Unibersidad ng Pilipinas Maynila Kolehiyo ng Agham at Sining Padre Faura, Ermita, Maynila BUHAY BUKID AT BAKOD: Kritikal na Pagsusuri sa Buhay ng mga Magsasaka ng Hacienda Dolores at ang Kanilang Pakikibaka sa Gitna ng Laganap na Espekulasyon sa Lupa Isang Andergradweyt Tesis na itinampok sa Kagawaran ng Agham Panlipunan Kolehiyo ng Agham at Sining Unibersidad ng Pilipinas Maynila Bilang Pagtugon sa mga Rekisito sa Pagkamit ng Antas na Batsilyer sa Sining, Dalubhasa sa Araling Pangkaunlaran Jomer G. Allerite 2013-45522 Prop. Reginald S. Vallejos, MPA Tagapayo Mayo 2017
92
Embed
BUHAY BUKID AT BAKOD: Kritikal na Pagsusuri sa Buhay ng ...
This document is posted to help you gain knowledge. Please leave a comment to let me know what you think about it! Share it to your friends and learn new things together.
Transcript
Unibersidad ng Pilipinas Maynila
Kolehiyo ng Agham at Sining
Padre Faura, Ermita, Maynila
BUHAY BUKID AT BAKOD:
Kritikal na Pagsusuri sa Buhay ng mga Magsasaka ng Hacienda Dolores
at ang Kanilang Pakikibaka sa Gitna ng Laganap na Espekulasyon sa Lupa
Isang Andergradweyt Tesis na itinampok sa
Kagawaran ng Agham Panlipunan
Kolehiyo ng Agham at Sining
Unibersidad ng Pilipinas Maynila
Bilang Pagtugon sa mga Rekisito sa Pagkamit ng Antas na
Batsilyer sa Sining, Dalubhasa sa Araling Pangkaunlaran
Jomer G. Allerite
2013-45522
Prop. Reginald S. Vallejos, MPA
Tagapayo
Mayo 2017
Unibersidad ng Pilipinas Maynila
Padre Faura, Ermita, Maynila
BUHAY BUKID AT BAKOD:
Kritikal na Pagsusuri sa Buhay ng mga Magsasaka ng Hacienda Dolores
at ang Kanilang Pakikibaka sa Gitna ng Laganap na Espekulasyon sa Lupa
Isang Andergradweyt Tesis na itinampok sa
Kagawaran ng Agham Panlipunan
Kolehiyo ng Agham at Sining
Unibersidad ng Pilipinas Maynila
Bilang Bahagi ng Pagsasakatuparan
sa mga Rekisito ng Kurso na
Development Studies 199.2 para sa antas na
Batsilyer sa Sining, Dalubhasa sa Araling Pangkaunlaran
Prop. Reginald S. Vallejos, MPA
Tagapayo
Itinampok ni:
Jomer Genesa Allerite
2013-45522
Mayo 2017
MANGAHAS MAKIBAKA
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // i
MANGAHAS MAKIBAKA
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // ii
PROGRAMA NG ARALING PANGKAUNLARAN
Kagawaran ng Agham Panlipunan
Kolehiyo ng Agham at Sining
Unibersidad ng Pilipinas Maynila
Ermita, Maynila
PAHINA NG PAGPAPATIBAY
Bilang pagtugon sa mga rekisito para makamit ang antas na Batsilyer sa
Sining, Dalubhasa sa Araling Pangkaunlaran, ang tesis na ito na pinamagatang
“BUHAY BUKID AT BAKOD: Kritikal na Pagsusuri sa Buhay ng mga Magsasaka ng
Hacienda Dolores at ang Kanilang Pakikibaka sa Gitna ng Laganap na Espekulasyon
sa Lupa” na inihanda at isinumite ni Jomer G. Allerite, 2013-45522 ay
inirerekomenda ngayon para sa pagpapasiya.
Propesor Reginald Vallejos, MPA
Tagapayo sa Tesis
Araling Pangkaunlaran
Tinanggap at pinagtibay bilang bahagi ng pagtupad sa rekisitos ng
kursong Batsilyer sa Sining, Dalubhasa sa Araling Pangkaunlaran.
Propesor Jerome Ong
Tagapangulo
Kagawaran ng Agham Panlipunan
Kolehiyo ng Agham at Sining
Unibersidad ng Pilipinas Maynila
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // iii
PASASALAMAT
Buong pusong pasasalamat sa mga taong nagsilbi bilang mga instrumento upang matapos ko ang biyahe na ito. Kayo ang dahilan kung nasaan ako at sa kung saan pa man ako dalhin ng buhay.
Maraming salamat sa aking Panginoon na siyang naging sandalan ko sa mga pagkakataong wala na akong malapitan. Maraming salamat sa pagiging liwanag upang makita na tama pa ang landas na aking tinatahak.
Sa aking pamilya, kay Mama, Papa, Kuya, Ate, maraming salamat sa walang-sawang suporta at pagkalinga. Pinagpupugayan ko kayo sa hindi pagsukong mangarap na bigyan ako ng isang magandang kinabukasan. Maraming-maraming salamat sa mga salita ng pagmamahal na aking naging gasolina upang magpatuloy sa mga desisyon ko sa buhay.
Sa mga kaibigang naging bahagi ng aking biyahe sa pag-aaral ng lipunan, #BiyahengPraxis, maraming salamat Development Studies majors!
Sa DevStud freshies, maraming salamat sa mga panahon na pagtanggap sa akin at sa amin upang ilahad sa inyo ang kwento ng buhay ng mga magsasaka sa kanayunan. Mag-stay or not, patuloy na dalhin ang mga natutunan kapiling ng masa. Mahal ko kayo! Sa DevStud sophies, sa mga apo kong naging bahagi ng biruan sa tambayan, hanggang sa paglubog sa kanayunan, maraming salamat!
Sa mga anak ko, kay Jian Santos at sa lahat ng DevStud 2018, maraming salamat sa pagmamahal sa kabila ng mga birong “batchmate” ay patuloy pa rin kayo sa pagtiwala na matatapos ko ang tesis na ito. Maraming-maraming salamat sa mga “Tatay, kaya mo’yan.” “Konti na lang, ‘tay.” “Kapit lang po.” Kayo ang isa sa mga pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob, mahal ko kayo!
Sa DevStud 2017, taas-kamaong pagpupugay sa ating lahat! Lahat ng puyat at pagod ay mapapawi rin. Patuloy lamang na pag-aralan ang lipunan at maging bahagi ng tunay na pagbabago nito.
Sa practicum teammates ko, maraming salamat Reena, at Mira, sa pagtiwala na mas mapapatambol natin ang isyu ng Hacienda sa pamamagitan ng tesis na ito.
Maraming salamat kay Lala, Mika, Yna, Roma, Gem, Conch, Mikey, Marco, Renz, Iza, Nash, at Betina. Salamat sa mga words of encouragement na kaya natin ‘to. Salamat sa pagiging kasama sa pag-rant tungkol sa mga bagay na nakaka-stress sa buhay, at salamat sa pagiging kasama sa pagtanggal ng mga stress na ‘to.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // iv
Kay Diane, na lagi kong kausap tungkol sa pakikibaka at buhay, maraming salamat dahil mas tumibay ang loob ko na tapusin ang tesis na ito at maglingkod sa bayan kapiling ng mga magsasaka.
Para sa mga taong naglapit sa akin sa masa, NNARA-Youth, Development Studies Society, ASAP-Katipunan, Minggan, at maging sa FBCP, maraming salamat sa pagbibigay ng oportunidad na makasama ko ang mga magsasaka, mangingisda, mga kapwa ko estudyante’t Iskolar at maging bahagi ng pakikibaka nila. Hanggang sa tagumpay!
Kay Lester, Steven, Jhayber, at sa iba pang bahagi ng kolektib, maraming salamat sa pagtatasa at paggabay sa aking pagsusuri sa lipunan. Makakaasa kayong patuloy ang paglaban para sa tunay na reporma sa lupa.
Maraming salamat sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson, kay Ka Joseph Canlas, Ma’am Au Santiago, at sa lahat ng bumubuo ng BAYAN-Gitnang Luson, maraming salamat po sa paggabay at sa pagtulong sa akin upang makakuha ng mga datos sa Hacienda Dolores.
Maraming salamat sa mga residente’t magsasaka ng Hacienda Dolores, lalong-lao na sa inyong mainit na pagtanggap sa akin. Salamat po sa pagpapatuloy niyo sa akin sa inyong mga tahanan. Makakaasa kayo na kasama pa rin ako sa pagbawi ng mga lupang nakamkam.
Sa mga propesor ng Development Studies, maraming salamat po sa paghubog sa akin bilang isang mag-aaral na may pagkiling sa interes ng marhinalisadong sektor ng lipunan. Maraming salamat sa pagpapakita sa akin kung ano ang kahalagahan ng praxis sa pakikibaka. Maraming salamat kay Sir John Ponsaran sa mga kritikal na puna at puri sa akin, at kay Sir Allan Mesina sa pagiging isang propesor na malalapitan sa anomang oras.
Mataas na pagpupugay kay Sir Reggie Vallejos sa pagiging isa sa pinakamahusay na propesor na nakilala ko hindi lamang sa loob ng pamatasan kundi pati na rin sa lansangan at kanayunan. Maraming salamat po sa pagiging tagapayo at paggabay sa pagbuo ng tesis na ito. Mananatili po kayong inspirasyon sa aking paglaban para sa masa.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // v
PAGHAHANDOG
Ito ay para sa pakikibaka…
Kasama ng mga magsasaka
Para sa tunay na reporma.
Ito ay inihahandog…
Para sa pagbuwag ng mga bakod.
Ito ay para sa mga bayani…
Para sa kanilang pagbawi
Sa lupa at sa kanilang ani.
Ito ay para sa iyo…
Lipunang Pilipino.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // vi
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // vii
ABSTRAKTO
Ang kalsada ay isang daan tungo sa kaunlaran. Kalakip ng mga kalsada ang
mabilis na urbanisasyon sa kanayunan at ito ay nagbibigay ambag sa pagkakaroon
ng mga espekulasyon sa lupang nakapaligid dito. Ang espekulasyon sa lupa ay ang
pamumuhunan sa mga lupa kagaya ng mga tiwangwang, agrikultural, at katutubong
lupa na maaaring gamitin sa komersiyal na layunin. Ang espekulasyon sa lupa ay
nagbibigay kontribusyon naman sa pagkakaroon ng mga pagpapalit-gamit ng
lupang agrikultural tungo sa industriyal, residensiyal, at komersiyal kung kaya’t ang
mga magsasaka ang pinakamaapektuhan.
Sa hilagang bahagi ng Pilipinas ay matatagpuan ang pinakamahabang tollway
sa bansa, ang Subic-Clar-Tarlac Expressway. Naging mainit ang mata ng mga taga-
usig o speculators sa mga lupang sa paligid nito upang gawing isang residensiyal, at
komersiyal na distrito. Ngunit hindi pabor ang mga magsasaka ng Porac, Pampanga
sa proyektong ito.
