1 NILALAMAN I. Abstrak II. Panimula III. Tradisyunal at Modernong Medisina a. Depinisyon ng Tradisyunal na Medisina at Filipino Traditional Medicine b. Depinisyon ng Modernong Medisina IV. Ang Kamandag: Tradisyunal na Pananaw V. Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Kamandag a. Tandok b. Suma VI. Ang Kamandag: Modernong Pananaw at Lunas ayon sa Modernong Medisina VII. Mga Salik sa Patuloy na Pagtangkilik sa mga Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Kamandag/Rabies a. Impluwensya ng Lipunan b. Kalagayang Pang-ekonomiko c. Aksesibilidad sa mga Institusyong Pangkalusugan d. Edukasyon e. Popularidad ng Panggagamot f. Non-accesible, non-available, non-affordable Health Care VIII. Mga Usaping Nakakabit sa Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Rabies
This document is posted to help you gain knowledge. Please leave a comment to let me know what you think about it! Share it to your friends and learn new things together.
Transcript
1
NILALAMAN
I. Abstrak
II. Panimula
III. Tradisyunal at Modernong Medisina
a. Depinisyon ng Tradisyunal na Medisina at Filipino Traditional Medicine
b. Depinisyon ng Modernong Medisina
IV. Ang Kamandag: Tradisyunal na Pananaw
V. Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Kamandag
a. Tandok
b. Suma
VI. Ang Kamandag: Modernong Pananaw at Lunas ayon sa Modernong Medisina
VII. Mga Salik sa Patuloy na Pagtangkilik sa mga Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot
sa Kamandag/Rabies
a. Impluwensya ng Lipunan
b. Kalagayang Pang-ekonomiko
c. Aksesibilidad sa mga Institusyong Pangkalusugan
d. Edukasyon
e. Popularidad ng Panggagamot
f. Non-accesible, non-available, non-affordable Health Care
VIII. Mga Usaping Nakakabit sa Tradisyunal na Paraan ng Panggagamot sa Rabies
2
ABSTRAK
Marami nang mga pagbabago ang nagaganap sa larangan ng medisina, ngunit may mga
tradisyunal pa ring paraan ng panggagamot ang nananatili at tanyag sa mga komunidad sa bansa.
May mga kanya-kanyang espesyalisasyon na rin ang mga doktor, sa layuning mas mapabuti pa
ang paghahatid ng serbisyong pangmedikal sa lipunan.
Ngunit sa kabila ng modernong anti-rabies injection na inirerekomenda ng modernong
medisina, ay patuloy pa rin ang ilan sa pagtangkilik sa “tandok” o “suma”, mga tradisyunal na
paraan ng panggagamot sa pinaniniwalaang nakamamatay na kamandag (o rabies ayon sa
modernong medisina). Marami nang mga babala at kampanya ang pamahalaan upang puksain
ang kaso ng rabies sa bansa ngunit sa kabila nito, ay ang patuloy at pananatili ng “tandok” at
“suma” sa mga komunidad.
Sa papel na ito ilalahad ang ilang mga salik kung bakit patuloy ang pamamayagpag ng
“tandok” at “suma” sa mga komunidad sa kabila nga ng modernong paraan ng panggagamot sa
rabies. Ipapaliwanag kung ano ang mga ito at paano ito isinasagawa. Ano nga ba ang mga
katotohanan sa likod ng mga prosesong ito, nakatutulong o nakapagpapagaling nga ba ang mga
ito, o isang maling paniniwala lamang na hanggang ngayon ay nanatili sa kultura ng ilan? Ano
ang sinasabi sa ng makabago at modernong medisina sa mga ganitong usapin?
Ang patuloy na pananatili ng “tandok” at “suma” ay magdadala sa katotohanang may
mga kailangan pang dapat gawin upang maipaliwanag nang maayos at husto sa mga indibidwal
ang mga maaaring maging bunga ng ganitong proseso. Isa itong realisasyon din upang mailigtas
pa ang ilan na nagtatangkang sumangguni sa mga nasabing proseso.
