.
Page 23
Page 23 of 24
negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP sa hinaharap, hindi man
sa kasalukuyang rehimen, harinawa ay maisulat sa Filipino ang kasunduang
pangkapayapaan.
Sangkawan man ang mga wika sa bansa, sa lalong madaling panahon ay
magiging ganap na sabat-sabat ang mga “piling abaka” ng ating lahi. Nasimulan na
nating igiit sa buong prosesong pangkapayapaan ang paggamit ng Filipino. Tulad ng
aral ng abaka, maigigiya natin ito kung patuloy at matibay ang ating pagbubuklod.
SANGGUNIAN: Albert, Jose Ramon. “Many Voices, One Nation: The Philippine Languages and Dialects
in Figures.” Sexy Statistics. 2013.
http://www.nscb.gov.ph/sexystats/2013/SS20130830_dialects.asp.
"Key Considerations When Supporting Peace Processes." Marso 2013.
http://www.usaid.gov/documents/1866/key-considerations-when-supporting-
peace-processes.
Lederach, John Paul. "Of Nets, Nails, and Problems: The Folk Language of Conflict
Resolution in a Central American Setting." Conflict Resolution: Cross-Cultural
Perspectives. Kevin Avruch, Peter W. Black and Joseph A. Scimecca, eds.
Greenwood Press: New York, Westport, Connecticut, London, 1991. Pp. 165-
186.
Page 24
Page 24 of 24
Lumbera, Bienvenido. Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa. Lungsod ng Quezon:
University of the Philippines Press, 2000.
Said, Edward. The End of the Peace Process: Oslo and After. Lungsod ng New York:
Random House LLC, 2007.
Saunders, Harold. "Prenegotiation and Circum-negotiation: Arenas of the Multilevel
Peace Process". Turbulent Peace. Washington, D.C.: U.S. Institute of Peace
2001. p. 483.
Spirkin, Alexander. Dialectical Materialism. Isinalin ni Robert Daglish. Central Books
Ltd, 1984.