Upang direktang makita ang epekto ng espekulasyon sa lupa sa buhay ng mga
magsasaka, nagtungo ang mananaliksik sa Hacienda Dolores sa Porac, Pampanga na
isa sa mga naapektuhan ng espekulasyon. Sa pamamagitan ng kuwentong buhay ng
magsasaka ay inalam ng mananaliksik ang mga epekto ng pagbabakod sa bukid na
nakaugat sa espekulasyon sa lupa. Higit pa rito, inalam din ang mga paraan ng
pagtugon ng mga magsasaka sa mga epekto ng espekulasyon sa lupa at ang
maiaambag nito upang makamit ng mga magsasaka ang kanilang
pagsasakapangyarihan, at ang kanilang tunay na pangkomunidad na kaunlaran.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // viii
TALAAN NG NILALAMAN
MANGAHAS MAKIBAKA .................................................................................................................... i
PAHINA NG PAGPAPATIBAY .......................................................................................................... ii
PASASALAMAT ................................................................................................................................. iii
PAGHAHANDOG ................................................................................................................................. v
ABSTRAKTO ..................................................................................................................................... vii
TALAAN NG NILALAMAN ............................................................................................................. viii
PAGPAPAKAHULUGAN SA MGA DAGLAT .................................................................................... x
PAGPAPAKAHULUGAN SA MGA TERMINO ............................................................................... xi
PROLOGO .......................................................................................................................................... xii
UNANG BAHAGI: BINHI NG BUHAY .............................................................................................. 1
SANDIGAN NG PANANALIKSIK ......................................................................................................................................... 2
KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL ..................................................................................................................................... 5
LAYUNIN NG PANANALIKSIK ............................................................................................................................................ 7
SAKLAW AT LIMITASYON NG PANANALIKSIK ......................................................................................................... 9
KAUGNAY NA LITERATURA ......................................................................................................... 11
MGA BALANGKAS NG PANANALIKSIK ........................................................................................................................ 11
Teoretikal na Balangkas .................................................................................................................................................... 11
Konseptuwal na Balangkas ............................................................................................................................................... 14
PAGSUSURI SA MGA KAUGNAY NA LITERATURA ................................................................................................. 16
DISENYO NG PANANALIKSIK .......................................................................................................................................... 23
Si Marvin at ang Ibayong Nayon .................................................................................................................................... 27
Ang Matamis na Pangarap ni Neslly ............................................................................................................................ 31
Si Merry Ann sa kanyang Last Resort .......................................................................................................................... 32
Si Clarence: Ayaw nang Magsaka .................................................................................................................................. 38
Si Ka Bonjing: Ahente ng Pagkakaisa ............................................................................................................................ 40
Si Nanay Ana: Hindi Tubong Hacienda ngunit may Pusong Hacienda .......................................................... 48
ANG HACIENDA NG PAGLULUKSA ................................................................................................................................ 51
IKATLONG BAHAGI: UHAY NG PAKIKIBAKA .......................................................................... 58
PAGSUSURI AT PAGLALAGOM .................................................................................................... 59
KONKLUSYON AT REKOMENDASYON ....................................................................................... 66
MGA BATIS AT SANGGUNIAN ...................................................................................................... 70
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // x
PAGPAPAKAHULUGAN SA MGA DAGLAT
AMGL - Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon
AMRHD - Alyansa ng mga Magbubukid at Resident ng Hacienda Dolores
CARP/ER - Comprehensive Agrarian Reform Program / Extension & Reforms
CLUP - Comprehensive Land Use Plan
DAR - Department of Agriculture
FMR - Farm-to-Market Road
GARB - Genuine Agrarian Reform Bill
GDP - Gross Domestic Product
HD - Hacienda Dolores
KMP - Kilusang Magbubukid ng Pilipinas
LUC - Land Use Conversion
SCTEX - Subic-Clark-Tarlac Expressway
WB - World Bank
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // xi
PAGPAPAKAHULUGAN SA MGA TERMINO
LAND SPECULATION - espekulasyon sa lupa ay ang pamumuhunan sa
lupa (agrikultural, katutubo, industriyal o ano pa man) sa pag-asang tataas ang
presyo nito pagkalipas ng panahon nang sa gayon ay maibenta sa mas mataas ding
presyo at makakuha ng mas malaking kita o tubo.
LAND GRABBING - ito ang pangangamkam ng lupa sa pamamagitan
ng pwersadong aksiyon sa pamamagitan ng mga represibong aparato gaya ng
militar o kapulisan. Maaari ring teknikal sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga
pruwebang dokumento ng pagmamay-ari sa lupa gaya ng mga titulo
LAND USE CONVERSION - ito ang proseso ng pagpapalit-gamit ng lupa.
Kadalasan mula agriultural tungong komersiyal upang mas malaki ang kitang
makukuha ngunit bumababa ang kakayanan ng lupang maging produktibo.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // xii
PROLOGO
SANG UMAGA, pagkatapos mag-araro ng kanyang sakahan, nagkakape sa
kanyang kubol sa gitna ng bukid si Mang Rojo1. Nakatingin sa malayo, may
malalim na iniisip, sabay buntong-hininga, “Sana naman kapag natapos na ‘yang
kalsadang ‘yan eh mas mapadali na ang pagluwas ng palay at ng mga kamote ko
papuntang sentrong bayan o, mas mainam, hanggang Maynila”, banggit niya sabay
tingin sa alagang kalabaw, “Hindi ba, Berto?”. Umiling ang kalabaw na si Berto.
“Hindi naman tayo ang makikinabang diyan, pare!” sagot ng kalabaw at naglakad na
palayo habang winawasiwas ang mga langaw na tila nagsu-Zumba sa kanyang
likuran.
Si Mang Rojo Guerrero ay isang magsasaka ng isang bayan sa isang
probinsiya ng Pilipinas. Katulad ng ibang mga magsasaka, siya ay nananatiling
mahirap sa kabila ng deka-dekadang pagbubungkal ng lupa.
1 Rojo Guerrero – Pulang Mandirigma. Ang kwento ng buhay ni Rojo Guerrero ay kathang-isip lamang ng mananaliksik. Lahat ng pagkakapareho sa anomang totoong tao ay pawang nagkataon lamang.
I
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 1
MUNGKAHING PAG-AARAL
UNANG BAHAGI: BINHI NG BUHAY
Binhi ng Buhay
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 2
Kabanata 1
INTRODUKSIYON
SANDIGAN NG PANANALIKSIK
Simula noong tayo’y mga bata pa lamang, palagi na nating naririnig na ang
“Magtanim ay ‘di biro.” Ngunit gaano nga ba ka-hindi biro ang magtanim kung isa
kang magsasaka? Gaano kahirap maging magsasaka lalo na sa ating bansa?
Ang Pilipinas ay isang agrikultural na bansa. Batay sa World Bank2, ang
Pilipinas ay may halos 12.4 milyong ektarya ng lupaing agrikultural o humigit
kumulang 41.7% ng kabuuang lupa ng bansa. Ayon din sa datos na ito, ang 5.6
milyong ektarya rito ay maaaring masaka, 7.3 milyong ektarya naman ang para sa
produksiyon ng mais at palay. Sa madaling salita, maaari pa rin nating sabihin na
malalaking bahagi pa rin ng bansa ay nakasandig sa agrikultural na produksiyon.
Kabalintunaan na sa kabila ng mga datos na naisaad, ang agrikultura, pangingisda,
at iba pang produksiyon sa gubat ay 10% lamang ng aggregate domestic output ng
ekonomiya o Gross Domestic Product (GDP) ng bansa noong 2014.3
Ayon sa estadistika ng gobyerno, noong 2015, ang populasyon ng mga
Pilipinong nakatira maliban sa Metro Manila at iba pang highly urbanized cities ay
87.25% ng kabuuang 100,981,437 na populasyon4. Karamihan sa mga Pilipinong
2 Mula sa datos na isinumite ng gobyerno ng Pilipinas sa World Bank noong 2013 http://data.worldbank.org/indicator/AG.LND.AGRI.ZS 3 Ito ay ayon sa Philippine Statistics Authority http://countrystat.psa.gov.ph/?cont=3 4 Mula sa Population Census 2015 https://www.psa.gov.ph/content/highlights-philippine-population-2015-census-population
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 3
nakatira sa rural na erya ay nakadepende sa gawaing agrikultural tulad ng
pagsasaka, pangingisda, at maging pagmimina. Ibig sabihin, mahihinuha natin na
kalakhan pa rin sa populasyon ng ating bansa ay nasa sektor ng agrikultura.
Kritikal ang ginagampanang papel ng sektor ng agrikultura sa bansa.5 Una,
ang sektor na ito ang gumagawa ng mga mahalagang hilaw na materyales para sa
iba pang bumubuo ng ekonomiya ng bansa. Pangalawa, ito ay nagsisilbi rin bilang
isang napakaimportanteng merkado para sa farm inputs at iba pang kalakal o
serbisyo gawa sa mga di-agrikultural na industriya. Ang ikatlo naman ay, bilang ang
sektor ng agrikultura ay lumalawak at nagmomodernisa na sa gitna ng pagkakaroon
ng limitadong suplay ng lupang agrikultural, ito ay naglalabas ng surplus labor para
sa iba pang mga sektor a bahagi ng ekonomiya ng bansa.
5 Philippine Agriculture over the Years: Performance, Policies and Pitfalls by Cielito F. Habito and Roehlano M. Briones. Paper presented at the conference entitled “Policies to Strengthen Productivity in the Philippines,” sponsored by the Asia-Europe Meeting (ASEM) Trust Fund, Asian Institute of Management Policy Center, Foreign Investment Advisory Service, Philippine Institute of Development Studies and the World Bank, held in Makati City, June 27, 2005.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 4
PAGLALAHAD NG SULIRANIN
Sa Pilipinas, sa kabila ng pagiging isang bansang mayaman at sagana sa
agrikultura, nananatiling mahirap ang uring magsasaka6. Deka-dekadang nilinang
ng mga magsasaka ang mga lupang kanilang tinatamnan, subali’t deka-dekada na
rin silang namomromblema dahil sa mga problemang hatid ng kawalan ng
kaukulang aksiyon ng gobyerno ukol sa kanilang karapatan sa lupa.
Sa ilang taong pamumuhay ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores sa
kanilang bukid at sakahan, paano nila isasalarawan ang kwento ng kanilang buhay?
Ano ang iba pang mga salik na nagpabago sa buhay nila? Ano-ano ang mga salik na
nagtutulak sa kanila upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa lupang
kanilang sinasaka? At sa paanong paraan makakatulong ang kanilang pakikibaka
para sa kanilang karapatan sa laganap na espekulasyon sa lupa sa mga kalapit na
barangay?
Totoo nga bang ang magtanim ay hindi biro? Lalo na kung ang lupang
tinatamnan mo ay inaagaw sa’yo?
6 Hinango mula sa isang artikulo ni Pher Pasion sa Pinoy Weekly http://pinoyweekly.org/new/2015/10/hamon-ng-mga-magsasaka-sa-darating-na-eleksiyon/
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 5
KAHALAGAHAN NG PAG-AARAL
Mahalaga na pag-aralan ang buhay ng mga magsasakang nakaranas ng
espekulasyon sa lupa sapagkat ang kanilang mga karanasan ay maaari ring
mangyari at maramdaman ng mga iba pang katulad nilang magsasaka. Ang
pamumuhunan sa lupa ay patuloy na lalaganap sa kasalukuyang panahon at sa higit
pa kung saan ang pagmamay-ari ng lupa ay katumbas na rin ng pagkakaroon ng
kapangyarihan. Sa pananaliksik na ito, nais kong alamin bilang mananaliksik kung
ano ang epekto ng pagkakaroon ng laganap na espekulasyon sa lupa sa buhay ng
mga magsasaka at kung sa paanong paraan makakatulong ang kanilang pakikibaka
sa kapwa nila magsasakang may banta ng pagdanas ng mga epektong hatid ng
espekulasyon sa lupa.
Bagamat ang mga kwentong buhay ay hindi madalas gamitin sa pag-aaral ng
mga pananaliksik kagaya nito, may kakayahan naman itong magbigay ng malinaw
na larawan ng tunay na kalagayan ng tao dahil sakop ng mga kwento ang mga
damdamin, saloobin, at pananaw sa bawat tagpo sa kanilang mga istorya. Sinabi ni
Stewart (1994) sa kanyang The Women’s Movement and Women’s Lives: Linking
Individual Development and Social Events, ang mga kwentong buhay sa kaso ng
pananaliksik ay may kabuluhan sa sosyolohiya sapagkat maari nitong matulungan
ang mananaliksik na mas maging mulat o mas magkaroon pa ng mas malalim na
kamalayan sa hanay ng mga maaaring tungkulin at pamantayan na umiiral sa loob
ng isang komunidad. Maaaring tukuyin ng mga kwentong buhay ang lugar ng isang
indibidwal sa antas panlipunan (social order) (Stewart, 1994). Ayon din sa isang
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 6
pananaliksik na ginawa ni Rosenrhal, maaari rin nitong ipaliwanag o kompirmahin
ang mga nagaganap sa lipunang ginagalawan sa pamamagitan ng moral, etikal, o
sosyal na konteksto ng isang sitwasyon. Makakapagbigay ang mga ito sa
mananaliksik ng impormasyon tungkol sa katotohanang panlipunan (social reality)
na umiiral sa labas ng kwento na isinasalarawan ng nasabing kwento. (Rosenrhal,
1993)
Bilang isang mag-aaral ng Araling Pangkaunlaran, na balang araw ay
magiging isa sa mga development worker, tungkulin kong ilantad ang kapabayaan ng
estado, pang-aabuso ng mga pribadong kompanya, at patuloy na handulong sa pag-
unlad. Kalakip din ng paglantad ang pagsalungat sa mga hindi makatarungang
programa’t aksiyon ng gobyerno. Sa huli, tungkulin ko bilang mananaliksik na
magmungkahi ng mga solusyon sa problemang kinakaharap. Kung kaya’t nilalayon
ng pananaliksik na ito na makatulong sa pagbuo ng mga angkop na polisiya at
programa upang matugunan ang mga epektong hatid ng espekulasyon sa mga
agrikultural na lupain. Ito ay maaaring makamit lamang sa pamamagitan ng
pagsasalimbayan ng mga teoryang napag-aralan sa loob ng pamantasan at ng mga
praktikang nagampanan kasama ng mga magsasakang nasa komunidad na pokus ng
pananaliksik.
