Top Banner
Ang Alamat ng Lansones Noong unang panahon, sa isang bayan sa Laguna matatagpuan ang napakaraming mga puno na may mga bilog-bilog na bunga. Mukhang masarap ang prutas ngunit wala sino man ang mangahas na kumain nito sapagkat ang mga bunga ay lason. Ni lumapit sa nasabing puno ay ayaw gawin ng mga taong bayan. Napatunayan nilang lason ang mga bunga nang isang araw ay may napadpad na manlalakbay sa kanilang bayan. Dahil sa pagod, naupo ang matanda sa ilalim ng nasabing puno upang makapagpahinga. Nang makita ng manlalakbay ang mga nakasabit na bunga ay bigla niyang naalala ang kanyang gutom at pumitas ng mga ito. May isa sa mga taong bayan ang nakakita nang isubo ng matanda ang bunga. Tinangka niya itong pigilan ngunit huli na ng naabutan niya ang matanda. Nakain na nito ang lasong bunga at unti-unti na itong nangingisay at bumubula ang bibig. Dahil sa pangyayaring ito, mas lalong natakot ang mga taong bayan na lumapit sa puno. Sumapit ang isang matinding tagtuyot sa lugar. Namatay ang mga pananim at ang tanging natira ay ang mga lasong puno na hitik na hitik sa bunga. Taimtim na nag-dasal ang mga taong bayan na matapos na sana ang tagtuyot upang sila ay muling makapagtanim at makapag-ani ng makakain sapagkat malapit ng maubos ang naka-imbak nilang pagkain. Isang araw sa kainitan ng tanghali, isang mahiwagang babae ang dumating at kumatok sa mga pintuan ng mga taong bayan. Nanlilimos ang magandang babae ng makakain. Ngunit walang maibigay ang mga tao sapagkat salat din sila sa pagkain. Isang bata ang lumapit sa magandang babae at nagbigay ng kapiranggot na makakain. Pagpasensyahan na daw niya ito dahil iyon na lamang ang natitira niyang pagkain. Napangiti ang babae at kinuha ang pagkaing inabot ng bata. Pinanood ng bata ang babae habang ito ay kumakain. Pagkatapos kumain, tinanong ng babae ang bata kung bakit nila nasabing salat sila sa pagkain samantalang marami namang bunga ang kanilang mga punong-kahoy.
22

Mga Alamat

Oct 28, 2015

Download

Documents

Welcome message from author
This document is posted to help you gain knowledge. Please leave a comment to let me know what you think about it! Share it to your friends and learn new things together.
Transcript
Page 1: Mga Alamat

Ang Alamat ng Lansones

Noong unang panahon, sa isang bayan sa Laguna matatagpuan ang napakaraming mga puno na may mga bilog-bilog na bunga. Mukhang masarap ang prutas ngunit wala sino man ang mangahas na kumain nito sapagkat ang mga bunga ay lason. Ni lumapit sa nasabing puno ay ayaw gawin ng mga taong bayan.

Napatunayan nilang lason ang mga bunga nang isang araw ay may napadpad na manlalakbay sa kanilang bayan. Dahil sa pagod, naupo ang matanda sa ilalim ng nasabing puno upang makapagpahinga. Nang makita ng manlalakbay ang mga nakasabit na bunga ay bigla niyang naalala ang kanyang gutom at pumitas ng mga ito.

May isa sa mga taong bayan ang nakakita nang isubo ng matanda ang bunga. Tinangka niya itong pigilan ngunit huli na ng naabutan niya ang matanda. Nakain na nito ang lasong bunga at unti-unti na itong nangingisay at bumubula ang bibig. Dahil sa pangyayaring ito, mas lalong natakot ang mga taong bayan na lumapit sa puno.

Sumapit ang isang matinding tagtuyot sa lugar. Namatay ang mga pananim at ang tanging natira ay ang mga lasong puno na hitik na hitik sa bunga. Taimtim na nag-dasal ang mga taong bayan na matapos na sana ang tagtuyot upang sila ay muling makapagtanim at makapag-ani ng makakain sapagkat malapit ng maubos ang naka-imbak nilang pagkain.

Isang araw sa kainitan ng tanghali, isang mahiwagang babae ang dumating at kumatok sa mga pintuan ng mga taong bayan. Nanlilimos ang magandang babae ng makakain. Ngunit walang maibigay ang mga tao sapagkat salat din sila sa pagkain. Isang bata ang lumapit sa magandang babae at nagbigay ng kapiranggot na makakain. Pagpasensyahan na daw niya ito dahil iyon na lamang ang natitira niyang pagkain.

Napangiti ang babae at kinuha ang pagkaing inabot ng bata. Pinanood ng bata ang babae habang ito ay kumakain. Pagkatapos kumain, tinanong ng babae ang bata kung bakit nila nasabing salat sila sa pagkain samantalang marami namang bunga ang kanilang mga punong-kahoy. Ikinuwento ng bata sa babae na lason ang mga bungang ito. Napangiti ang babae at umiling ito.

Pumitas siya ng bunga at pinisil ito hanggang sa lumabas ang laman. Bago pa man napigilan ng bata ang babae ay naisubo na nito ang puting laman ng bunga. Nagtaka ang bata sapagkat walang nangyari sa babae; sa halip nakangiti nitong ibinigay ang prutas sa bata na siya namang tinikman din ang bunga.

Masarap at manamis-namis ang prutas. Sa tuwa ng bata ay napasigaw ito at tinawag ang mga kapitbahay upang matikman din nila ang prutas. Nagsilabasan ang mga taong bayan. Noong una ayaw nilang paniwalaan ang bata ngunit di naglaon ay tinikman din nila ito at napag-alaman ngang matamis ang bunga. Hinanap nila ang magandang babae upang pasalamatan ngunit wala na ito.

Page 2: Mga Alamat

Naniniwala silang tinanggal ng mahiwagang babae ang lason sa mga bunga. Simula ang dating "lason" ay naging "lansones".