3
PANIMULA
Maraming salik at usapin ang nakakabit sa tradisyunal na panggagamot sakop ang
tradisyunal na pag-alis ng kamandag o rabies mula sa kagat ng aso o ahas, at may mga epekto ito
sa pamumuhay ng mga taong patuloy na tumatangkilik dito, kasama na ang mga taong
nagsasagawa nito, at mga doktor ng modernong medisina. Sa kasalukuyang panahon, marami na
sa mga tradisyunal na kultura ang naiwan sa nakaraan, nabaon na lamang sa limot, at hindi na
pinapansin at pinapahalahagan ng ilan. Mayroon namang ilan pang natitira at patuloy na
pinagyayaman ng bayan, katulad na lamang ng mga tradisyunal paraan ng panggagamot. Marami
pa ring mga indibidwal ang tumatangkilik sa mga ganitong paraan. Katulad na nga lamang ng
“tandok” at “suma” na bibigyan ng masusing pag-aaral. Kung aalamin ang mga salik sa patuloy
pa ring pagtangkilik sa “tandok” sa kabila ng modernong anti-rabies injection, ay makikita ang
pagkakaiba-iba ng mga indibidwal na pananaw tungkol sa usaping pangkalusugan (Guzman
2007).
Maraming tanong ang lumalabas kapag pinag-uusapan ang tradisyunal na pagpapagaling
o panggagamot. Isa na dito ay kung gaano nga ba ito kaepektibo. Lumalabas sa mga balita na
may mga namamatay ng dahil sa mga prosesong ito. Bakit nga ba nananatili sa mga mamamayan
ang pangangailangang maniwala sa mga tradisyunal na panggagamot, katulad na lamang ng
“tandok” o “suma”, sa kabila ng mga ganitong balita, at sa kabila ng mga makabagong pag-aaral
sa medisina? Ano nga ba ang “tandok” o “suma”? Paano ba ito isinasagawa, at bakit marami pa
rin ang tumatangkilik dito? Nakagagaling nga ba talaga ito, o isang maling paniniwala lamang na
naitatak na sa kasaysayan ng ilang komunidad? Sa papel na ito, sasagutin ang mga katanungang
iyan.
4
Mahalagang pag-aaralan ang mga ito upang malaman ang mga salik kung bakit patuloy
na tinatangkilik ng mamamayan ang mga ganitong uri ng panggagamot, upang maipaliwanag
ang mga ito batay sa konsepto ng modernong medisina ngayon, at upang tuklasin kung gaano
nga ba ito kaepektibo, kung epektibo nga talaga. Ang usapin ng epektibidad ng mga ganitong uri
ng panggagamot ay isang malaking tanong na kinakaharap ngayon ng lipunan, partilukar sa mga
doktor ng medisina at mga taong nagsasagawa ng mga ganitong proseso at gayundin ang mga
taong tumatangkilik dito. Mahalagang malaman ang katotohanan tungkol dito upang maiwasan
ang pagkalito, kung sa “tandok” o “suma” ba magtitiwala, o sundin ang sinasabi ng mga doctor
ng medisina. Aalamin din ang mga dahilan ng patuloy na paniniwala ng ilan sa bisa ng “tandok”
o “suma” sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya sa modernong panahon, lalo na sa
larangan ng medisina. Titignan din ang pananaw ng ilang taong nasangkot na sa ganitong
proseso.
TRADISYUNAL AT MODERNONG MEDISINA
Halos pare-pareho ang kahulugan ng “tradisyunal na medisina”, ito ay isang sistema ng
pangangalaga ng kalusugan na umaasa lamang sa interaksiyon ng manggagamot at ng pasyente
na walang ginagamit na anumang uri ng makabagong gamot (Huizer at Lava 1989), ngunit sa
kontemporaryong panahon, makikita ang ilang tradisyunal na paraan ng pagpapagaling na
gumagamit na rin ng mga gamot. Ayon naman sa depinisyon ng World Health Organization, ang
“traditional medicine” ay
“diverse health practices, approaches, knowledge and beliefs incorporating plant-,
animal-, and/or mineral-based medicines, spiritual therapies, manual techniques and
exercises applied singularly or in combination to maintain well-being, as well as to treat,
5
diagnose or prevent illness. In some cases, traditional medicine may be systematized and
written down; in other cases, it is a body of knowledge, practices and techniques held by
communities or individuals and transmitted orally” (Patwardhan 2005).