Huli, bilang isang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Maynila, tungkulin
ng mananaliksik na pagsilbihan at tulungan ang mamamayan. Hinihimok ko na
maging isang artikulasyon ng kaisipan ang pananaliksik na ito, maging bahagi ng
mga diskurso sa panahon ng pagpapalaya sa mga magsasaka, at maging isang
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 7
daluyan ng talakayan ng mga buhay ng mga magsasaka at kung paano sila
makakatulong sa pangkomunidad na kaunlaran.
LAYUNIN NG PANANALIKSIK
Sisikapin ng pananaliksik na ito sa pangkalahatang layunin na kritikal na
suriin ang buhay at karanasan ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores sa gitna ng
laganap na espekulasyon sa kanilang mga lupa. Higit pa rito, ninanais ng
pananaliksik na salaminin sa punto de vista ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores
ang mga konsepto ng espekulasyon sa lupa, pakikibaka para sa karapatan, at
kaunlaran.
Upang higit pang maging epektibo ang tesis na ito, layon din nitong sagutin
ang mga katanungang may kaugnayan sa mga nailahad na layunin.
1. Talakayin ang buhay ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores nang sa gayon
ay maisalarawan at maintindihan ang buhay ng mga magsasakang nakaranas
ng espekulasyon sa lupa.
• Ano ang pampolitikang ekonomiya ng espekulasyon sa lupa?
• Sa pananaw ng mga magsasaka, ano nga ba ang espekulasyon sa lupa
at paano ito nakakaapekto sa kanilang mga buhay?
2. Siyasatin ang pagbabagong hatid sa buhay ng mga magsasaka ng paglaganap
ng espekulasyon sa kanilang mga lupa.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 8
• Ano ang estado ng kanilang buhay bago pa man nagkaroon ng mga
espekulasyon sa kanilang lupa?
• Bilang mga magsasaka, paano nila tutugunan ang mga pagbabagong
hatid ng pagpasok ng mga espekulasyon sa lupa?
3. Salaminin kung naging epektibo ba ang mga programa sa repormang agraryo
upang bigyang proteksiyon ang mga magsasaka sa mga negatibong epekto na
hatid ng paglaganap ng espekulasyon sa lupa.
• Sa papaanong paraan nakatulong ang mga nagdaang repormang
agraryo sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa? Kung hindi
nakatulong, bakit?
• Ano ang ambag ng mga polisiya at batas ukol sa lupa sa karapatan ng
mga magsasakang bungkalin ang kanilang mga bukid?
4. Ipakita ang buhay ng mga magsasaka upang maiugnay ang mga ito sa usapin
ng pag-oorganisa, pagpapakilos, at pagpapaunlad ng komunidad.
• Ano ang naging tugon ng mga magsasaka upang ipaglaban ang
kanilang karapatan sa lupa?
• Naisakatapuran ba ng mga magsasaka ang pagsasakapangyarihan
(empowerment) ng kanilang sektor sa paraan ng pakikipaglaban para
sa kanilang lupa?
5. Iugnay ang buhay ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores sa buhay ng iba
pang mga magsasaka sa mga kalapit na barangay na maaari ring makaranas
ng mga epektong hatid ng espekulasyon sa lupa.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 9
• Paano makakatulong ang pananaliksik sa buhay ng mga magsasaka ng
Hacienda Dolores sa iba pang mga komunidad ng mga magsasaka?
• Ano-ano ang mga epekto ng pakikibaka ng mga magsasaka ng
Hacienda Dolores sa kalapit na mga barangay nito?
SAKLAW AT LIMITASYON NG PANANALIKSIK
Bagamat ang espekulasyon sa lupa ay nararanasan na sa iba’t ibang bahagi
ng bansa, ang pananaliksik na ito ay magpopokus lamang sa iisang barangay. Ang
barangay na ito ay ang Hacienda Dolores sa bayan ng Porac, Pampanga na apektado
ng isinagawang Subic-Clark-Tarlac Expressway sa rehiyon. Ang pananaliksik rin na
ito ay gagamit lamang ng iilang kakapanayamin, katugon o respondents para sa
isasagawang case study mula sa dalawang grupo ng edad ng tao – kabataan at
matatanda.
Ang mga datos ay hahanguin mula sa mga karanasan ng mga magsasaka ng
Hacienda Dolores. Tutukuyin lamang nito ang mga epekto sa buhay ng mga
magsasaka bago at sa pagpasok ng laganap na espekulasyon sa lupa. Dahil din sa
limitadong oras upang matapos ang pananaliksik, hindi na binigyang-diin pa ang
mga ilang estadistikang nakaugnay sa pag-aaral. Nagsisilbi na lamang ang mga ito
bilang mga kaakibat na datos upang ipakita ang mga epekto ng nasabing
espekulasyon sa lupa.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 10
Susubukang iugnay ang mga makakalap na datos o impormasyon ng
pananaliksik na ito sa iba pang mga sektor ng lipunang Pilipino – kababaihan,
Sa pagsusuri ng mga buhay ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores, gagamit
ang mananaliksik ng mga kritikal na teorya. Ito ay upang masuri nang maayos ang
mga buhay ng mga magsasaka at nang sa gayon ay makabuo ng komprehensibong
pagsusuri na tutugon sa mga layunin ng pananaliksik.
Ang pangunahing teorya na gagamitn sa pananaliksik na ito ay ang
phenomenological method. Ayon kay Willis, “ang phenomenology ay nakatuon sa
sariling pag-iisip ng katotohanan, habang patuloy sa pangangailangan na
maunawaan kung paano tinitingnan ng isang tao ang kanyang sarili at ang mundo
sa kanyang paligid” (gaya ng nabanggit ni Bound, 2011). Ito ay halos katulad din sa
sinabi ni Welman at Kruger, “ ang mga phenomenologist ay nakatutok sa pag-unawa
sa panlipunan at sikolohikal na phenomena mula sa pananaw ng mga taong
kasangkot” (gaya ng nabanggit ni Groenewald, 2004).
Sa madaling salita, binibigyang-kahulugan ng phenomenological method ang
isang karanasan o sitwasyon sa pamamagitan ng pakikinig sa iba’t ibang kwento ng
mga kakapanayamin o kalahok sa pananaliksik. Sinusuri nito ang isang phenomena
mula sa mata ng mga tao kalahok. Sa kaso ng pananaliksik na ito, mahalagang masuri
ang konsepto ng espekulasyon sa lupa sa pamamagitan ng mismo ng lente o mata
ng mga magsasaka. Ito ay nang sa gayon ay mas malalim na maunawaan ng
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 12
mananaliksik ang epekto ng espekulasyon sa lupa sa buhay ng mga magsasakang
kakapanayamin.
Upang masuri naman kung paano nakakaapekto sa pagsasakapangyarihan
ng mga magsasaka ang isyung kinakaharap na espekulasyon sa lupa, ang
pnanaliksik na tio ay gagamitan ng community development theory. Ito ay para
maisalarawan ang mga salik na nagiging dahilan ng aksiyon ng mga magsasaka.
Ang Community Development Theory ay nakatuon mismo sa masang api at sa
proseso ng kanilang pag-alpas sa mga problemang panlipunang ipinapataw ng mga
panlabas na salik. Naipaliwanag nang mahusay ni Phillip Mendes (2008) ang
teoryang ito sa kanyang pagpapakahulugan:
“Ang Community Development ay kadalasang isinasaalinsabay sa
Social Work. Ang Social Work ay tinukoy bilang propesyonal na
interbensyon sa pagtukoy ng mga sitwasyon ng personal na
pagkabalisa (personal distress) at krisis sa pamamagitan ng pag-
angkop at pagpapalit ng mga panlipunang kapaligiran na kung saan
ang mga tao ay nakatira. Sa kabilang banda, ang Community
Development ay ang pagtatalaga ng mga istraktura ng komunidad
upang tugunan ang mga panlipunang pangangailangan at bigyang
kapangyarihan (empower) ang mga grupo ng mga tao.” (Community
Development is often being connected to Social Work. Social work is
defined here as professional intervention to address situations of
personal distress and crisis by shaping and changing the social
environment in which people live. Community development is defined
here as the employment of community structures to address social needs
and empower groups of people.) (akin ang salin sa Filipino)
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 13
Sa pananaliksik na ito, malaki ang maiiaambag ng teorya ng Community
Development sa pamamagitan ng pagbibigay ng kritikal na pagsusuri kung paano
nga ba napupukaw ang kalooban ng mga magsasaka upang tugunan ang
espekulasyon sa lupa. Ang pangkomunidad na kaunlaran ay isang batayan upang
malaman ang antas ng pagkamulat ng uring magsasaka. Tutukuyin ng teorya na ito
ang kapasidad ng pagpapaunlad sa sarili ng mga magsasaka sa panahon ng
opresyon, kawalan ng karapatan, at pagtugon sa epektong dulot ng agresyon sa
kaunlaran.
Higit pa rito, gagamit din ng conflict theory ang mananaliksik. Ayon sa
pagpapakahulugan ng New World Encyclopedia, sa sosyolohiya, ang conflict theory7
ay nagsasaad na ang lipunan o isang organisasyon ay kumikilos sa kaparaanan na
ang bawat indibidwal na kalahok at ang mga grupo nito ay nakikibaka upang
maimaksima ang kanilang mga benepisyo, na kung saan hindi maaaring hindi nag-
aambag sa pagbabagong panlipunan tulad ng mga pampolitikang pagbabago at
rebolusyon. Ang teorya ay halos inilapat upang ipaliwanag ang tunggalian sa pagitan
ng mga uri sa lipunan, proletaryado laban sa burgesya, at sa usapin ng ideolohiya,
tulad ng sosyalismo laban sa kapitalismo. Ang paglago at pag-unlad ay nagaganap
sa pamamagitan ng tunggalian o diyalektika sa pagitan ng mga magkakasalungat na
partido o grupo.
Sa kaso naman ng pananaliksik, sa pamamagitan ng Conflict Theory ay
matutukoy ang kasaysayan ng pagkakaroon ng mga tunggalian sa pagitan ng mga
7 Inakses mula sa http://www.newworldencyclopedia.org/entry/Conflict_theory
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 14
magsasaka at ng iba pang aktor ng lipunan (panginoong may lupa, mga politiko,
atbp.). Sa pamamagitan din nito ay malalaman kung bakit nga ba may tunggalian sa
pagitan ng mga magsasaka at sa ibang aktor ng lipunan. Isang tunggalian na
nagdudulot ng iba’t ibang epektong maaaring makapagbigay ng pagbabago sa buhay
sa mga magsasaka, positibo man o negatibo.
Konseptuwal na Balangkas
Grapiko 1 Balangkas Pangkonsepto na gamit ng pananaliksik na ito
Ipinapaliwanag ng balangkas pangteorya (Grapiko 1) na ito kung paano
nakakaapekto ang espekulasyon sa lupa sa buhay ng mga magsasaka. Makikita sa
nakalarawang balangkas pangkonsepto na ang espekulasyon sa lupa ay may
ESPEKULASYON SA LUPA
PANGANGAMKAM NG LUPA PAGPAPALIT-GAMIT NG LUPA
SOSYO-EKONOMIKONG EPEKTO SA
BUHAY NG MGA MAGSASAKA
PAGTUGON NG MGA MAGSASAKA
PANGKOMUNIDAD NA KAUNLARAN
NG SEKTOR NG MGA MAGSASAKA
INDIBIDWAL PAMILYA SEKTOR
KOMUNIDAD
POSITIBONG EPEKTO NEGATIBONG EPEKTO
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 15
kaakibat na dalawang bagong salik – ang pangangamkam ng lupa (land grabbing) at
ang pagpapalit ng gamit (land use conversion) nito. Tutukuyin ng pananaliksik kung
paano nakakapekto ang dalawang nabuong salik sa buhay ng mga magsasaka at sa
sosyo-ekonomikong aspekto ng buhay nila.
Natural sa tao na tugunan o bigyang-aksiyon ang mga epekto, positibo man
o negatibo, sa kanyang buhay na dulot ng mga panlabas na salik. Mahalagang
bigyang-diin din na nakakapag-ambag sa kanyang pagkilos ang pamilya, mga
miyembro ng sektor na kanyang kinapabibilangan (sa kaso ng pananaliksik, kapwa-
magsasaka), at maging ang komunidad na kanyang kinapapalooban.