Alamat ng Damo/Talahib

Noong unang panahon, noong bata pa si Araw at noong mga panahong si Bathala mismo ay yumayapak pa sa mundo ng mga mortal, ang tao ay sadyang pagala gala lamang. Kasama ang kanyang kabiyak nilibot nila ang kalupaan upang pumitas ng mga prutas at mga gulay para sa kanilang kakainin.

Hindi pa marunong ang taong maggulay o magtrabaho, ngunit ito ay sadyang ayos lamang sapagkat malawak ang mundo at ang mga halaman at puno ay likas na lumalaki at namumunga ng kusa.

Maraming taon ang lumipas at maraming pagbabagong nangyari. Nagkaron ng sitio na kung saan ang lupon ng mga tao ay nagsama-sama. Ngunit ang mundo ay hindi lumalaki. Pilit man niyang sustenahan ang tao sa pamamagitan ng kanyang dibdib, ang lupa, hindi pa rin natuto ang taong lumikha at gumawa para sa kanyang sarili. Kinukuha pa rin niya ang ano mang kailangan niya ng walang pagiimbot o pagiisip.

Napagod ang mga puno at mga gulayin sa patuloy na paghango ng tao sa kanilang mga inaalay. Dahil dito, nakiusap sila kay Bathala na makialam at turuan ang tao na gumawa ng kanyang sarili.

Nakinig si Bathala sa mga panawagan ng mga puno at halaman at minarapat niyang makihalubilo sa mga tao upang turuan silang magsaka, magtanim at magtrabaho para sa kanilang kakainin. Nung una ay nahirapan siya sapagkat matigas ang ulo ng tao. Ngunit nung maipakita ni Bathala na maaaring pumili ng itatanim at hahanguin na prutas at gulay ang mga tao, naenganyo na rin ang mga itong magtrabaho sa lupa.

Mula noon ay natuto rin silang magsama-sama at magtulungan sa pagtatanim. Sa tamang panahon ay minarapat rin nilang makiusap kay Hangin na dalhin ang kanyang kapatid na si Ulan upang madiligan ang kanilang mga patanim. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasayaw at pagkanta.

Batid nila na kung hindi dahil kay Hangin, ay marahil hindi rin darating si Ulan. Kaya’t ang mga panahon na kung saan wala si Ulan at Hangin ay siya naming tinawag nilang Tag-Araw.

Ngunit sa paligid ng mga tao sa sitio ay mayroong gumagapang na karimlan. Isa itong masamang ispiritu na nakikinig at nagmamatyag sa bawat kilos ng tao habang tangan tangan ang mariing pagka-inggit. Isa siya sa mga sinumpa ng mga Anito at mga Diwata.

Ang pangalan niya ay Batugan.

Sobra sobra ang pagka-inggit ni Batugan sa mga tao habang pinapanood niya ang mga itong nagsasaya sa paghango ng kanilang mga itinanim. Gusto rin kasi niyang makatikim ng mga makukulay at

Page 3: Mga Alamat

malinamnam na prutas at gulay. Hindi niya matitikman ang mga prutas na iyon dahil isinumpa siyang gumala sa mundo ng walang katawan.

Dahil sa matinding inggit ay namuhi siya sa mga tao at ninais niyang magdusa ang mga ito. Pinag-isipan niyang mabuti kung paano magdurusa ang kanyang mga kinaiingitan sa loob ng maramating taon. Naghintay siya hanggang sa dumating ang tamang pagkakataon.

Isang araw ay nakita niya sina Damo at Talahib sa isang baryo. Napagtanto niya na ang 2 lalaking ito na nga ang kailangan niya upang maisakatuparan ang maitim na balak. Sina Damo at Talahib ang pinakatamad sa kanilang baryo. Ninanakawan nila ang mga kabaryo nilang nagsusumikap at nagpapakahirap sa pagtratrabaho sa lupa. Napipilit lamang silang tumulong ng kanilang mga kabaryo pagkatapos ng napakahabang pagrereklamo nila. Hindi daw sila dapat magtrabaho dahil sila ang pinakamahinang mga lalaki sa kanilang baryo at parating sumasakit ang kanilang mga katawan, samantalang ang katotohanan ay inuubos lamang nila ang kanilang oras at lakas sa paglalaro at paggawa ng kalokohan.

Nakita ni Batugan ang mga katangiang ito kaya’t nagpasya siyang isakatuparan ang masamang hangarin sa pamamagitan ng dalawa.

Habang naglalaro sina Damo at Talahib ay lumapit si Batugan at binulong sa dalawa ang masamang plano niya.

Sinabi niya na kapag ninakaw nila ang lahat ng mga pagkain sa bodega ay hindi na nila kailanmang magtitiis sa pagkukutya ng mga kasama sapagkat sila na ang magtataglay ng lahat ng pagkain at dahil dito’y sila ang mamumuno. Batid natin na ang plano na ito ay hindi gaanong pinagisipan ni Batugan o ng dalawang itlog na si Damo at Talahib. Pero maaalala natin na sila’y mga taong may sobrang simpleng pagiisip.

Dahil sa kanilang kamangmangan, pilit na pinagplano nina Damo at Talahib ang kanilang balakin. Hinantay nila hanggat sa mapagod ang mga kalalakihan at matulog ang mga ito. Saka sila gumapang at pumasok ng marahan pagkatapos ay nilamon ang pagkadami daming mga prutas at gulay. Pagkatapos nito ay kumuha sila ng mga dahon ng saging upang gawing lalagyanan ng kanilang mga ninakaw. Gamit ito, dinala nila ang natitirang mga prutas at gulay sa kanilang kubo at sa ilalim ay itinago.

Tuwang tuwa ang dalawa at kapwa nagbolahan pa sa kanilang mga sarili kung gaano sila kagagaling at katalino. Pinagusapan din nila kung paano nila pamumunuan ang kanilang mga kinamumuhiang mga kasama. Ngunit biglang dumating si Kulog kasama ang kanyang kapatid na si Kidlat hatid ng malakas na pagsabog.