Kung titignan ang kahulugan ng “Filipino Traditional Medicine”, na binuo noong Pebrero 1992,
ay makikita ang mga pagkakatulad, ito ang sinasabi ng kahulugan:
”The Filipino Indigenous/Traditional Medicine is the sum total of the knowledge, skills
and practices recognized and enriched by the people in order to maintain and improve
their health towards the wholeness of their being, the community and the society, and the
interrelatedness of these. This is based on Filipino culture, history, heritage and
consciousness” (Segismundo 1997).
Layunin nga ng tradisyunal na medisina na pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan
sa abot ng makakaya nito.
Ang mga tradisyunal na mangagamot naman ay binigyang kahulugan din ng World
Health Organization, ang mga “traditional indigenous healers” ay isang grupo ng mga tao na
kinikilala ng komunidad na may kaalaman o sapat na kakayahan sa pagbibigay ng kalusugan
gamit ang mga katas ng halaman, ng mga hayop at ilang mineral at ilan pang paraan na
nakabatay sa social, kultural at religious background ganoon din ang kaalaman, ang nakagawian
at paniniwala na umiiral sa komunidad tungkol sa pisikal, mental at social well-being at ang mga
dahilan ng sakit (Huizer at Lava 1989).
Ayon kay Laggui, ang mga mangagamot na ito ay maaring kabilang sa dalawang
sistemang medical, ang modern at tradisyunal na sistema at sa panahon ng sakit, pinipili ng mga
tao ang kumonsulta sa alinman sa dalawang sistema (Laggui 2002). Ang naghihiwalay sa
6
dalawang sistemang ito ay ang katotohanang ang modernong medisina ay nakabatay sa siyensya
habang ang tradisyunal na medisina naman ay nakabatay lamang sa praktikal na karanasan
(Islam 1994). Hindi dapat ikinukulong, ayon kay Patwardhan, ang tradisyunal na medisina bilang
isang sistemang hindi nababago, bagkos ito ay isang ebolusyunaryong proseso habang ang mga
komunidad at mga indibidwal ay patuloy na nananaliksik upang makatuklas ng mga bagong
paraan, upang mapabuti pa ang praktikal na kaalaman nila (Patwatdhan 2005). Ayon nga kay
Islam, ang tradisyunal na medisina ay nagbabago-bago sa iba’t ibang bansa, sa iba’t ibang
kultura (Islam 1994).
Sa mga kumonidad ng mga Ilokano, nandiyan ang mga “mangablon” o sa ibang termino
ay “mangilot”,na tinatakbuhan kapag may problemang nakakabit sa panganganak, pagkakaroon
ng regla, aborsiyon at ibpa, ang mga “mangidioyo” o “mangallag” na nagsasagawa ng “atang” o
pag-aalay ng pagkain kapag nagpapagaling ng pasyente, ang mga “mammullo” kapag nababalian
ng buto, ang mga “mannuma” na pinupuntahan kapag nakagat ng aso o ahas, na bibigyan ng mas
masusing pag-aaral, at ang mga “mangagas” na siyang gumagamit ng masahe at halamang gamot
sa pagpapagaling (Jocano 1982).
Binanggit din ni Jocano sa kanyang aklat na “Folk Medicine in a Philippine
Municipality”na may mga ilan pa ring tradisyunal na manggagamot na nananatili sa bayan ng
Bay, Laguna katulad ng mga sumusunod: mga “albularyo” na marami sa mga komunidad sa
bansa, na gumaganap bilang pangkalahatang manggagamot; ang mga “magluluop” na
nagsasagawang mga ritwal kapag ang sakit ay dulot ng espiritu o ng kapaligiran; ang mga
“magpapaanak” na may mas kaalaman sa pagpapaanak; ang mga “manggagaway” na
pinaniniwalaang may kakaibang kakayahan, pwersa o kapangyarihan na manakit ng tao; ang
mga “manghihilot” na espesyalista sa mga nabaling buto, may problema sa katawan na
7
nangangailangan ng masahe o “hilot”; at ang mga “medico”, mga local na manggagamot na
pinaghahalo ang tradisyunal at modernong paraan ng pagpapagaling (Jocano 2003).Sa kaso ng
mga Ibanag sa lalawigan ng Isabela, “mangilu” ang tawag sa mga tradisyunal na manggagamot
(Laggui 2002).