Sa huli, ang mga paraan ng pagtugon ng mga magsasaka sa mga epekto ng
espekulasyon sa lupa ay malaki ang maiaambag upang makamit ng mga magsasaka
ang kanilang pagsasakapangyarihan at higit pa, ang kanilang tunay na
pangkomunidad na kaunlaran.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 16
PAGSUSURI SA MGA KAUGNAY NA LITERATURA
Bilang ang terminolohiyang espekulasyon ay isang legal at ekonomikong
kataga, natural lamang na sumangguni sa mga law dictionary upang makapagbigay
ng pakahulugan sa mga ito. Sa pagpapakahulugan ng Black’s Law Dictionary,
In commerce. The act or practice of buying goods in expectation of a rise
of price and of selling them at an advance, as distinguished from a
regular trade, in which the profit expected is the difference between the
retail and wholesale prices, or the difference of price in the place where
the goods are purchased, and the place where they are to be carried for
market. Webster.
Sa kaso ng land speculation, ito ang espekulasyon o pamumuhunan sa mga
lupa kagaya ng mga tiwangwang, agrikultural, at katutubong lupa. Ayon sa
pagbibigay sandigan ng kahulugan (background of the definition) ng Dictionary of
American History8(2003), ang paboritong layon ng pamumuhunan sa America bago
pa ang panahon ng naglalakihang negosyo ay ang pampublikong lupa. Ang mga
namumuhunan ay maaaring bumili nito sa murang presyo nang may malaking
bilang at magbawas nito sa merkado, kung may sapat man silang kapital upang
makamit ito, hanggang ang pagtaas ng presyo ay magdulot ng tubo o kita.
Halos naging epidemya sa mga metropolitan ng America ang land speculation
kalakip ng mga iskema sa land investment noong mga huling bahagi ng 1960s at
unang bahagi ng 1970s (Lindeman, 1976). Sa artikulong “Don’t Speculate and Don’t
8 "Land Speculation." Dictionary of American History. . Retrieved December 05, 2016 from Encyclopedia.com: http://www.encyclopedia.com/history/dictionaries-thesauruses-pictures-and-press-releases/land-speculation
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 17
Listen to Tips” ni Hepburn, A.B. (1919) ng Chase National Bank of New York sa
kanyang sinulat para sa American Magazine noong Nobyembre 1919, klinaro niya
ang kaibahan ng investment sa speculation, ayon sa kanya, “Investment is buying
stocks after the value is proved. Speculation consists in trying to guess what the value
will be.” Dinagdag pa niya sa kanyang pahayag ang: “buying stocks on the prospect of
a company striking oil or discovering gold is like betting that you will find money on
the sidewalk.” (mula sa Ely R., 1920). Kung papalitan natin ang salitang stocks ng
land, mas maiintindihan natin ang pinagkaiba ng land speculation at land investment.
Tinutukoy din bilang pagpapanatili ng pagmamay-ari sa ng mga lupa upang
pakinabangan ang mga ito dahil sa pagbabagong pampolitikang pang-ekonomiya na
nakakaapekto sa lokal na halaga ng lupa, ang land speculation ay kaakibat ng
politika ng mga "growth machine" na gumagabay sa pag-unlad ng mga pangunahing
bayan, mga suburban na munisipyo, at kamakailan, mga lupang papa-urban na
hinog na para sa "smart growth" (Stanley, 2016).
Sa Anatomy of Land Speculation ni Lindeman (1976), sinabi niya na may
tatlong salik na nakaambag sa kadahilanang ito: (1.) ang pangmatagalang kalakaran
ng suburbanization ay humantong sa di-mabalewalang paggalaw ng populasyon ng
mga urban at mabilis na pag-unlad (market value9 increases) ng mga katabing
lupain, (2.) ang inflation noon at pagkatapos ng 1967 ay maglikha sa maraming
mamamayan ng pagnanais na mamuhunan sa isang bagay bilang isang
9 Ang presyo ng isang asset na sinusunod sa isang merkado. Ito rin ay karaniwang ginagamit upang pagbatayan ng presyo ng mga publicly-traded company sa merkado. Inakses mula sa Investopedia http://www.investopedia.com/terms/m/marketvalue.asp#ixzz4SAepb58T
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 18
kasiguraduhan at nagkaroon ng mga sabi-sabi na magandang behikulo para sa
kasiguraduhan na ito ay ang mamuhunan sa lupa, (3.) huli, ang pagkakaroon ng
stock market debacles noong 1969-1970 at 1973-1974 na naging dahilan upang
maalis ang pangunahing kakumpitensiya ng lupa sa kasiguraduhan, kung kaya’t
lalong lumala ang pangangailangan sa espekulasyon sa lupa (Lindeman, 1976).
Ang mga speculator ay bumibili ng mga lupa sa pag-asang tataas ang presyo
nito pagkaraan ng mga panahon, at sa pagtaas ng presyo ay kanila na nilang
ibebenta upang mas mataas ang kanilang makuhang kita o tubo. Kadalasan na
binebenta ang mga lupa sa mga kompanya upang gawing industriyal, komersiyal, o
kaya naman ay residensiyal ang mga ito.
Sa pagsasalarawan ni Ortega (2016) sa kanyang artikulong Volatile Spaces in
the Peri Urban Fringe, from the Fields to the Mountains, pagkaraan ng ilang siglo ng
pamumuhay sa kabundukan, ang espekulasyon ng lupa at pagbuo ng mga
subdibisyon ay nanghihimasok sa kanilang (ng mga katutubo, mga Dumagat, sa
partikular) mga lupaing ninuno. Ang mga gawaing ito ay humahantong sa pagliit ng
kanilang mga katutubong espasyo at pagkasira ng kabundukan na siyang kanilang
pinagkukunan ng kabuhayan (Ortega, 2016).
Ayon kay Sheehan M. (1982), ang speculative forces ay nagagawang kontrolin
ang disenyo ng parehong infrastructural at general development sa Southern
California sa loob ng 100 taon, at ang kalakarang ito ay hindi ang pinakamahusay
para sa interes ng kalakhang populasyon. At ayon din sa kanya, ang aktibong
espekulasyon sa lupa ay masama sa iba't ibang kaparaanan, na nakakaapekto sa
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 19
produksiyon, distribusyon, at sa hinaharap na opsiyon mula sa pampublikong
perskpektiba. Sa pampolitikang usapin naman, ang espekulasyon o ang pagnanais
na angkinin ang mga bunga ng paggawa ng mga produktibong kasapi ng komunidad,
ay lumilikha ng isang kapaligirang korap, mala-korap, at bulag na pampolitikang
pag-uugali na kung saan ay hindi kailanman maaaring maging sa pampublikong
interes. (Sheehan, 1982)
Dagdag pa ni Ortega (2016), ang pangangamkam at pang-aagaw ng kanilang
karapatan sa kanilang mga lupa ay nangyayari sa dalawang pangunahing paraan.
(1.) sangkot ang mga may lupang burgesya, taga-usig o speculators, at mga
negosyante. Ang mga ito ay may kalakip na burukratikong kaalaman at konektado
sa mga grupo ng mga indibidwal na maimpluwensiya o may impluwensiya mula sa
gobyerno. Ang mga politiko-ekonomikong speculators na ito ay nakikisangkot sa
mga “technical land grabbing10” (2.) mga kapwa naabusong mga magsasaka o
katutubo na nagmula sa ibang mga lalawigan (migrants) na siyang nanghihimasok
sa kanilang mga lupain upang paglagakan sa matagal na panahon.
Ang mga pamumuhunan sa lupa ay may kalakip na pagpapalit-gamit nito.
Ayon kay Mothorpe et.al (2013), sa kanilang papel na The Impact of Interstate
Highways On Land Use Conversion, ang konstruksiyon ng mga interstate highway ang
nagtutulak sa pagkakaroon ng kombersiyon o pagpapalit-gamit ng mga lupang
10 Pagsasabing pagmamay-ari nila ang malalawak na parsela ng lupa sa pamamagitan ng mga titulo at iba pang ligal na batayan ng pagmamay-ari
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 20
agrikultural tungo sa mga panlungsod na gamit, sa kaso ng Georgia sa America.
(Mothorpe et.al, 2013)
Ang pagkawala o pagkaunti ng agrikultural na lupa ay hindi lamang
nakakahon sa estado ng Georgia, ngunit isang problemang laganap at nangyayari rin
sa iba pang bahagi ng America. Ito ay sa kadahilanang ang mga aktor na may sanhi
ng pagkaubos ng mga lupang agrikultural ay mainpluwensiya rin sa iba pang mga
lugar.
Ang pagkakaroon ng mga bagong interstate high way ay nagibibigay
kontribusyon o nag-aambag sa pagkakaroon ng pagpapalit-gamit ng lupa, dagdag pa
ni Mothorpe et.al. (2013) Sa mga pagkakataong ito, mas lalong sumisiklab ang
damdamin ng mga magsasaka na proteksiyunan ang kanilang mga lupang sakahan.
Sa lipunang Pilipino, nananatiling yumayaman ang mga mayayaman
at naghihirap ang mga mahihirap. Iilang pamilya lamang ang kumokontrol sa
yaman, rekurso, at kapangyarihan sa bansa, habang ang mayorya ay nanatiling
opresibo dahil sa kahirapan at kawalang kapangyarihan pati na rin ng kawalang
karapatan upang matamasa ang isang disenteng buhay.
Kung sa gayon, masasabing hindi makatarungan ang lipunang Pilipino. Sa
ganitong uri ng lipunan, nananaig ang isang walang katapusang problema, isang
siklo ng opresyon at tunggalian ng iba’t ibang panlipunang uri.
Ang kasaysayan ng pakikibaka ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan
sa lupa at kalayaan ay kasing tanda ng kasaysayan ng bansa. Ayon kay Manuel
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 21
Mondejar (1982), bago pa man ang kolonisasyon sa bansa, ang pakikibaka ng mga
magsasaka ay nakatuon laban sa pwersa ng kalikasan (forces of nature). Ito ang
dahilan kung bakit mas pinili nila ang kolektibong pagsisikap upang mabuhay
(Mondejar, 1982).
Sa pagdating ng mga mananakop na Kastila, ang mga komunal na lupa ng mga
magsasaka ay naging pribadong pagmamay-ari ng iilan. Ayon sa nabanggit ni
Guerrero A. (1970), ang uri ng lipunan na binuo sa higit sa tatlong siglo ng mga
Kastilo ay kolonyal at pyudal. Kolonyal at pyudal sapagkat kinamkam ang mga lupa
at ipinamigay sa iilang makakapangyarihan na mga Kastila sa pamamagitan ng
sistemang encomienda11. Dagdag pa ni Mondejar sa kanyang papel na The Filipino
Peasant Struggle towards Self-Reliance,
“Sa paglala ng paghihirap ng mga magsasaka, sa kamay ng isang
mananakop at sa isang pang mananakop pagkatapos, napagtanto ng
mga magsasaka ang pagkawalang-saysay ng indibidwal na pagkilos at
ang pangangailangan para sa mga pangmasang pagkilos. Karamihan
sa mga malawakang pagkilos ng mga magsasaka sa panahon ng
kolonisasyon ng mga Espanyol at Amerikano ay naging marahas.
Binubuo ang mga ito ng mga lokalisang pag-aalsa at mabagsik na
pagkilos na naglalayong makakuha ng mas mahusay na pang-
ekonomiyang pakikitungo at pagpapabuti sa kanilang buhay. Kapag
ang kanilang mga pag-aalsa ay pinigilan ng mga makapangyarihang
dayuhang mapang-abuso, ang mga magsasaka ay ay nagiging mulat sa
11 Ang sistemang encomienda ang umiiral na sistema sa relasyong magsasaka-panginoong maylupa. Sa sistemang ito ay pinamamahagian ang mga encomiendero ng lupain bilang gantimpala sa kanilang pagtatanggol, pagtuturo ng wikang Espanyol at Katolisismo sa mga nasasakupan nito. Kadalasa’y mga conquistador at pari ang inaatasan ng Hari ng Espanya na maging encomiendero hindi lamang sa Pilipinas kundi sa mga nasasakupan nito sa Latin Amerika.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 22
dalawang bagay: una, ang pangangailangan sa isang nagkakaisang
pambansang pagkilos, at ikalawa, ang relasyon sa pagitan ng kanilang
pang-ekonomiya at pampolitikal na pangangailangan. (As the
sufferings of the peasantry intensified, at the hands of one colonizer
after another, the peasants realized the futility of individual action and
the need for mass action. Most peasant mass actions during the era of
Spanish and American colonization were violent in nature. They
consisted of localized uprisings and bloody revolts aimed at getting a
better economic deal and improving the eay of life. When their revolts
were suppressed by powerful foreign oppressors, the peasants became
aware of two things: first, of the need for unified national action, and
second, of the relationship between their economic and political
demands.) (Mondejar, 1982) (akin ang salin sa Filipino)
Sa ganitong realisasyon nila mapagtatanto na dapat na nilang
patalsikin ang kanilang mga mapang-abusong kolonyal na panginoon. Sa
pagkakataong ito nila mas nanaising ipaglaban ang kanilang karapatan sa
lupang kanilang tinubuan.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 23
Kabanata 2
METODOLOHIYA
DISENYO NG PANANALIKSIK
Ang pananaliksik na ito ay alinsunod sa historical research design. Ang
disenyong ito ay tumutukoy sa paraan ng pagbibigay-kahulugan sa mga nakaraang
kaganapan upang mahinuha ang mga maaaring mangyari sa hinaharap. Layunin ng
disenyong pananaliksik na ito ang mangolekta, mapatunayan, at pagkonsolidahin
ang mga katibayan o evidence mula sa nakalipas upang makapagtatag ng mga
katotohanan o facts upang maging depensa o pabulaanan ang isang teorya.