Krakaatoooomm!!!

“Damo at Talahib, dumating kami dito upang ihatid ang mensahe ng aming panginoong si Bathala.”

Page 4: Mga Alamat

sigaw ni Kulog na sa sobrang lakas ay nagising ang ibang mga kalalakihan sa kanilang sitio. Si Kidlat naman ay may hawak na sibat na gawa sa kumikinang na pilak na nagtataglay ng malakas at nakabubulag na ilaw ay tumango sa kanyang kapatid.

“Napagbadyaan ni Bathala, na kayo ay hindi na karapat-dapat pang maging mga tao dahil sa inyong pagnanakaw at pakikisama kay Batugan. Ang katamaran ninyo ay makasisira sa mga tao lalong lalo na kapag kayo ay gagayahin. Pinagisipan niyong magnakaw sa mga taong naghihirap at naghahanap buhay para lamang punuin ang inyong mga tiyan at sariling kaban bagkus ay hindi inyo ang ilalagay ninyo dito.”

Hinampas ni Kidlat ang kanyang naglalagablab na sibat sa lupa at yumanig ang lupa sa alingawngaw ng pagsabog. Si kulog naman ay muling sumigaw ng mas malakas.

“Mula ngayon hanggang sa magpakailanman, kayo Damo at Talahib, ay mapapako sa lupang ayaw ninyong taniman at kailanma’y hindi na kayo maglalakad rito bilang mga tao.”

“Bilang mga halaman, kayo’y hindi mamumunga o magtataglay ng kahit anong mga prutas o gulay.”

“Kayo ay tatabasin ng mga masisipag na lalaki sa pamamagitan ng kanilang mga bolo o kawit upang linisin ang kanilang mga kabukiran.”

“Titiisin ninyo ang lahat ng ito hanggang sa dulo ng panahon, sapagkat kayo’y paulit ulit na lalago sa lahat ng lupa sa mundong ito. Sa pagtubo ninyo, ay patuloy din kayong tatabasin ng mga tao.”

“Kayo’y kakainin ng mga hayop at yayapakan ng lahat ng bagay na naglalakad dito sa mundong ito.”

“Sa lakas ng kapangyarihan ni Bathala, kami si Kulog at si Kidlat, ay sinusumpa kayo magpakailanman!”

Pagkatapos nito’y isinigaw ni Kulog ang kanyang pinakamarahas na sigaw at hinampas naman ni Kidlat ng buo niyang lakas ang sibat sa lupa na siyang nagdulot ng pagkaliwaliwanag na ilaw na bumalot sa dalawa.

Matapos ito, ang natira lamang ay katahimikan at karimlan. Lumingon ang mga kalalakihan at pilit hinanap ang dalawa ngunit wala silang makitang kahit ano. Bumalik sa kanilang mga tahanan upang matulog muli.

Page 5: Mga Alamat

Ng muling manumbalik si Araw at nagkalat ng liwanag sa mundo ng mga tao, nagtipon tipon ang mga tao upang subukang hanapin muli si Damo at Talahib. Kanilang sinuyod ang lahat ng bahagi ng kanilang sitio ngunit sadyang hindi nila Makita ang dalawa. Sa paghupa ng kaguluhan, may isang batang lalaking bumalik sa lugar na kung saan huling nakita ang dalawa. Siya’y nagulat ng makakita ng dalawang maliit na halaman na hindi pa niya nakita sa kanilang lugar.

Sapagkat siya’y tunay ngang mapanuri, lumapit siya upang pagmasdan ang mga maliliit na halaman. Inamoy niya ito at nahusgahang hindi kasing bango ng mga bulaklak.

“Hindi kayo mabango, hindi kayo maganda, pagkaliit liit ninyo na sa palagay ko ay hindi kayo mamumunga ng kahit ano. Wala kayong silbi.” sabi ng bata sa dalawa. Binunot ng bata ang dalawang halaman at itinapon malapit sa isang kambing. Nakita ito ng hayop at siya namang isinubo at nginuya ng nginuya.

Mula noon, tuwing bumabalik si Ulan upang diligan ang kabukiran ng mga tao, ang mga taong masisipag ay tinatabas sina Damo at Talahib sa pamamagitan ng kanilang mga bolo at kawit.

Alamat ng Palaka

Noong unang panahon, may isang bayan na biniyayaan sa likas na yaman. Sa bayang ito, ang mga pananim ay matataba at hitik sa bunga. Ang kanilang mga gubat ay puno ng mga mababangis na hayop at iba’t ibang klase ng punong kahoy. Ang mga alagang hayop ay matataba at malulusog. Maging ang kanilang mga ilog at batis ay hitik sa mga isda na puwedeng makain. Napakaganda ng lugar at masasabi ng sinumang makakita sa bayang ito na sadya ngang pinagpala ang lugar.

Page 6: Mga Alamat

Subalit kung gaano kaganda ang lugar ay ganoon naman kapangit ang ugali ng mga naninirahan sa bayang iyon. Ang mga taong bayan ay sakim at mapagmataas. Madalas nagkakaroon ng mga away sa pagitan ng mga magkakapitbahay sapagkat ayaw nilang magbigayan. Sa halip na tumulong sa kanilang kapwa ay pulos ang pansariling kapakanan ang iniisip nila.

Maging ang mga nagagawing bisita sa kanilang bayan ay hindi ligtas sa kanilang pagmamalabis. Hindi nila tinatanggap ng malugod ang kanilang mga bisita sa halip ay pinalalayas nila ang mga ito lalo na ang mga sa tingin nila ay walang pakinabang sa kanila. Sa isip nila, ang mga taong dumadayo sa kanilang lugar ay nais lamang na nakawin ang kanilang mga likas na yaman kaya’t pinagtatabuyan nila ang lahat.

Isang araw, may dalawang bata ang naligaw sa bayan. Mukhang pagod na pagod ang mga bata at tipong malayo pa ang pinanggalingan. Naghanap ang mga bata ng masisilungan. Nagawi sila sa may batis. Nang makita ng mga bata na malinis ang tubig ay iniunat nila ang kanilang mga kamay upang makainom.