Sa katunayan, noong 1953, isang ulat mula sa WHO ang nagpakita na may mahigit 40,
000 tradisyunal na nagpapaanak at mahigit 100, 000 herbalists ang nasa Pilipinas. Noong 1990,
isang pananaliksik sa mga “traditional medical practitioners” sa bansa na pinangunahan nina
Lim-Tan, tinatayang nasa 250, 000 ang mga “traditional medical practitioners” sa may 42, 000
na barangay. Isang pag-aaral din sa Cavite na ginawa ng International Institute of Rural
Reconstruction (IIRR) na naglalahad na ang mga “traditional medical practitioners” ang unang
nilalapitan ng taong bayan bago ang mga doctor ng medisina, edukado man sila o hindi,
mayaman man o mahirap, ay naghahanap ng atensyong medikal mula sa mga “traditional
medical practitioners” (Segismundo 1997).
Iba’t iba ang sinasabing pinagmumulan ng kakayahan at kaalaman ng mga tradisyunal na
manggagamot. Ayon sa tesis ni Camfili na pinamagatang “Traditional Healing Practices of
Guina-ang, Bontoc, Mt. Province in the Process of Change”, ay sinasabing ang kaalaman at
kakayahan na tinataglay ng mga tradisyunal na manggagamot sa nasabing lugar ay nakukuha o
naipapasa sa kanila sa pamamagitan ng panaginip, sila ay pinili o inatasan ng mga hindi
nakikitang nilalang (Camfili 2001). Ayon naman kay Jocano, ang mga tradisyunal na
manggagamot ng mga Ilokano, ang kakayahan at kaalaman nila sa panggagamot ay nakuha sa
kaalaman nila sa medisina at kakayahan na ibinigay ng mga “supernatural” na nilalang. Sinasabi
na nagtataglay sila ng espesyal na kaalaman sa medisina, ngunit hindi nila ito maaaring sabihin
at itago ito bilang sekreto upang hindi mawala ang kakayahang ito (Jocano 1982). Ayon din sa
8
kanya, ang kaalaman at kakayahan naman ng mga manggagamot sa bayan ng Bay, Laguna, ay
nanggaling sa Diyos na ipinasa sa kanila. Sinasabi na binigyan sila ng kakayahan na
magpagaling upang magbigay ng libreng serbisyo sa mamamayan. Sinasabi din ng mga
manggagamot na ang kakayahang ipinagkaloob sa kanila ay isang “banal na basbas”, kaya
naman hindi sila maaaring humingi ng kabayaran.
Sinasabi na pinakamakasaysayan ang nakaraang isang daang taon sa larangan ng medical
sciences. Walang katumbas ang pagkakadiskubre ng double helix at ang pagkakakompleto ng
human genome project na may malaking pagbabago sa pagtukoy ng mga genetic na sakit.
(Patwardhan 2005).Sa pagtukoy ng mga sakit, nariyan na ang magnetic resonance imaging
(MRI) at ang positron emission tomography (PET). Sa larangan ng pag-oopera, nariyan na din
ang bypass procedure, transplants at prosthetics. Malaking tulong din ang therapeutic
chemotheraphy na ngayon ay nakakapagpahaba ng buhay ng tao (Patwardhan 2005).
TRADISYUNAL NA PANANAW SA KAMANDAG
Inilahad ni Arnold Clavio sa kanyang dokumentaryong pinamagatang “Emergency:
Rabies Alert” na ipinalabas sa GMA 7 noong 15 January 2006 ang mga mitong pinaniniwalaan
ng ilan tungkol sa rabies.
Sinabi dito na lahat umano ng aso ay nagtataglay ng rabies, na maaaring sanhi ng
kamatayan, ang mga tuta ay nagtataglay ng mas mabangis o mas malakas na rabies kumpara sa
mga matatanda na, at magagamot umano ito kagat nasipsip na ang kamandag o rabies.