Kwalitatibo ang dulog ng pananaliksik na ito, and dulog na gumagamit ng
mga sekundaryang batis at iba’t ibang mga primaryang dokumentaryong batis, gaya
ng, diaries, opisyal na mga tala, mga ulat, mga arkibo, at iba pang di-tekstuwal na
impormasyon (mapa, mga larawan, audio-visual records, atbp.). Sa pamamagitan ng
dulog o lapit na ito, mas mapapalalim ang pagkaunawa sa buhay ng mga magsasaka
at mas makakapagbigay ito ng konkretong mukha ng implikasyon ng espekulasyon
sa lupa mula mismo sa mga tagahimaton o informant ng pananaliksik.
Sa kabila nito, mapanghamon ang disenyong ito dahil kakailanganin nito ng
mahabang panahon sa pangangalap ng datos o impormasyon upang matapos ang
pananaliksik.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 24
INSTRUMENTO
Sa pangangalap ng datos, nagsilbing pangunahing batis ang pagsasagawa ng
pakikinig at pagtatala mula sa mga kwentong buhay o case study ng mga napiling
magsasaka mula sa dalawang grupo ng edad (age groups). Iikot ang malayang
talakayan sa mga temang nakapaloob din sa mga layunin ng pananaliksik: (1.) buhay
ng mga magsasaka bago pa man magkaroon ng espekulasyon sa kanilang mga lupa
(2.) mga pagbabagong hatid o implikasyon sa kanilang buhay ng espekulasyon sa
lupa (3.) papel ng mga nagdaang repormang agraryo sa isyung kinakaharap, at (4.)
paraan ng pagtugon sa mga pagbabagong hatid ng espekulasyon sa lupa sa kanilang
mga buhay.
Malayang talakayan man ang naging dulog ko bilang mananaliksik, mabuti pa
rin na bigyang-diin ang pagkakaroon ng semi-structured questionnaire. Ito ay upang
matiyak ang walang putol na daloy ng pagbabahagi ng mga kwentong buhay ng mga
magsasaka.
Nagsagawa rin ako ng isang photo elicitation o ang pagpapakita ng mga
larawan na maaaring magsalamin sa buhay ng mga magsasakang aking naging
katugon. Ito ay upang malaman ang kanilang sariling pananaw sa mga bagay na
ipinapakita sa mga larawan.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 25
PRESENTASYON NG MGA DATOS
IKALAWANG BAHAGI: PUNLA NG PAG-ASA
Punla ng Pag-asa
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 26
Kabanata 3
PRESENTASYON NG MGA DATOS
BUHAY SA LOOB NG BUKID AT BUHAY SA LABAS NG BAKOD
Ang bahaging ito ay tumatalakay sa mga kwentong buhay ng mga magsasaka
ng Hacienda Dolores sa Porac, Pampanga. Nilalaman din nito ang iba’t ibang istorya
ng apat na kabataan. Kalakip na rin sa kabanatang ito ang proseso at resulta ng
naging kwentuhan at talakayan ko bilang mananaliksik at ng apat na mga magsasaka
ng Hacienda Dolores. Ipinapakita rin sa kabanatang ito ang naisagawang photo
elicitation na may mga larawang maaaring magpaalala sa mga magsasaka ng ilan sa
mga naging buhay nila bago at pagtapos magkaroon ng bakod sa kanilang mga
bukid.
Masasalamin dito ang personal na pananaw ng mga magsasaka sa
espekulasyon sa lupa, karapatan sa lupa, at pakikibaka para rito. Bibigyang
kahulugan nito ang sariling pagtingin ng mga magsasaka sa kanilang buhay,
kahirapan, at kaunlaran.
Ang presentasyon ng datos na ito ay nahahati sa tatlong bahagi. Ang una ay
ang kuwento ng buhay ng apat na kabataan ng Hacienda Dolores na ang mga
magulang ay nakaranas ng mga epekto ng espekulasyon sa lupa. Ang ikalawang
bahagi ay ang mga naratibong batay sa personal na salaysay ng limang residente’t
magsasaka ng Hacienda Dolores na tumatalakay sa kanilang mga kuwentong buhay.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 27
Ang ikatlong bahagi naman ay ang pagbibigay kahulugan ng limang residente’t
magsasaka sa mga ipinakitang larawan bilang parte ng proseso ng photo elicitation.
Unang Bahagi:
BATA, BATA, NAKIKIBAKA?
Ang bahaging ito ay naglalaman ng ilang impormasyon patungkol sa buhay
ng apat na mga anak ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores na nakaranas ng mga
epekto ng pagkakaroon ng espekulasyon sa kanilang mga lupa. Ang apat na
kabataan ay sina Marvin at Merry Ann na parehong 27 taong gulang, at sina Neslly
at Clarence, na pareho rin ng edad na 13 taon. Ang mga batang wala pang 18 taon
ay pinayagan ng mga magulang o guardian na aming kapanayamin ngunit sa oral na
kasunduan lamang.
Si Marvin at ang Ibayong Nayon
Si Marvin ay isang residente ng Hacienda Dolores. Siya ay 27 anyos at ang
pangunahing ikinabubuhay ay ang pagsasaka kasama ng kanyang amang si Elmer
Santos na siya namang pangulo ng AMGL Pampanga o Alyansa ng mga Magbubukid
sa Gitnang Luzon - Pampanga. Ang kanyang ina naman niyang si Amelia Franco ay
dating nagtitinda sa palengke ng mga inaaning gulay at prutas sa kanilang bukirin
pero ngayon nasa bahay lang siya. Siya nag pangalawang bunso sa kanilang apat na
magkakapatid. Siya rin ang nag-iisang lalaki sa kanilang mga magkakapatid. Ang
panganay sa kanilang magkakapatid si Marisol Franco Pineda, 31 anyos at
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 28
nagtitinda ng inaning gulay ng kanyang asawa. Sumunod naman ay si Mary Grace
Franco, 29 anyos na nasa Dubai at nagtatrabaho sa isang mall bilang kahera. Ang
bunso naman ay si Michelle Franco, 26 na siyang tagapamahal ng kanilang tindahan
sa may bundok dahil simula nang pumasok ang Triple L o Leonardo-Lachenal-
Leonio Holdings sa kanilang lugar ay tanging si Michelle na lang ang nakakapasok
sa bundok. Lahat sila ay hanggang hayskul lamang ang tinapos. Kasama niya sa
bahay ang kanyang ina at ama pati na rin ang kanyang pamangkin na anak ni
Michelle na si Bianca Mae Franco.
Sa kanyang pag-aaral, naranasan ni Marvin na tumigil pansamantala sa pag-
aaral ang 2-3 taon noong siya ay nasa ikalawang taon na sa hayskul upang
makatulong sa kanyang ama sa pagsasaka. Ngunit naisipan rin niyang bumalik dahil
napagtanto niya na iba pa rin ang nakatapos kaysa hindi. At ayon rin sa kanya, hilig
niya talaga ang pag-aaral. Malapit lang ang eskwelahan sa kanilang bahay sa
kanyang pinapasukang eskwelahan na Pulong Santol Annex 1 at gumagastos lamang
ng 32 pesos para sa buong araw na pamasahe. Maliban dito, siya rin ay pumasok sa
isang Japanese training center sa lungsod ng Maynila upang matuto ng Nihonggo
dahil ninais din niyang mangibang bansa para mas makatulong sa pamilya. Ngunit
hindi siya natuloy noong Pebrero dahil tumutol ang kanyang pamilya nang mapag-
alaman na hindi farming ang gagawin niya sa Japan kundi konstruksyon. Nagpunta
rin siya sa Quezon Province upang magsanay ng agrikultura sa ilalim ng programang
KAES dahil ayon din sa kanya ay talagang hilig niya ang pagsasaka. Siya ay nag-
aararo at nagtatanim ng sari-saring gulay tulad ng gabi, luya, at saging. Pag-aari ng
kanilang pamilya ang lupang kanilang sinasaka. Tuwing wala siyang ginagawa lalo
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 29
na pag bakasyon ay halos sa bukid na siya lagi natutulog. Walong taong gulang pa
lamang siya ay tumutulong na siya sa kanyang ama sa sakahan. Siya ang tumutulong
sa pag-aasikaso ng mga kalabaw nila. Hindi siya sinasahuran ng kanyang pamilya
pero naranasan na daw niyang makipagtanim sa lupa ng ibang magsasaka. Siya ay
nakikipag-arawan, nakikipagtanim ng tubo, at nag-aabono ng tubo. Kumikita siya
ng 150 pesos sa isang araw tuwing nakikipagtanim siya. Ang kinikita niya mula rito
ay hinahati niya kung minsan para makatulong sa gastusin pero minsan ay sa kanya
lang ang sweldo niya. Dati ay nakakaipon siya noong wala pa nag Triple L dahil
marami silang tanim at naaaning prutas. Naranasan na rin niyang magtrabaho ng
liban sa pagsasaka at sabi niya ay kahit ano yatang trabaho ay nasubukan niya na
pero hindi pa niya nasusubukang magtrabaho sa ibang bayan ng matagal. Naging
mahirap para sa kanya ang mag-aral at magtrabaho ng sabay.
Ayon kay Marvin, wala pang organisasyon sa kanilang lugar na nakasentro
sa mga kabataan ngunit siya ay miyembro ng AMRHD sa Hacienda Dolores simula
nang ito ay maitatag noong 2011. Kapag may pagpupulong ang AMRHD ay
sumasama siya sa kanyang ama. Nasubukan niya nang bomoto sa SK pero hindi siya
tumakbo sa ilalim nito. Hindi pa siya nakakasali sa mobilisasyon at rally sapagkat
siya ang nakatokang mag-alaga ng mga kalabaw nila pero kung magkakaroon siya
ng pagkakataong makasama rito ay pipiliin niyang makilahok upang maiparating
ang maling patakarang ginagawa ng malalking kompanya at ng gobyerno. Para sa
kanya maganda ang layunin at gawain ng AMGL dahil ipaparating ang karaingan ng
mga magsasaka sa pamamagitan ng pagrarally. Ang iba raw kasi ay hindi
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 30
naiintindihan at sinasabing pag nagbunga ng organisasyon ay sinsabi kaagad nilang
mga NPA.
Simple lang ang pamumuhay nila pero mas maganda sana ang buhay nila
kung nakakapasok sila sa lupain nila at nabubungkal ito. Pinangarap niyang
makapag-abroad pero pagsasaka pa rin ang magiging linya ng trabaho. Sa pagsasaka
basta may lupa kang sinsasaka at malaya ka nasa sayo ang ikauunlad mo dahil wala
kang boss at ikaw ang boss. Pag maraming tanim ay marami ring ani. Mas malaki
ang tsansang bumuti ang buhay nila kung ang mga uupong opisyal ng gobyerno ay
talagang bibigyang pansin ang mga magsasaka.
Nais niyang sabihin kay Duterte na dapat talagang tutukan ang mga
magsasaka dahil sila ang nagpo-produce ng pagkain at dapat rin sila ang binigyan ng
pensyon dahil kapag matanda na sila ay hindi na sila makakapagtrabaho. Hindi
tuwid ang daan na hinain ni Noynoy kundi baluktot. “Baluktot na nga lalo pang
binabaluktot”.
Para sa kanya, nararapat at kailangang magkiisa ng mga kabataan sa mga
ipinaglalaban ng mga magsasaka at huwag gawing masama ang mga taong iginigiit
ang kanilang mga karapatan at huwag sabihing mga NPA ang mga ito. Sa ngayon,
hindi pa kayang makabuo ng isang organisasyong pangkabataan na makakatulong
ng mga magsasaka dahil ang iba sa kanila ay sa mga kalaban mismo
nakikipagtrabaho.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 31
Ang Matamis na Pangarap ni Neslly
Si Neslly Angeles, 13, ay isang estudyante ng Pulung Santol High School
Annex I. Siya ay nakatira sa Haciienda Dolores sa Porac, Pampanga. Siya ay ang
bunsong anak ng magsasaka na si Anthony Angeles ngunit kasalukuyang
nagtatrabaho sa pagawaan ng hollow blocks. Ang kanyang ina ay nasa bahay
lamang. Siya ay may tatlong kapatid na sina Arvie, Patricia, at Uterry Ann. Si Arvie,
19, ay nakatapos ng ikaapat na taon sa hayskul, hindi na siya nag-aral dahil ayon sa
kanya ay wala siyang alam na kursong maaaring kunin. Si Patricia naman, 17, ay
kasalukuyang nasa ikalawang taon ng Development Communication sa PSAU. Si
Uterry Ann, 16, kasalukuyang nasa ikalabing isang baitang sa Pulung Santol High
School Annex I.