Page 7: Mga Alamat

Ngunit bago pa man din umabot ang kanilang mga kamay sa tubig ay may narinig silang mga boses na sumisigaw. Lumingon ang mga bata at nakita ang mga taong bayan na nanlilisik ang mga mata sa galit. Pilit na pinalalayas ng mga ito ang dalawa.

Nakiusap ang mga bata na kung puwedeng maka-inom ng tubig dahil sa nanunuyo na ang kanilang mga lalamunan sa uhaw. Ngunit nagmatigas ang mga taong bayan. Hindi nila pinainom ang mga bata. higit pa roon, tumalon sila sa batis at hinalo sa pamamagitan ng kanilang mga paa ang tubig nang sa gayon ay naging putikan ito at tiyak na hindi makakainom ang dalawang bata.

Sa ginawa ng mga ito ay biglang nagliwanag ang paligid at nag-iba ang anyo ng dalawang bata. Sila pala ay tunay na mga diwata na nagpanggap lamang na mga bata.

Nagalit ang mga diwata sa kasakimang pinakita ng mga taong bayan. Pinarusahan ng mga diwata ang mga ito na manatili sa putikang iyon at doon manirahan. Ang kanilang bayan ay maglalaho dahil sa hindi sila karapatdapat sa kayamanang kanilang tinamasa.

Hindi pa man natatapos sa pagsasalita ang mga diwata ay nagbago na ang anyo ng mga tao. Bigla silang lumiit at nagkaroon ng mga mahahabang binti. Lumaki din ang kanilang mga mata at humaba ang mga dila.

Simula noon ay sa putikan na nga naninirahan ang mga ito. Binabantayan ang sa akala nila ay ang dating mayaman nilang bayan. Sa ngayon tinawag silang mga palaka at napakaingay na nagmamando sa lahat na lumayas.

Page 8: Mga Alamat

Ang Alamat ng Saging

Maraming taon na ang nakalipas nang manirahan ang isang napakabait na matanda dito sa mundo. Ang matandang tinutukoy ay tinatawag nilang Apo Sagin.

Mag-isa man na naninirahan si Apo Sagin sa kanyang maliit na bahay kubo ay itinuring naman na siyang kapamilya ng mga kapitbahay niya. Napamahal sa kanyang mga kapitbahay si Apo Sagin dahil sa ito ay mabait at matulungin. Ang mga kapitbahay nito ay hindi mapapahiya kapag sila ay lalapit sa kanya upang humingi ng tulong. Kahit mahirap lang at matanda na ay binibigay ni Apo Sagin ang lahat ng kanyang makakaya.

Ang mga maliliit na bata ay malapit sa matanda. Itinuring na nila itong kanilang lolo. Sa tuwing hapon ay nagpupunta ang mga bata sa bahay ng matanda upang makinig sa mga kuwento ni Apo. Pagkatapos ay may nakahanda pang pagkain ang mga ito na niluto ng matanda.

Hindi lamang sa mga taong bayan matulungin ang matanda kundi pati na rin sa ibang tao maski hindi niya ito kakilala. Minsan habang nangangahoy siya sa gubat, may lumapit sa kanyang isang lalaki na nanghihina sa gutom. Agad niya itong inuwi sa kanyang bahay at inalagaan hanggang sa bumuti ang pakiramdam ng lalaki.

Noong minsan naman ay isang batang babae ang nanghingi ng limos sa kanya. Dinala niya ito sa bahay niya at ipinaghanda niya ng makakain. Bago umalis ang bata, tinuruan niya itong maghabi ng mga pinatuyong dahon upang gawing pamaypay upang maibenta. Sa ganoon hindi na manglilimos ang bata. Laking pasasalamat ng bata sa matanda. Balang araw ay makakabawi din daw siya sa kabutihang ipinakita sa kanya ng matanda. Napangiti lang si Apo Sagin.

Isang araw, dinapuan ng sakit si Apo Sagin at dahil sa matanda na ito ay masama ang naging tama nito sa kanya. Lubos na nanghina ang matanda. Marami ang dumalaw kay Apo Sagin upang alagaan siya habang may sakit ito. Halinhinan ang kanyang mga kapitbahay sa

Page 9: Mga Alamat

pagbabantay sa kanya. Maging ang mga batang kanyang kinukwentuhan sa tuwing hapon ay nandoroon at kinukwentuhan ang kanilang mahal na lolo.

Dumating ang oras na naghihingalo na ang matanda. Ang lahat ng taong bayan ay andoon upang makita ang mabait na matanda kahit sa huling pagkakataon man lamang. Mahinang nagpaalam ang matanda at dahan-dahan itong binawian ng buhay.

Nag-iiyakan ang mga taong bayan nang may dumating na isang bata. Ito ang pulubing tinulungan ni Sagin. Siya pala ay isang diwata. Ibinilin niya sa mga tao na ilibing si Sagin sa may bakuran. Huwag na raw silang malungkot dahil si Sagin ay mananatili sa kanila at di sila kailan pa man iiwanan. Ginawa nila ang sinabi ng diwata.

Makalipas ang ilang lingo, may isang halamang umusbong sa libingan ni Sagin. Ilang linggo pa ang nakalipas may parang hugis puso ang nakita nila sa halaman. Naalala nila ang sinabi ng diwata. Ang malaking puso ay halintulad ng matabang puso ni Sagin na punung-puno ng kabaitan at pagmamahal sa kapwa. Ang naging bunga nito ay marami at matamis.

Nanatili nga si Sagin sa mga taong bayan at hanggang ngayon ito pa rin ay nagbibigay ng sobra-sobra. Ang puno ngayon ay tinawag ng taong bayan na Saging.

Alamat ng Pagong

Noong unang panahon ang talukab ng pagong ay makinis at walang mga lamat tulad ng sa ngayon. Palaging ipinagmamalaki ni pagong ang kanyang talukab. Araw-araw niya itong nililinis at pinapakintab. Ipinagmamayabang niya sa lahat na sa sobrang kinis at kintab nito ay maaring kang magsalamin dito.