Naniniwala din sila na ang target ng rabies ay ang utak ng tao.
Sinabi naman sa librong “Risky Ventures” (Valdez at Fernandez eds 1999) na mali ang
mga impormasyong pinaniniwalaan ng ilan. Sinabi dito na hindi lahat ng aso ay nagtataglay ng
9
rabies. Hindi rin totoong mas malakas ang taglay na rabies ng mga tuta kaysa sa mga matatanda
na. Ang rabies ay nakukuha ng mga aso sa hindi malinis na kapaligiran, maruming pagkain,
paliguan at tulugan ng mga aso.
Katulad ng kamandag/rabies na dulot ng aso, pinaniniwalaan ding ang kamandag
ng ahas ay lubhang nakamamatay, kaya sa “tandok” o “suma” din nagpapagamot ang ilan. Ang
paniniwalang maaalis ng mga prosesong ito ang kamandag dulot ng ahas ay siyang nag-uudyok
sa ilan na tumangkilik dito. Naniniwala din ang ilan na hindi naman lahat ng ahas ay may
kamandag, depende sa kung anong ahas ang kumagat.
TRADISYUNAL NA PARAAN NG PANGGAGAMOT SA KAMANDAG
Sa ginawang pag-aaral ni Guzman sa "tandok" na nakapokus sa bayan ng Victoria,
Tarlac, ay inilahad niya dito kung paano ito isinasagawa (Guzman 2007). Ayon sa kanya, ang
"tandok" ay laganap dito, at pati sa mga karatig bayan nito. Tinatawag na "magtatandok" ang
mga tradisyunal na manggagamot na nagsasagawa ng prosesong ito. Sa kabilang dako, ang
paraan ng panggagamot sa kamandag (venom) na dulot ng ahas ay parehas lang sa paraan ng
panggagamot sa kamandag (rabies) na dulot ng aso.
Sa pagtalakay din ni Jocano sa aklat niyang pinamagatang "The Ilocanos: An
Ethnography of Family and Community Life in the Ilocos Region", ay inilarawan niya ang
proseso ng "suma", na halos katumbas o katulad din ng layunin sa prosesong "tandok". Ang
tawag sa mga tradisyunal na manggagamot na nagsasagawa ng ganitong proseso ay "mannuma"
(Jocano 1982).
10
Ang "tandok" at "suma" ay mga prosesong naglalayong tanggalin o alisin ang
pinaniniwalaang nakamamatay na kamandag na dulot ng kagat ng aso, o ng ahas. Ilalahad dito
kung paano isinasagawa ang mga prosesong ito.
Ang "tandok" o "pananandok" ay naisasagawa ng ilang minuto lamang. Una, ay gagawa
ng mga maliliit (o maliit) na sugat na malapit sa bahaging kinagat ng aso, depende sa istilo ng
"magtatandok", kung saan sisipsipin ang kamandag o "gita" (ang tawag sa nakakamatay na lason
na humahalo sa dugo ng tao). Karayom o bleyd ang karaniwang ginagamit upang sugatan ang
nasabing bahagi. Kapag nagkaroon na ng paglabas ng dugo, ay ilalagay ng "magtatandok" ang
gagamiting pansipsip, na kadalasan ay sungay ng baka o kalabaw, habang ang iba ay bolang
gawa sa goma o malaking ringgilya, sa ginawang sugat upang simulan na ang proseso ng
pagtanggal ng kamandag. Gamit ang sungay o bolang gawa sa goma, ay sisipsipin ng
"magtatandok" ang dulo ng sungay upang magkaroon ng pressure at maramdaman ng pasyente
ang "sipping pressure" sa sugat. Pagkatapos ng ilang minuto ay kusang matatanggal ang sungay
sa kinalalagyan nito,at mag-iiwan ng maitim na "parang" dugo na nasipsip mula sa sugat at ito
ang pinapaniwalaang kamandag o "gita", na pwedeng umabot sa utak, at posibleng maging sanhi
ng problema o abnormalidad sa kalusugan o katawan ng biktima, na ang pinakamasahol na
kahihinatnan ay kamatayan (Guzman 2007).