Si Neslly ay na nasa ikawalong baitang. Siya ay naglalakad mula sa bahay
hanggang sa Purok 5 at doon sasakay ng traysikel, trese pesos ang pamasahe. Kapag
mabilis lumakad, inaabot ng 20 minuto ang kanyang byahe mula bahay hanggang sa
paaralan. Si Neslly ay hindi madalas lumiban sa klase kung kaya’t siya ay nasa A
Section. Siya rin ay kasali sa mga pang-akademikong organisasyon tulad ng Science
Club, APan Club, Supreme Student Government, at English Club. Siya ay aktibong
kasapi ng mga ito.
Ang kanyang pamilya ay may sariling lupa na tinitirikan ng kanilang bahay.
Sila rin ay may fishpond at sariling bukid. Ang kanilang bukid ay kasama sa mga
binakuran ng Triple L. Sa kasalukuyan, ang kanyang ama ay kasama sa isang
organisayon ng mga magsasaka sa Hacienda Dolores, ang Aniban.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 32
Si Neslly ay nakalahok na rin sa mga pagkilos tulad ng mga rally at
demonstrasyon. Nasa ikalimang baitang pa lamang siya noon noong sumama siya sa
kanyang ina at sa iba pang magsasaka upang magkilos-protesta. Ito ay kaakibat ng
pagkamatay ng isang magsasaka na si Arman Padino na nabaril ng isang sekyu ng
Triple L noong 2014. Positibo naman ang kanyang naging pagtanggap sa mga
mobilisasyon sapagkat para sa kanya tama naman ang kanilang ginagawa at
ipinaglalaban lang nila ang kanilang karapatan. At handa naman siyang sumapi sa
mga organisasyon na ang adbokasiya ay para sa mga magsasaka.
Sa kanyang pagtingin, sila ay hindi naman mahirap dahil nakakaraos pa rin
naman sila kahit papaano. Sa kanyang paglaki, gusto niyang maging isang pastry
chef at hindi na niya nanaising maging isang magsasaka. Ayon sa kanya, mahirap
ang maging isang magsasaka kung kaya’t gusto na niyang makaahon mula rito.
Naniniwala siya na aangat pa ang kalagayan ng kanilang kabuhayan. Hindi man niya
naisin na magtrabaho sa ibang bayan o sa Maynila, gusto naman niyang
makapangibambansa upang makatulong sa pamilya.
Si Merry Ann sa kanyang Last Resort
Si Merry Ann Santiago, 27 anyos ay isang residente ng Hacienda Dolores. Siya
ay anak ng isang dating magsasaka sa lugar na kinalauna’y nagdesisyon na ring
mangibang bansa dahil sa pagkawala ng kanilang lupang sinasaka. Siya ang
panganay na anak sa kanilang tatlong magkakapatid. Ang sumunod sa kanya ay si
Ryan Santiago, 25 anyos na nakapagtapos ng kursong Computer Engineering. Si
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 33
Ryan ay nagtatrabaho ngayon sa sales and logistics ng Enigma Technologies Inc. Ang
pangatlo at bunso naman ay si Marry Grace Santiago, 16 anyos, kasalukuyang nag-
aaral at nasa ika-11 na baiting na. Si Marry Grace naman ay nais kumuha ng kursong
Tourism pag siya ay tumuntong na ng kolehiyo. Bukod sa kanilang mag-anak ay
kasama rin nila sa kanilang bahay ang kanyang hipag na si Darlene Santiago, asawa
ni Ryan.
Si Merry Ann ay nakapagtapos ng elementarya at hayskul. Ngunit siya ay
tumigil sa pag-aaral matapos siyang maghayskul. Walong taon siyang huminto sa
pag-aaral at ipinagpaliban muna ang pagkokolehiyo at mas pinili niyang
magtrabaho muna dahil iba iba pa ang trabaho ng kanyang ama dati. Minsan sa
bukid nagtatrabaho at minsan naman sa siyudad. Natigil siya sa pagtatrabaho noong
magtrabaho na sa Guam ang kanyang ama at nakakapagpadala na ng perang
panggastos nila. Noong siya ay nag-aaral pa sa Angeles, sila ay tumira rin ng isang
taon sa Angeles dahil naging caretaker ng bahay ang kanyang magulang pero dahil
pinaupa na rin ng may-ari yung bahay sa ibang tao ay kinailangan na rin nilang
umalis at bumalik ng Hacienda Dolores. Si Merry ay namamasahe ng P100 (balikan)
kung walang deretsong mula at papuntang Hacienda at P60 (balikan) naman pag
meron. Nakapagtapos siya ng kursong Business Administration sa AMA Computer
University.
Marunong sa bukid ang magkakapatid dahil ang kanilang lupang
binubungkal ay malapit lang sa kanilang tirahan at pwedeng lakarin. Tumutulong
sila sa kanilang tatay sa pagsasaka. Nasa anim na baitang pa lamang sila ay
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 34
namimitas na sila ng bunga. Kapag hindi ang tatay nila ang kasamang magbukid, ang
nanay nila ang kanilang kasama ng kanyang lalaking kapatid. Hindi na naranasan ni
Marry Grace ang magbukid. Madalas nilang pitasin ang bunga ng bayabas kasama
ang kanilang nanay para may pantawid sila pang araw-araw. Dahil bata pa sila
maliliit na kaing lang ang kanilang hinahawakan. Pero nung lumaki na sila, may mga
sasakyan na at doon sinasakay ang mga ani nila. Tray-tray na ang mga ani nilang
manga at iba pang prutas mula sa lupa ng kanilang ama kaya kailangan na ng
sasakyan. Ang kanilang lupa ay pinaghahatian ng kanilang ama at ng mga kapatid
nito. Siyam silang nakikinabang at nagbubungkal ng lupa kaya masasabing Malaki
ito. Tuwing bakasyon sila kadalasang tumutulong sa bukid dahil hangga’t maaari
ayaw ng kanilang ama na magtrabaho ang mga babae sa bukid pero kapag talagang
walang-wala, sinasama na rin sila ng nany niya sa bukid. Pero sa pangkabuuan,
madalang lang kung pumunta sila sa bukid at ayon nga kay Merry Ann, kung hindi
lang magrereunion ang kanyang ama at mga kapatid nito ay hindi rin siya tatapak
sa bukid. Bukod pa sa mga prutas, mayroon din silang lupang mas malapit kung saan
palay naman ang nakatanim. Doon niya pinapasyal at inilalakad ang kanyang
pamangkin pero hindi na sila lumalagpas ng Balukbuk kasi daw baka mabaril na sila.
Ngayong hindi na sila makapasok sa bukid nila, sa bakuran ng bahay na lamang sila
nagtatanim ng mga gulay at prutas.
Bata pa lang siya ay natuto na siyang sumakay sa gareta ng kalabaw.
Pagkapangank pa lang niya ay nagpupunta na sila sa bukid. Dati hindi pa niya
napagtatanto ang kahalagahan ng kanilang lupa pero noong tumanda na siya, saka
niya naisip na sana ay nakapagpatayo na siya ng resort doon sa lupa at pamilya o
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 35
angkan nila ang may ari. Para sa kanya, hindi dapat sila naghihirap ngayon dahil ang
lupa ay mahalaga para sa tao lalo na dahil ito ay nagmamahal. Pero huli na nang
maisip niya to sapagkat ito ay nabakuran nan g Triple L.
Si Merry Ann ay nagworking student noong siya ay nasa unang taon sa
kolehiyo dahil ayaw niyang humingi ng pera sa kanyang ama na nasa Guam. Pero
dahil nagkasakit siya, pinatigil na rin siya sa pagtatrabaho at nag-aral na lang muna.
Sa loob ng dalawang taon siya ay dumepende sa kanyang mga magulang kaya
ngayong nakapagtapos na siya at may trabaho na, sinisigurado niya na karamihan
sa kanyang sahod ay mapupunta sa kanyang pamilya lalo na ngayong hindi pa
bumabalik ng Guam ang kanyang ama. At doon sa natitira sa kanyang pera ay
makakaipon pa siya dahil hindi naman na niya kailangang bumili pa ng ibang gamit
para sa sarili sapagkat meron na siya ng mga ito kaya nakakapagtipid din siya.
Nagtatrabaho si Merry sa AMA kung saan rin siya nagtapos ng kolehiyo
bilang isang Admission Specialist. Bukod pa rito nakapagtrabaho rin siya dati sa
Universal Robina Coroporation sa San Fernando, Pampanga kung saan tuwing
katapusan ng buwan lang siya nakakauwi sa kanila dahil nagdodorm pa siya noon.
Pangarap niya para sa kanilang lahat na magkakapatid na maging degree holder
dahil ang kanyang kapatid na lalaki ay associate graduate lamang. Noong umalis ang
kanilang ama papuntang Guam ay sabay silang nag-aral ni Ryan pero dahil nagging
alanganin at nagkaanak na si Ryan, mas piniling pagtuunan na lang ng pansin ang
bata at si Merry Ann muna ang nakapag-aral ng apat na taon. Nais din niyang mag-
aral ng methods of teaching pero hindi pa nakakaalis ang kanyang ama kaya hindi
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 36
siya nakahabol. Mag-iipon na lamang siya para sa susunod na taon may pambayad
na siya ng tuition para rito. Bago siya natigil sa pagtatrabaho, naging mahirap para
sa kanyang pagsabayin ito at ang kanyang pag-aaral. Sapagkat mali ang napili niyang
store o branch, mall hours ang sinusunod niyang oras ng pagtatrabaho at hindi ito
tumugma sa kanyang oras sa unibersidad kaya naman madalas siyang mapagalitan
ng kanyang propesor dahil madalas siyang mahuli sa klase.
Dahil apektado ang lupa nila sa isyung kinakaharap ng Hacienda Dolores, ang
pamilya nila ay naging aktibo rin sa mga organisasyon na naglalayong ipaglaban ito.
Naiimbitahan siya na magsalita sa harap ng publiko pero ng magdesisyong
mangibang bansa ang kanyang ama, naging mainit sa mata ng mga taong may
masamang balak ang ama niya kaya naman nasabihan siya na mag-lielow muna sa
mga gawaing tulad nito. Kahit na gusto niyang gawin ay hindi rin niya maituloy dahil
na rin sa takot ng kanyang mga magulang na may mangyaring masama sa kanya.
Marahil ito ay bunga ng nangyaring pagpatay sa kamag-anak nilang konsehal na
nagtatanggol sa lupa at pati na rin sa kapitan ng barangay nila na nakakulong
hanggang ngayon. Ito ay sa ilalim pa ng samahan ng ANIBAN at sa loob ng tatlong
taon ay nagging aktibo siya dito habnag nasa Guam pa ang kanyang ama. Pero dahil
sa nangyaring pagpatay, natakot din ang mag-anak kaya napagdesisyunang huwag
munang masyadong sumama sa mga ganitong pagkilos. Ang ANIBAN na
kinabibilangan din ng kanyang ama ay isa sa mga grupong nagtatanggol sa lupa sa
Hacienda Dolores. Bukod pa sa takot ay nagkaroon din ng karamdan ang kanyang
ina sa matres. Ang kanyang ina ay ang siyang lagi niyang nakakasama sa mga
ganitong aktibidad pero dahil nga sa karamdaman nito ay naging madalang din ang
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 37
pagsama nila. Hindi maaaring magpapagod at maglakad ng maglalakad dahil baka
duguin ito. Sa kanyang pagliban sa mga ganitong uri ng aktibidad, nagawa niyang
pagtuunan na lamang muna ng pansin ang kanyang edukasyon. At tamang-tama
naman sa pagdating ng kanyang ama ay natanggap kaagad siya sa trabaho. Isang
linggo pa lang mula ng siya ay maka-graduate, nakahanap na kaagad siya ng trabaho
at ito nga ay bilang Admission Specialist sa AMA.
Si Merry Ann ay makailang beses na ring nakaboto sa Sangguniang Kabataan
at may pagkakataon rin na naanyayahan siyang humabol o tumakbo. Dahil sa
kanyang persinalidad, madalas siyang masabihan na pag humabol siya, maraming
boboto sa kanya ngunit dahil umiiwas siya sa mga politician, hindi siya tumatakbo.