Hindi lamang kilala si pagong dahil sa kanyang makinis at makintab na talukab. Kilala din siya na isa sa mga madadaldal na hayop sa gubat. Hindi nauubusan ng kuwento si pagong. Minsan nang nag-kausap sila ng kaibigan niyang si palaka ay hindi man lamang nakaimik ang madaldal ding si palaka dahil sa dami ng kuwento ni pagong. Halos buong maghapon na nagkuwento si pagong tungkol sa iba’t ibang bagay na nakikita nito sa kagubatan.

Isang araw habang nakikipag-kwentuhan si pagong sa mga kaibigang bibe ay may mga galang tagak ang huminto upang uminom sa may batis. Napagod sila sa kanilang biyahe galing sa ibang lugar kung kayat minabuti nilang huminto panandalian upang makapagpahinga.

Ang mga tagak ay maingay na nag-uusap tungkol sa kanilang mga nasaksihan sa kabilang ibayo kung saan sila nanggaling. Masaya silang nagtatawanan habang inaalala ang kagandahan ng bayan na kanilang binisita.

Narinig ng pagong ang kanilang pinag-uusapan at sa unang pagkakataon ay ito ay napatigil sa pagsasalita. Nakanganga ito habang nakikinig sa mga tagak. Samantalang nagtataka naman ang mga kaibigang bibe kung napano ang madaldal na pagong.

Page 10: Mga Alamat

Habang nag-uusap pa rin ang mga tagak ay dali-daling sumabat si pagong. Gusto rin daw nitong sumama at makita ang mga sinasabi nilang mga lugar. Tiyak na maganda raw ito at marami pang masasarap na pagkain. Gusto niyang sumama upang sa ganoon ay maikukuwento rin niya sa mga kaibigan kung ano mga makikita niya roon. Naisip niya na meron na naman siyang bagong maikukuwento sa mga kaibigan lalo na at hindi pa rin nakakapunta ang mga iyon sa ibang lugar maliban sa kanilang tinitirahang gubat.

Nagtinginan ang mga tagak. Gusto man daw nila siyang isama ay hindi naman nila alam kung paano. Hindi naman siya nakakalipad tulad nila. Nag-isip ang mga tagak at si pagong kung paano nila maisasama ang hayop sa kanilang gala.

Nawawalan na nang pag-asa ang pagong ng biglang may naisip ang isa sa mga tagak. Pinag-usapan nila ito at maya-maya ay ipinaalam kay pagong ang plano. Maaari daw nila itong isama kung ito ay kakagat sa isang piraso ng kahoy na kagat-kagat naman ng dalawang tagak sa magkabilang dulo nang sa gayon mabubuhat nila si pagong. Ngunit kinakailangan ni pagong na manahimik at hindi magsalita ng matagal sapagkat malayo ang kanilang lalakbayin at baka ito ay mahulog.

Pumayag ang pagong. Kaya daw nitong hindi magsalita ng matagal kaya’t maya-maya ay lumuwas na nga ang mga tagak kasama siya.

Mahigpit ang kagat ni pagong sa kahoy nang sila ay nag-umpisang lumipad ngunit hindi pa sila nakakalayo ay nayamot na siya dahil sa katahimikang naririnig. Binukas niya ang kanyang bibig at uumpisahan na sanang kuwentuhan ang dalawang tagak na may hawak sa kanya nang bigla siyang bumulusok pababa. Walang nagawa ang dalawang tagak kundi tignan ang pagong ng mabilis na nahulog pababa.

Nahulog si pagong at pagbasak sa lupa ay tumama ang kanyang talukab sa isang malaking bato. Buti na lamang at ang matigas ang talukab at hindi ang kanyang ulo ang tumama sa bato. Sa taas at lakas ng pagbagsak niya ay nagkalamat-lamat ang kanyang talukab. Simula noon ay binawasan na ni pagong ang pagiging madaldal at ang kanyang makinang at makinis na talukab ay nagka-lamat-lamat na.

Ang Alamat ng mga Bituin

Noong unang panahon, walang makikitang buwan o mga bituin sa kalangitan upang magbigay ng liwanag sa gabi. Si Haring Buwan ay naninirahan pa noon sa lupa. Kilala siya bilang isang mahigpit at di pala-ngiting hari.

Wala pang asawa ang hari sapagkat ito ay mapili. Marami nang mga hari ang ninais na ipakasal ang kanilang mga anak na dalaga kay Haring Buwan wala ni isa dito ang nagustuhan niya.

Sa di kalayuan sa kaharian ni Haring Buwan ay may isang mag-asawa na may magandang anak na dalaga na nagngangalang Aurora. Ang dalaga ay hindi lamang maganda, ito rin ay mabait at matulungin.

Page 11: Mga Alamat

Napag-alaman ni Haring Buwan ang tungkol sa magandang dalaga kaya’t dali-dali itong pinuntahan ang bahay ng mag-anak. Nabighani ang hari sa dalaga at iniutos nito na mag-pakasal sila ng dalaga. Tumangi ang dalaga sapagkat meron na itong kasintahan. Ngunit walang silbi ang pagtanggi nito sapagkat iniutos ng hari na kapag hindi papakasal ang dalaga sa kanya ay ipapakulong niya ang mga magulang nito.

Walang nagawa ang dalaga kundi magpakasal sa hari. Binigyan ni Haring Buwan si Aurora ng isang magandang pulseras na gawa sa mga kumikinang na bato bilang regalo sa kanilang pag-iisang dibdib. Ang mga bato ay parang mga munting araw na kumikinang maski sa kalayuan.

Dinala na nga ni Haring Buwan si Aurora sa kanyang kaharian. Ngunit hindi naging masaya si Aurora sa kaharian kaya’t madalas itong lumalabas upang mamasyal. Napansin ito ni Haring Buwan at naisip nito na baka nakikipagtagpo ang kanyang asawa sa dati nitong kasintahan.