Ang "suma" na tanyag sa mga komunidad ng mga Ilokano, ay isang proseso din ng
pagtanggal o pag-alis sa pinapaniwalaang kamandag na nagmula sa kagat ng aso o ahas.
Dinadala sa mga "mannuma" ang sinumang nakagat ng aso o ahas upang magpagamot. Hindi
tumatanggap ng anumang kabayaran ang mga "mannuma" ngunit tumatanggap sila ng mga
regalo o "tokens" bilang alay sa mga kaibigang espiritu. Ang kakayahan o kapangyarihan nila na
manggamot ay nakuha sa isang panaginip o aktuwal na pakikipagtagpo nila sa mga espiritu ng
11
mga aso o ahas. Hindi lahat ay nabibiyayaan ng ganitong kapangyarihan. Naniniwala ang
marami na kaibigan ng mga "mannuma" ang mga ahas kaya naman hindi sila nagsasakitan. Isang
paraan ng pagpapaalis ng ahas kapag nakatagpo ay ang isigaw ang pangalan ng "mannuma". Ang
kapangyarihan ng "mannuma" ay dulot ng isang bato o "babato" o "amulet", na ibinigay ng mga
espiritu ng ahas o aso. Ang "babato" ay isang maliit na berdeng bato, dito tinitignan ng mga
"mannuma" kung nakagat nga ang isang pasyente ng ahas o aso. Ito din ang ginagamit upang
malaman kung gaano na kalayo ang "tinakbo" o ginalaw ng kamandag (Jocano 1982).
Nagsisimula ang panggagamot sa pagtukoy kung nasaan na ang kamandag sa katawan
gamit ang "babato". Pagkatapos malaman kung totoo ngang nakagat na ahas o aso ang pasyente,
ay susugatan ng "mannuma" ang nasabing bahagi kung saan naroon ang kamandag gamit ang
matalin na kutsilyo o bleyd, at huhugasan niya ito ng "basi", o alak. Pagkatapos ay sisipsipin ang
kamandag gamit ang maliit na sungay ng baka o kalabaw, mga tatlo hanggang apat na pulgada.
Pagkatapos ay sisipsipin mismo ng "mannuma" ang dugong may kamandag at magmumumog ng
"basi" o alak, o kahit anong iinumin. Pagkatapos ay tatanggalin ng "mannuma" ang sungay at
lalagyan ng "iro" o abo ng tabako, at tatakpan ang sugat ng "kulapot" o malapapel na bagay sa
loob ng berdeng kawayan (Jocano 1982).
Marami pang iba ang ginagampanan ng mga "mannuma" at isa lamang sa mga ito ang
pagtanggal ng kamandag sa kagat ng aso o ahas, ngunit hindi na naitn bibigyan pa ng
detalyadong pag-aaral.
12
ANG KAMANDAG: MODERNONG PANANAW AT LUNAS AYON SA MODERNONG
MEDISINA
Ayon sa World Health Organization, mahigit 150 na bansa ang may mga kaso ng rabies.
Sa buong munod, mahigit 55000 na tao ang taon taon na namamatay ng dahil sa rabies, at 99%
ng mga namamatay ng dahil sa rabies ay nanggaling sa aso.
Ang rabies ay isang nakakamatay na sakit kung napabayaan. Ito ay isang sakit na
naipapasa o nakukuha ng tao mula sa mga hayop, katulad na lamang ng aso, na sanhi ng isang
virus. Ang rabies virus ay kabilang sa grupo ng tinatawag na Rhabdoviridae Lyssavirus (Briggs
2011). Inaapektuhan ng sakit na ito ang mga hayop, domestic man o wild, at naipapasa sa tao
mula sa laway ng apektadong hayop, sa pamamagitan ng kagat o sugat.