Naniniwala rin siya na may kabulukan sa Sistema at nakikita niya ito sa ibang
kaibigan niyang ito ang tinahak na landas. Kahit na hindi sila ganung klaseng tao
dati, sa pag pasok nila sa sistema ay napipilitan silang sumunod na lang, wala ng
magawa at tuluyang kinain ng sistema. Aktibo rin dati sa mga demonstrasyon at
mobilisasyon si Merry Ann. Ang unang nag-aya sa kanya ay ang kanyang ina.
Naniniwala rin siyang nasa tama ito kaya handa siyang sumama rito. Sa ngayon, may
pag-aalinlangan pa siya sa pamumuno ni Duterte sapagkat malapit ito di lang sa mga
Marcos kundi pati na rin sa mga Villar at sa dating pangulong Gloria Macapagal
Arroyo. Nag-aalala siya sa pagiging real estate owner ni Villar. Ang kanyang
pangamba ay ang pagkakaroon ng bagong mga expressway na magiging dahilan ng
pagkawala at pagkaaagaw ng lupa ng mga magsasaka.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 38
Para sa kanya ay hindi naman sila mahirap lalo na kung nakakapagsaka pa
ang tatay niya dahil malaki ang ani sa kanilang bukid. Nasa middle class sila kung
saka-sakali. Nanaisin din niyang ituloy ang pagsasaka pero lalagyan ito ng konting
twist kung saan magtatayo siya ng ibang negosyo na may kaugnayan din sa lupa.
Kung maisasaayos ang kakulangan ng trabaho dito sa Pilipinas, nakikita niyang
maaaring maiahon sa hirap ang kanilang buhay. At dahil nga sa kakulangan ng
trabaho dito sa Pilipinas gusto rin ni Merry Ann na mangibang bansa sa lalong
madaling panahon at magpunta sa US sapagkat doon ay mas mabilis kumita ng pera.
Si Clarence: Ayaw nang Magsaka
Si Clarence T. Camba, 13-anyos ay isang residente ng Hacienda Dolores. SIya
ay apo ni Nanay Agring na aktibo rin sa mga pagkilos kasama ang AMGL at AMRHD.
Ang kanyang ama ay isang tricycle driver at ang kanyang ina naman ay isang
housewife. Si Clarence ang pangalawa sa kanilang apat na magkakapatid. Ang
panganay sa kanilang magkakapatid ay si Camille, 15 anyos at nasa ika-10 baitang
na. Sumunod naman kay Clarence si Yonathan, 2-anyos at ang bunso na si Yassy
Rotem ay kapapanganak pa lang at wala pang isang buwan. Pito silang nakatira sa
kanilang bahay at sa kasalukuyan ay ang tatay lang niya ang naghahanapbuhay.
Nasa ika-8 baitang na si Clarence at ni minsan ay hindi niya pa nararanasang
tumigil sa pag-aaral. Siya ay nag-aaral ng hayskul sa Porac. Jeep ang kanyang
sinasakyan pagpasok sa eskwelahan at pag-uwi sa bahay. Ang kanyang ginagastos
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 39
sa pamasahe para sa buong araw ay P14. Hindi rin madalas lumiban sa klase si
Clarence at lumiliban lang ito kapag may sakit siya.
Sa kabila ng pagiging magsasaka nila Nay Agring at ng asawa nito, ang
kanilang mga anak at apo ay hindi na nagsasaka kaya naman hindi pa rin
nararanasan ni Clarence na makapagtrabaho sa bukid. Wala pang sinsalihang
organisasyon si Clarence kahit na yung mga organisasyon sa paaralan. Hindi pa rin
nakakasama sa mga demonstrasyon at rally si Clarence pero ayos lang sa kanyang
sumama sa mga ito kung sakaling siya ay isama ng kanyang lola Agring. Ngunit kahit
na handa siyang sumama rito, hindi pa rin maliwanag sa kanya kung ano ang
ipinaglalaban ng AMRHD at kung ano talaga ang isyu nila sa lupa. Para sa kanya ay
mahirap sila kasi isa lang ang nagtatrabaho sa kanila. Pangarap niyang maging
engineer upang matulungan niya ang kanyang pamilya. Ayos lang din sa kanyang
magtrabaho sa Angeles o sa Maynila. Nais niya ring makapagtrabaho sa ibang bansa
upang mapag-aral niya ang kanyang mga kapatid. Hindi niya ninanais na magsaka
dahil para sa kanya ito ay isang napakahirap na trabaho at alam niyang mabigat ang
trabaho sa bukid.
Ikalawang Bahagi:
BINAKURANG BUHAY
Ang bahaging ito ay tumatalakay naman sa personal na pananaw ng limang
magsasaka ng Hacienda Dolores sa kanilang mga sariling buhay. Ang mga
magsasakang katugon ay mga kasapi ng isang lokal na organisasyon na Alyansa ng
mga Magbubukid at Residente ng Hacienda Dolores o AMRHD. Ang nasabing
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 40
organisasyon ay nakikibaka laban sa mga pangangamkam ng lupa na dulot na rin ng
mga naging espekulasyon sa barangay ng Hacienda Dolores.
Si Ka Bonjing: Ahente ng Pagkakaisa
Lagpas tanghali na noong ako’y dumating sa bahay ni Ka Bonjing ngunit wala
siya rito. Ang sabi ng kanyang kapitbahay na aking nakausap ay baka raw nasa
likodbahay lamang ito kung kaya’t umikot ako papunta sa sinasabing lugar kung
saan maaari ko siyang makita. Doon ko napansin ang kanyang asawa at ang sabi nito
ay nasa bahay ng kanyang anak si Ka Bonjing dahil nagbabantay ng ginagawang
bahay.
Inabutan ko si Ka Bonjing na kausap ang mga karpintero. Sabi niya ay kumain
daw muna ako ng meryenda sapagkat hindi niya pa ako kaagad maaasikaso. Noong
una ay nahiya pa akong tanggapin ang baso ng softdrinks na iniabot sa akin ng
kanyang anak. “Sige huwag ka nang mahiya, kumuha ka na rin ng biskwit,” ang sabi
sa akin ni Ka Bonjing kung kaya’t pinaunlakan ko na siya. Napagtanto ko na si Ka
Bonjing ay isang ama na malapit sa kanyang pamilya. Mukhang mahal na mahal niya
ang kanyang mga anak dahil sa pakikitungo niya sa mga ito.
Pagkatapos kong kumain ng meryenda ay dinala ako ni Ka Bonjing sa
kanilang sariling bahay. At sa likodbahay kami dumaan. Napansin ko na ang pinto
sa likodbahay ay katapat lang pala ng bahay na pinapagawa ng kanyang anak.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 41
Pumuwesto kami sa may terasa ng kanyang bahay at doon na ako nagsimulang
kapanayamin siya.
“Ako po si Mario Santiago, ipinanganak dito sa Hacienda Dolores noong
Disyembre 7, 1956. Isang magsasaka”, ang kanyang naging sagot sa aking unang
tanong. Ayon din sa kanya, ang kanyang mga magulang ay ipinanganak at lumaki rin
sa Hacienda Dolores.
Ipinakwento ko naman sa kanya ang mga karanasan niya noong siya ay bata
pa. “Yung mga magsasaka rito, maganda yung kabuhayan ng mga magsasaka dahil
sa lupa naming sinasaka noong bata pa kami.” Tahimik ang kanilang naging buhay
sa kabundukan noon. “Kahit doon sa bukid mismo, kahit matulog ka roon mismo sa
kabundukan, walang mag-aano [gagawa ng masama] sa’yo roon,” dagdag pa niya.
Ngunit ayon din sa kanya, nag-iba ang kanilang kabuhayan noong matapos
na ang isang proyekto ng gobyerno. “Eh noong nagawa ‘yang SCTEX na ‘yan akala
namin maganda ‘yan para sa mga magsasaka dahil tinamaan yung ibang lupang
binubungkal ng mga magsasaka. Binayaran noong nagka-project si Arroyo.” Ang
SCTEX o ang Subic-Clark-Tarlac-Expressway ay napasinayaan noong
administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Kaya pala yung SCTEX na ‘yan noon, akala namin, maganda iyan para sa
aming mga magsasaka. Sabi nila papakinabangan din namin yung daan na gagawin
nila,” ani ni Ka Bonjing. Sa pagkakaroon ng SCTEX na sumasagasa sa kanilang mga
palayan, nag-umpisa na ang kanilang mga bangungot.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 42
Akala ng mga magsasaka ng Hacienda Dolores ay para sa kanila ang
proyektong kalsada ng gobyerno. “Eh noong natapos na yung SCTEX, doon na nag-
umpisang mamroblema yung mga magsasaka…” dagdag ni Ka Bonjing.
“Ngayon pala kami mamorblema sa bukid naming sinasaka at binubungkal.
Kinakamkam na pala yung lupa namin komo alam na nila yung iba naming lupang
binubungkal ay walang titulo.” Ang ilan sa mga lupang nadaanan ng SCTEX ay
walang sariling titulo pati na rin ang mga karatig lupa nito.
Ayon kay Ka Bonjing, nang pumutok ang bulkang Pinatubo ay nawalan ng
mga titulo ang mga magsasaka dahil sa halos walang naisalbang kagamitan at
nasirang kabahayan. “Noong naging presidente si Erap, doon kami nagsimulang
nagkaroon ng titulo. Pinasukat ang mga bukirin at nagpatitulo, in-award sa mga
magsasaka. Binayaran sa Landbank. TCT yung titulo namin.” Ang TCT o Transfer
Certificate of Title ayon sa DAR12 ay ang titulong iginagawad sa may-ari kapag ang
pagmamay-ari ng lupa ay nailipat mula sa naunang mnagmamay-ari papunta sa
ibang indibidwal. Tinatawag din itong Deed of Sale o Deed of Absolute Sale.
Ang ilang magsasaka naman ay may hawak na CLOA o Certificate of Land
Ownership Award bilang patunay na sila ay agrarian reform beneficiaries ng
CARPER o Comprehensive Agrarian Reform Program with Extensions and Reforms.
Nabanggit din ni Ka Bonjing sa aming pag-uusap na ang ilang mga lupang
malapit sa naipagawang SCTEX ay inaangkin diumano ng Ayala Corporation sa
12 DAR ‘s FAQs on LAND OWNERSHIP, Department of Agrarian Reform, Dilima, Quezon City
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 43
pamamagitan ng isang lokal na kompanya. “Eh ngayon ayaw kaming tantanan ng
mga Ayala, hayan inaangkin na naman yung lupa namin. Kahit may papel o walang
papel sinasakop pa rin nila.”
Dahil sa pangangamkam na ginagawa ng mga naglalaking kompanya, “yung
ibang mga magsasaka sa amin niyayaya namin para magkaisa,” ang naging isa sa
mga tugon ni Ka Bonjing at mga kapwa magsasaka nito.
“Eh ngayon kaming mga opisyal, kami na lang ngayon yung naghihirap para
kumbinsihin yung iba naming mga kasama na lumaban” dagdag pa niya. Dito ko
nalaman na si Ka Bonjing pala ang tumatayong ikalawang pinuno ng AMRHD o
Alyansa ng mga Magbubukid at Residente ng Hacienda Dolores.
Gusto kong malaman kung bakit patuloy pa rin niyang kinukumbinsi ang mga
kapwa magsasaka na ipaglaban ang sariling lupa kahit matagal nang walang usad
ang kanilang kaso at kahit na nahihirapan na siya. Ngunit bago ko itanong ito ay
nakapagbigay na siya ng sagot. “Narinig namin kay direkor Paeng Mariano
(kasalukuyang kalihim ng Kagawaran sa Repormang Agraryo) na ang tanging
solusyon lamang upang mabawi ang mga lupang naagaw ay ang pagkakaisa.”
Aking tinanong kung bakit siya nahihirapan na pagkaisahin ang mga
magsasaka sa kanilang lugar at ang kanyang naging tugon ay “Nahihirapan kami
rito komo yung iba ayaw nilang makiisa sa amin dahil takot na raw…” Naisip ko agad
ang naikwento sa aking karahasan ng isa pa sa mga residente ng Hacienda Dolores
at baka ito ang sanhi ng takot ng mga magsasaka. “Takot na raw sa pakikiisa, sa
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 44
pakikibaka, kasi noong nagkakaisa kami, yung iba binabaril, hina-harass, kinukulong
kung ano-ano yung nangyari sa aming mga kasamahang magsasaka,” kompirma ni
Ka Bonjing sa aking hinuha.