Pinagbawalan ni Haring Buwan si Aurora na lumabas ng palasyo. Nalungkot si Aurora. Ayaw nitong maglagi sa palasyo ng buong araw kasama ang bugnutin at palasigaw na asawa niya kung kaya’t tumatakas ito sa tuwing natutulog ang asawa ng hapon.

Ngunit isang hapon nagising ang hari bago makauwi si Aurora at nalaman nito ang ginawang paglabas ng asawa. Inantay nitong dumating si Aurora at pinagalitan. Napagbuhatan ni Haring Araw si Aurora nang sabihin nitong hindi niya mahal ang asawa kung hindi lamang niya ito tinakot na ipakukulong ang mga magulang ay hindi ito magpapakasal sa kanya.

Tumakbo palayo si Aurora. Iiwanan na daw niya ang masungit na asawa. Hinabol siya ni Haring Buwan na humihingi ng tawad sa kanya. Nahawakan ng hari ang kamay ng asawa ngunit nagpumiglas ito at patuloy na tumakbo. Dahil dito, naputol ang pulseras na ibinigay ng hari sa asawa.

Umiyak si Haring Buwan at napagtanto nito na mali ang kanyang nagawa sa asawa. Pinulot ni Haring Buwan ang mga makikinang na bato at itinago baka sakaling bumalik pa ang asawa ay muli niya itong ipapagawang pulseras para sa kanya.

Ngunit hindi na bumalik si Aurora sa kaharian. Nagpakalayo ito kasama ang mga magulang upang hindi na mahanap pa ng hari. Dahil sa lungkot, napagpasyahan ni Haring Buwan na sa langit na lamang maglagi. Kinuha nito ang mga makikinang na mga bato mula sa naputol na pulseras ng asawa at isinaboy ito sa kalawakan. Ang mga ito ay naging mga bituin. Sa gabi, si Haring Buwan ay lumalabas kasama ng mga makikinang na bato nagbabaka sakaling makita ni Aurora ang mga ito at mapag-isipang bumalik sa piling niya.

Alamat ng Mais

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng mga gulay. Ito ay kanilang binebenta at kung minsan ay kanila na ring kinakain.

Page 12: Mga Alamat

Ang mag-asawa ay biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Tinawag nila itong Maita. Ang bata ay may maganda, madulas at malambot na buhok. Kapag nasisinagan ng araw, ang buhok ni Maita ay naninilaw na parang ginto. Mahilig ang bata na mag-ayos sa sarili. Upang mapanatili nitong maganda at malambot ang buhok ay halos minu-minuto nitong sinusuklay at inaayos ang buhok.

Kadalasan pinagsasabihan si Maita ng kanyang ama na itigil ang sobrang pagsusuklay at tumulong naman sa gawaing bahay. Ngunit natutuwa ang kanyang ina sa pagiging maayos nito sa sarili kaya’t hinahayaan lang niya ito. Bata pa naman daw si Maita; magsasawa din ito sa kanyang buhok at balang araw tutulong din daw siya sa mga gawaing bahay.

Subalit, nagkamali ang kanyang nanay. Sa halip mas lalo pang tumindi ang paghanga nito sa sarili at sa kanyang buhok. Kung noon ay minuto lang ang ginugugol nito sa pagsusuklay at pag-aayos ng buhok, ngayon ay inaabot siya ng ilang oras kung minsan pa nga ay buong araw.

Isang araw, nagkasakit ang kanyang ama. Kinailangan ng kanyang ina na magbenta ng kanilang pananim na gulay upang sa ganoon ay meron silang pambili ng makakain at ng gamot para sa ama.

Mahigpit na pinagbilinan ng kanyang ina si Maita na gawin ang mga gawaing bahay. Ipinagbilin niyang mag-luto siya ng makakain at siguradong gabi na ito makakauwi mula sa bayan. Bantayan daw siya ang kanyang ama at pakainin na rin ito upang lumukas. Pinaalala din niyang huwag kalimutang diligan ang kanilang mga tanim na gulay sapagkat tigang ang lupa sa kanilang bakuran. Nayayamot na pumayag ang bata. Siya na raw ang bahala sa kanyang ama at sa kanilang bahay.

Uumpisahan na sanang gawin ni Maita ang mga pinag-uutos ng kanyang ina nang siya ay mapadaan sa kanilang salamin at masulyapan ang kanyang buhok. Napatigil ito at kinuha ang kanyang suklay. Naisip ng bata na maaga pa. Mag-aayos daw muna siya ng kanyang buhok. Nagsuklay nga ng nagsuklay si Maita. Nawili ito at hindi napansin ang mga nagdaang oras. Maging ang mahinang pagtawag ng kanyang ama na humihingi ng makakain ay hindi narinig ng bata. Abala ito sa pag-aayos ng kanyang magandang buhok.

Lumubog na ang araw at dumating na ang ina ni Maita. Nagtataka ito ng makita ang kanilang mga pananim na gulay na natuyo dahil sa hindi nadiligan buong mag-hapon. Hinanap nito si Maita at nakita nga niya ang anak na abalang nagsusuklay sa harap ng salamin.

Pinagalitan si Maita ng kanyang ina dahil sa wala man lang itong nagawa sa mga pinagbilin sa kanya. Maging ang pakainin ang may sakit na ama ay hindi nagawa ni Maita. Mariing wika ng matanda sa bata na sana ay numipis na lang ang kanyang buhok upang sa ganoon ay hindi na niya ito pag-aaksayahan ng panahong suklayin. Bukas na bukas din ay ipapaputol na raw ng matanda ang buhok ni Maita. Umiiyak na tumakbo palabas ang bata. Ngunit hindi na ito sinundan ng ina, nagpunta ito sa kusina upang ipagluto ang asawang nanghina lalo sa gutom.