Ang central nervous system o ang utak ang punterya ng virus. Agad itong tutulay sa ugat
at unti-unting dadaloy patungo sa kanyang target. Mabilis ang pag-usad ng ng virus sa aso, dahil
maliit lamang ang katawan nito kumpara sa tao. Dalawang lingo hanggang dalawang buwan ang
inilalakbay ng virus bago marating ang utak ng aso. Umaakyat naman ang virus patungo sa utak
ng tao ng labing-lima (15) hanggang isang-daang (100) milimetro kada araw. Sa oras na
kinakitaan na ng mga sintomas, ang asong apektado ay siguradong mamamatay sa loob ng apat
(4) hanggang limang (5) araw. Tatlong (3) araw hanggang limang (5) araw naman ang itinatagal
ng taong biktima ng rabies bago ito mamatay (Taruc 2010).
Ang rabies ay matatagpuan sa lahat ng kontinenete maliban sa Antarktika, at mahigit
95% ng mga kaso ng pagkamatay ay naitala sa Asya at Afrika. Kapag napabayan at lumabas na
ang mga sintomas ng sakit na ito, ang biktima ay kadalasan humahantong sa kamatayan.
13
Ang unang sintomas ng rabies ay lagnat, pananakit o hindi maipaliwanag na pakiramdam
sa pinagkagatan ng hayop. Dalawa ang maaaring kinahihinatnan nito. Ang taong may furious
rabies ay nagpapakita ng sinyales ng hyperactivity, excited behaviour, hydrophobia,
photophobia at kung minsan ay aerophobia. Pagkatapos ng ilang araw, maaaring mamatay ang
biktima dahil sa cardio-vascular arrest. Ang taong may paralytic rabies naman ay mas
malumanay, at kadalasan ay mas matagal kaysa sa furious rabies. Ang mga muscles at unti-
unting mapaparalyze, at magsisimula sa pinagkagatan ng hayop. Susunod ang coma, at
pagkatapos ang ang kamatayan. Ang paralytic rabies ay kadalasan hindi nalalaman agad ng mga
doktor. Kaunti lamang ang mga kaso ng paralytic rabies na nasa 30% ng lahat ng kaso.
Wala pang espisipikong lunas ang rabies infection, maliban na lamang kung nagpapakita
agad ang mga sintomas nito, ngunit kung wala, ay mahirap gamutin ang ganitong sakit. Post
mortem, ang kadalasang paraan upang malaman kung may rabies ang isang tao, at naisasagawa
lamang ito kapag patay na ang biktima.
Nakukuha ng mga tao ang rabies sa pamamagitan ng kagat ng hayop na may rabies. Ang
mga aso ang kadalasang pinagmumulan ng rabies sa Asya at Afrika, at sa mga paniki naman sa
United States of America, Canada, Australia, Latin America at Wesern Europe. Naipapasa ang
rabies mula sa mga hayop na ito kapag may direktang kontak sa kutis o bukas na sugat ng tao
ang laway ng mga hayop na ito. Posible din ang pagpasa mula sa taong apektado ng rabies
papunta sa taong hindi apektado ngunit wala pang mga naitalang kaso ng ganitong insidente.
Ang pagtanggal ng rabies sa mga apektadong bahagi ng katawan sa pamamagitan ng mga
chemical at pisikal na paraan ay isang mabisang paraan ng proteksyon. Inirerekomenda na
14
paunang lunas ay ang masusi at agarang paglilinis sa sugat ng mga 15 minuto ng sabon at tubig,
detergent, povidone iodine o iba pang kemikal na pumapatay sa rabies virus.
Category of Exposure to Suspect Rabid Animal Post-Exposure Measures
Category I – touching or feeding animals, None.
licks on intact skin (i.e. no exposure)
Category II – nibbling of uncovered skin, Immediate vaccination and
minor scatches or abrasions without bleeding local treatment of the wound.
Category III – single or multiple transdermal bites or Immediate vaccination and
scratches, licks on broken skin; contamination administration of rabies
of mucous membrane with saliva from licks, immunoglobulin and local
exposures to bats. treatment of the wound.
Ang rabies ay naiiwasan sa pamamagitan ng pagbabakuna, sa mga alagang hayop, at sa
taong maaaring maapektuhan o makagat ng apektadong kayop. Reference: Rabies, Facts Sheet
N*99. September 2011. World Health Organization. Online. 10 January 2012.