Page 13: Mga Alamat

Nang mahimasmasan sa galit ang ina ni Maita ay hinanap niya ang bata sa bakuran ngunit hindi niya ito nakita. Ipinagtanong din niya ito sa mga kapitbahay ngunit walang nakakita sa bata. Matagal na hinanap ng ina si Maita subalit walang may alam kung nasaan ang bata.

Isang umaga nang nagwawalis sa may bakuran ang ina ay may nakita itong bagong halaman na umusbong. Ito ay may mahahabang dahon. Diniligan ito ng matanda. Makalipas ang ilang lingo ay nagkabunga ang halaman. Nang pitasin at balatan ang bunga, nakita ng mag-asawa na ito may butil-butil na kulay dilaw. Ang bunga ay may mga maninipis ding ginituang buhok na ubod ng dulas at ganda. Naluha ang mag-asawa ng makita ang magandang buhok. Naalala nila ang buhok ng anak nilang si Maita na ganoon na ganoon ding madulas at maganda.

Naisip nilang parehas na marahil ito na nga ang nawawalang anak. Simula noon, tinawag nilang mais ang halaman.

Ang Alamat ng Kamote

Ilang daang taon na ang nakalipas nang magkaroon ng matinding tagtuyot sa mundo. Mainit ang panahon at walang ulan. Ang mga pananim ay nanuyot at ang mga alagang hayop ay nagkasakit at namatay. Dahil dito, halos walang makain ang mga tao. Nagsipaghanap sila ng mga paraan upang matustusan ang kanilang pangangailangan sa pagkain. Isa sa nahanap nilang paraan ay ang pangangaso.

May isang kagubatan ang hindi naapektuhan ng tagtuyot. Ito ay ang mahiwagang gubat ng Kamu. Wala itong pinagbago at punong-puno pa rin ng likas na yaman. Sagana ang puno at ng mga hayop na puwedeng hulihin upang makain. Dito nagpupunta ang mga taombayan upang mangaso.

Dalawang magkapatid ang nagpasyang mangaso sa mahiwagang kagubatan. Maagang nagpunta ang magkapatid upang makarami ng mahuhuling hayop. Ngunit kabaliktaran ng kanilang inaasahan, maghahapon na ay wala pa silang nahuhuling kahit isang hayop.

Gutom na gutom na ang magkapatid kaya’t nagpasya silang magpahinga muna bago umuwi. May nakita silang isang ibon na dumapo sa puno kung saan sila umupo para magpahinga. Agad pinana at tinamaan ng nakatatandang kapatid ang ibon. Gumawa sila ng siga upang iluto ang nahuli. Nang maluto ang ibon at kakainin na sana nila ito ay may lumapit na isang magandang babae. Sinabi ng babae na siya ay naliligaw sa kagubatang iyon at ilang araw ng hindi pa nakakakain. Gutom na gutom na rin daw ito.

Naawa ang magkapatid sa magandang babae. Bagamat gutom na sila ay ibinigay nila sa kanya ang nilutong ibon. Pinanood nilang kumain ang babae. Kibit labi sila nang ubusin ng magandang babae ang pagkain.

Pagkatapos kumain ay nagpasalamat ang babae sa magkapatid. Natutuwa daw siya sa kanila dahil nagawa pa nilang ibigay ang nag-iisang pagkain nila sa kanya kahit na sila mismo ay nagugutom na. Pinayuhan niya ang mga ito na umuwi na sa kanilang pamilya. Bumalik na lang daw sila bukas sa lugar

Page 14: Mga Alamat

ding iyon at may ibibigay siya sa kanila.

Sinunod ng dalawa ang sinabi ng magandang babae. Umuwi ang magkapatid ngunit sila ay malungkot sapagkat walang bitbit na mailuluto para sa hapunan ng mag-anak.

Kinabukasan, nagbalik ang magkapatid sa parehas na lugar kung saan nila nakilala ang babae. Ngunit wala dun ang babae na kanilang inaasahan. Hinanap nila ang abo ng kanilang pinagsigaan kung saan nila niluto ang ibon ngunit sa halip ay may nakita silang kakaibang halaman na tumubo sa lugar na iyon. Nagtaka sila sapagkat nakakasiguro silang wala pa ang nasabing halaman kahapon ng sila ang nagpapahinga. Marahil ito na ang sinasabi ng maganda at mahiwagang babae na ibibigay niya sa kanila.

Ngayon lang nila nakita ang halamang iyon at nang bunutin nila ito ay nakita nila na ang ugat nito ay matataba na parang mga bunga. Nag-uwi sila ng nasabing halaman upang itanong sa mga taombayan kung may nakakaalam sa halamang ito. Ngunit wala ni isa ang makapagsabi kung ano ito.

Niluto nila ang bunga at tinikman ito. Masarap ang bunga at nakakabusog ito maski konti lamang ang kakainin. Natuwa ang taombayan dahil sa may pantawid gutom na sila hanggang sa matapos ang tagtuyot. Tinawag nilang kamote ang bunga dahil galing ito sa mahiwagang kagubatan ng Kamu.

Ang Alamat ng Bayabas

Noong unang panahon, may isang bayan na pinamumunuan ng isang sakim at mapagmataas na hari. Si Haring Barabas ay kinatatakutan ng kanyang mga sinasakupan ngunit palihim din nila itong kinamumuhian. Walang ibang alam gawin ang hari kundi ang mag-utos at pagalitan ang kanyang mga alipin. Ang mga utos pa man din nito ay imposibleng gawin at hindi makatwiran. Ang hari ay mahilig kumain, matulog at mag-aksaya ng kayamanan niya.

Nagkaroon ng matinding taghirap sa kanyang kaharian. Hindi maganda ang naging ani ng mga magsasaka at naging mahina ang benta ng mga mangangalakal. Ang lahat sa kaharian ay inutusang magtipid upang maka-alpas sa taghirap na kanilang nararanasan.

Lahat nga ng tao ay gumawa ng kanya-kanyang paraan upang makatipid maliban sa isang tao. Ang mismong hari na si Barabas ay hindi sumusunod sa kanyang utos. Walang itong pakialam na naghihirap ang mga taong kanyang nasasakupan. Patuloy siya sa paglustay ng kanyang kayamanan sa mga walang kwentang mga bagay.

Habang ang lahat ng tao ay nagtitipid at minsan lang sa isang araw kung kumain, ang hari ay parang piyesta kung magpaluto sa kanyang mga alipin. Iba’t ibang putahe ng iba’t ibang mahal na klase ng pagkain ang kanyang ipinapahanda. At ang masaklap pa dun ay siya lamang ang kakain ng mga pinaluto niya. Maski sobra ang mga pagkain ay hindi niya niyayaya ang kanyang mga kasambahay o ang mga taombayan na saluhan siyang kumain. Ang mga hindi niya maubos ay hinahayaan lang niya hanggang sa tuluyan na itong masira at hindi na puwedeng makain.

Page 15: Mga Alamat

Isang araw habang nagpipiyesta ang hari sa harapan ng kanyang palasyo ay may lumapit na isang matandang pulubi. Humingi ng limos ang pulubi maski pagkain na lamang pantawid sa kanyang gutom ngunit hindi pinansin ng hari ang matanda. Sa halip, pinagtabuyan pa niya ito. Nawawalan daw siya ng ganang kumain dahil sa mabahong amoy ng pulubi.

Nagalit ang pulubi at sinabi sa hari na dahil sa kasakiman nito ay bibigyan niya ito ng isang leksiyong hindi niya makakalimutan. Hindi pa natatapos magsalita ang matanda ay biglang kumulog at kumidlat. Ang hari ay unti-unting nagbago ng anyo. Nagsisigaw itong humihingi ng tawad sa matanda ngunit huli na ang lahat. Biglang naglaho ang matanda habang ang hari ay naging isang ganap na halaman.

Nakita ng taombayan ang lahat ng pangyayari at ng lapitan ang halaman ay may nakita silang bunga nito. Ito ay bilugan at may koronang nakapatong. Ito na nga ang kanilang hari na si Barabas na dahil sa kasakiman ay naging isang halaman.

Mula noon tinawag nila ang halaman na bayabas mula sa pangalan ni Haring Barabas.

Alamat ng Gagamba

Noong unang panahon, may isang mag-asawa na biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Ang kanilang anak ay tinawag nilang Amba.

Ang mag-asawa ay may hanapbuhay na paghahabi ng mga tela. Parehas na galing sa angkan ng mga mahuhusay humabi ang mag-asawa. Kaya’t tama lamang na ito rin ay kanyang ipapamana sa nag-iisang anak.

Habang maliit pa ang bata ay itinuro na ng mag-asawa kung paano ang humabi. At habang lumalaki na nga ang bata ay unti-unti itong naging bihasa sa paghahabi ng mga tela. Maging ang mga mahihirap na disenyo ay kaya ng gawin ng bata sa murang edad. Nahigitan na nito ang kakayanan ng kanyang ama at ina.

Dahil sa kanyang natatanging kakayanan, naging tanyag ang bata sa iba’t ibang lupalop. Marami ang dumarayo hindi lamang para bumili ng mga disenyo kundi upang makita rin ang paggawa ng bata. Naging mayaman din ang mag-anak dahil sa mga bentang tela na ginagawa ng bata.

Ngunit ang bata ay naging mayabang. Dahil sa alam nito na magaling siya sa kanyang kakayanang paghahabi hinamon nito ang sino man na magkipagtagisan sa kanya. Maraming mga mahuhusay na maghahabi ang tumaggap sa hamon ng batang si Amba. Gusto rin nilang patunayan kung siya nga ay magaling tulad ng napabalita.

Nagtagisan ng galing ang mga maghahabi. Napakahusay nga ang bata. Lahat ng magagaling na maghahabi ay napakahanga sa kakayanan ni Amba. Nilaos sila ng bata at dahil dito, mas lalong yumabang ang bata.

Page 16: Mga Alamat

Ani niya, wala nang makakatalo sa kanyang kakayanan. Maging ang mga diyosa ay kanyang hinamak na wala na ngang makahihigit pa sa galing niya. Narinig ng mga diyosa ang kayabangan ng bata. Hindi na sila nasisiyahan sa nagiging asal ng bata.

Isang araw, isang matanda ang nagpunta sa bahay ng bata at hinamon niya ito. Natawa ang bata ngunit pumayag din ito. Mukha namang pangkaraniwan lang ang matanda at baka nga hindi pa nito alam kung paano humabi. Sigurado na siyang walang panalo sa kanya ang matanda.

Nag-umpisa ang paligsahan. Maraming tao ang dumalo upang manood kung mananalo ang matanda sa batang si Amba. Naging napakaganda ng telang hinabi ng matanda. Maging si Amba ay natulala sa mahirap na disenyong nagawa ng matanda. Ang pasya nang pagkapanalo ay sa tela ng matanda.

Nagngingit-ngit ang bata. Paano daw siya natalo ng isang matanda na mahina na ang mata at uugod-ugod pa. Pinagalitan niya ang matanda at tinulak-tulak ito. Igigiit nito na ang matanda ay nandaya at baka ipinalit lamang ang isang nagawa nang tela sa ginagawa nito. Baka nga si Amba pa gumawa ng tela aniya.

Tangka na niyang pagbubuhatan ng kamay ang matanda nang biglang lumiwag ang damit ng matanda at nagbago ang kanyang anyo. Iyon pala ay isang diyosa na nagpapanggap lamang.

Hindi na maganda ang asal ng bata ayon sa diyosa. Naging masyadong mayabang ang bata at nararapat daw itong parusahan. Nagbago ang anyo ng bata. Lumiit ito at nagkaroon ng mga mahahabang paa. Umiiyak ang kanyang mga magulang ngunit alam nilang wala na silang magawa para sa bata.

Simula noon ang batang si Amba ay naging unang gagamba. Sa ngayon, makikita pa rin ang kahusayan ng mga gagamba sa paghahabi ng kanilang mga bahay.