“Talagang hirap na hirap na kami. Yung iba na hindi pa nila alam na yung iba
ay nawawalan ng trabaho, nawawalan ng lupang binubungkal, ayaw pa rin nilang
makiisa. Kaya kami, patuloy pa rin yung kahit papaano, di kami aatras hanggang sa
kamatayan. Kung anoman mangyari, kung anoman maging desisyon ng nasa DAR o
kung anomang ahensiya para lang maabsuwelto yung lupa sa amin.”
Marami pa akong gustong itanong kay Ka Bonjing ngunit bigla siyang nagsabi
ng, “Hanggang diyan na lang yung ano ko kasi kung minsan, baka mapai-ano
(maipadala sa ibang ahensiya) niyo pa yan, kami pa yung siguradong pag-iinitan.”
Bago ko naman siya kapanayamin ay nagsabi ako na ang lahat ng mga babanggitin
niya sa aming isasagawang interview ay para lamang sa pang-akademikong
tungkulin, at nais ipaabot sa mga taong handang tumulong sa mga magsasaka nang
tunay. “Hanggang diyan na lang. Para matapos na yung ano ko,” dagdag pa niya.
“Para hindi ko na mai-ano dun sa mga pamilya ko.”
Nabigla ako sa mga sinabi ni Ka Bonjing ngunit doon ko rin napagtanto na sadyang
mahal niya lamang ang kanyang pamilya. Natatakot siya sa mga maaaring mangyari
sa pamilya niya kung malaman ng mga kaaway nila na isa siya sa mga nakikibaka.
“Ayan tulad niyan sa ano, yung misis ko na-mild stroke na. Minsan pinag-iisip na ako
ng misis ko. Nag-iba na ugali ng misis ko ngayon.”
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 45
“Kaya kung minsan, sinasabi ng misis ko “tigilan mo na yan.” Eh komo may
sarili akong paninindigan at may prinsipyo ako, sinusunod ko talaga yung binigay sa
aking tungkulin.” Masakit isipin pero totoo na maaaring maging isa sa mga balakid
sa pakikibaka ang sariling pamilya. Mahirap ito para kay Ka Bonjing na isang
prinsipyadong magsasakang nakikibaka para sa sariling lupa.
Dahil nabanggit niya ang kanyang asawa, naisip ko na pagkakataon ko na ito
upang ilihis ang aming usapan at pagaangin ang kanyang pakiramdam. Bahagi ng
aking pananaliksik ang alamin ang personal na buhay ng mga magsasaka ng
Hacienda Dolores kung kaya’t aking inusig kung paano nakilala ni Ka Bonjing ang
kanyang asawa. “Taga Mabalacat si misis,” agad naman niyang tugon.
Sa mga sumunod na pangungusap na kanyang sinasambit ay nakikita ko na
medyo natatawa na siya at gumagaan na ang kanyang kalooban sa aking panayam.
“May pinsan siya rito sa Hacienda Dolores, sa Purok Siyete, eh noong nakita ko,
niligawan ko.” Buong pagmamalaki ni Ka Bonjing. “Love at first sight po ba?” biro ko
naman. “Noong nagtatrabaho siya, dalaga siya noon. Nagtatrabaho siya sa Manila.
Doon sa pinsan niya doon. Kunwari papasyal-pasyal lang siya rito.” dagdag pa niya.
“Sa sulat lang kami nag-usap noong pumunta siyang Manila. Sixteen years old
pa lang kami noon. Eh noon dumating siya rito, tinanan ko na., s eventeen lang ako
noon.”
Tinanong ko naman kung ano-ano yung mga pagsubok na pinagdaanan
nilang mag-asawa. “Yung pagsubok na nangyari sa amin noon. Noong primero , halos
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 46
wala kaming hanapbuhay,” ani niya. “Halos nangungutang lang kami noon. Walang
suporta mula sa magulang kasi marami kaming magkakapatid eh.” Ito ang isa sa mga
kadahilanan kung bakit hindi niya natapos ang kanyang pag-aaral. “Namatay yung
nagpapaaral sa akin, yung lolo ko. Nahinto ako sa highschool.” Ang sabi niya sa akin
ay nahinto siya sa ikalawang taon ng hayskul dahil na rin sa kakulangan ng
suportang pinansiyal. “Magmula noon, nag-araro na ako sa bukid, nagmula noong
nagkaroon ako ng pamilya, natuto ako na magsaka,” pagpapatuloy ni Ka Bonjing.
Wala na rin siyang natanggap na suporta mula sa kanyang mga magulang
dahil marami silang magkakapatid. Ayon sa kanya, siya ang panganay sa walong
magkakapatid ngunit noong siya ay nasa ikaanim na baitang ay namatay na ang
kanyang ama. Siya na mismo ang naging katukatulong ng kanyang ina sa
pagpapalaki sa mga kapatid.
Nang dahil sa kasalatan sa buhay ay nagdalawang-isip na rin si Ka Bonjing na
mangibang-bansa noon. Marami sa kanyang mga kababaryo ang nagsipagtrabaho
na sa ibang bansa para lamang matustusan ang mga pangangailangan ng pamilya.
“Halos niyayaya ako mag-abroad noon eh sabi ko kung ibebenta ko lang yung kalabaw
ko saka magbenta ng lupa para magabroad lang, ‘di na kako” sabi niya nang may
paninindigan.
Ayon kay Ka Bonjing, nagsimulang guminhawa ang kanilang buhay noong
naka-develop siya ng palayan. “Kasi yung lupa noon, na-develop ko lang yun. Yung
tinataniman ko ng palay, dating ilog lang yun. Eh noong pumutok ang bulkang
Pinatubo, dinaanan ng lahar at natabunan ng lupa kaya nagpantay.” Ang dating ilog
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 47
sa may Hacienda Dolores sa Sitio Balukbok kung nasaan ang palayan ni Ka Bonjing
ay pumantay sa palayan ng lolo niya dahil na rin sa pagdaan ng lahar.
“Wala kaming ikinabubuhay noon kundi lang yung mga prutasan naming iba
doon, yung may bayabas, mangga, saging, at gabi.” Bukod sa pagsasaka ng palay, ang
tanging naging hanapbuhay lamang ng pamilya ni Ka Bonjing ay ang pag-aalaga ng
mga punongkahoy. “[Iyang] Prutasan ko halos namumunga na. Kapag kamachile,
malaking kita; kapag santol, malaki kita; kapag bayabas, marami ring kita. Hindi pa
naman yung sabay-sabay [mamunga]. Kaya hindi kami nahihirapan noong ‘di pa
kinakamkam yung lupa naming binubungkal” paliwanag ni Ka Bonjing.
Sinubukan ko namang alamin kung ano ang kanyang pananaw sa
kasalukuyang buhay. “Ang nararamdaman ko, nahihirapan kami dahil nawawalan
kami ng sariling kabuhayan,” tugon niya sa aking katanungan, “Kapag nagpabaya ka
siguradong aalisan ka ng pangkabuhayan,” agad niyang dagdag sa kung bakit niya
tinitignan na ang kahirapan ay mawawala rin kapag hindi ka nagpabaya sa paglaban.
“Hanggang kaya mo mag-ano [lumaban] para kahit paano malagpasan mo
yung kahirapan… para lalakas pa ang ano [tiwala] mo sa sarili mo” wika ni Ka
Bonjing. Kaya naman naniniwala rin siya na makakaahon sila sa kahirapan ngunit
sa ngayon, “hangga’t hindi nalulutas ang problemang ito, patuloy ang kahirapan.”
Bilang lider-magsasaka, naninindigan si Ka Bonjing na “kailangan may
manguna doon sa pagkakaisa. Basta may pagkakaisa, kahit gaano kabigat ang
problema, gagaan yun.”
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 48
Si Nanay Ana: Hindi Tubong Hacienda ngunit may Pusong Hacienda
Nagpasama ako sa isa sa mga kakilala kong residente papunta sa bahay nina
Ka Ana. Nakausap ko na rati si Nanay Ana dahil sa isang research paper namin kung
saan kinapanayam namin ang kanyang asawa. Agad kong nakita sa kanilang
bakuran ang kanyang mister. Agad naman akong pinaupo ng asawa ni Nanay Ana sa
kanilang terrace. Naaninag ko sa loob ng kanilang bahay ang mga anak nila. Kasama
na rin dito si Ate Merry Ann na isa rin sa aking mga katugon. Ang sabi sa akin ni Ate
Merry Ann ay nagluluto si Nanay Ana kung kaya’t maaari raw bang maghintay muna
ako kahit saglit lamang. Sabi ko ay okey lang naman na maghintay ako.
Nang lumabas na si Nanay Ana ay humingi siya sa akin ng pasensiya dahil
pinaghintay niya ako, agad ko naman sinabi na mas importante naman ang kanyang
unang ginagawa kung kaya’t okey lang para sa akin. Noong oras lang daw na iyon
kasi siya nakapagluto para sa tanghalian sapagkat kakasimba lamang nila. .
Nagpakuwento ako kay Nanay Ana kung ano na ba ang nangyari sa Hacienda
Dolores magmula noong unang punta ko rito. Ang sabi niya ay binabalak nila ulit na
magkaroon ng bungkalan sa mga lupang nabakuran na ng Triple L o LLL o Leonardo-
Lachenal-Leonio Holdings, Inc. “Magkakaroon daw ulit ng pagpasok. EH natatakot
na yung mga tao kasi may mga binabaril… hinaharass.”
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 49
Pagkatapos noon ay nagsimula na akong magtanong patungkol sa aking
pananaliksik. Sinimulan niya sa pagpapakilala. “Ako si Ana Santiago. Hindi ako taga-
rito talaga eh. Taga-Misamis Occidental talaga ako.” Doon ko mas ninais na usisain
ang kanyang naging buhay noong siya ay bata pa at kung paano ang kanyang naging
lagay sa bagong komunidad na kanyang napuntahan.
Ayon kay Nanay Ana, ang kanyang ama ay isa ring magsasaka sa Mindanao
habang ang kanyang ina naman ay sa bahay lamang.
Sa pagsasalarawan ni Nanay Ana sa komunidad ng Hacienda Dolores noong
una niya itong nakita ay wala halos kabahayan dito. “Noong bagong dating ko noong
1987, ayaw ko nga rito eh. Nakakatakot. IIlan lang yung mga bahay. Masukal. Layo
layo. Mas nakakatakot pa sa Mindanao,” dagdag ni Nanay Ana.
Sandaling nahinto ang aming usapan sapagkat pinatingin ni Nanay ang
kanyang niluluto kay Ate Merry Ann. Tinanong niya rin ako kung kumain na raw ba
ako ng tanghalian. Ang sabi ko ay maghahanda si Tata Sesyo, isa ko pang katugon ng
tanghalian para sa amin kung kaya’t tinanggihan ko ang alok ni Nanay Ana na sa
kanila na ako magtanghalian.
Sa tanong naman na kung paano sila nagkakilala ng kanyang asawa at kung
paano siya napunta sa Hacienda Dolores, ito ang kanyang naging kwento.
“Ganito yan. Meron siyang tiyahin sa Makati. Sa Taft Avenue. Ngayon may
business yung tita niya, kapatid ng nanay niya. Yung mga bidyo karera. Edi kaka-
graduate pa lang niyan. Pumunta siyang Manila… sinama siya ng tyahin niya roon
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 50
para magtrabaho. Eh ako naman kakarating ko lang ng Maynila, naghahanap sila ng
cashier. Ayun, nagkakilala kami hanggang sa sinama niya ako rito.”
Ipinasok na rin ni Nanay Ana ang naging sitwasyon noon ng Hacienda
Dolores bago pa man dumating ang mga espekulasyon sa lupa. Ayon sa kanyang
naranasan maganda ang buhay ng mga tao sa Hacienda Dolores bago pumutok ang
bulkang Pinatubo.
Noong tatlong taon ang kanyang panganay ay ang panahon kung kailan
pumutok ang Pinatubo. “Puro burak, putk, at lahar. Akala namin wakas na ng mundo
kasi sobrang dilim!”
Noong makabangon na muli ang lalawigan ng Pampanga sa pagputok ng
Pinatubo ay naging mayabong ang mga halaman, at naging masagana ang mga ani.
“OK noon, kasi marami kaming harvest sa bukid. Yung mga iba diyan
nagsusugal, eh ako, masipag ako. Gusto ko nagtitinda ako. Mabenta ‘yang mga gulay
dito. Dito lang sa amin, iba-ibang gulay. Dito kasi mura lang eh. Kasi kapag ikaw
nagtitinda, wala kang lugi malaki pa kita mo. Kesa dun sa namimili nang bulto,
nambabarat.”
Noong nagawa naman na ang SCTEX, ayon kay nanay Ana ay nagsimula na
ang dagsa ng mga taong nagsasabing sa kanila ang mga lupang nakapaligid sa
kalsada. Dumating pa raw sa punto na binakuran na ang kanilang mga lupang
sakahan at ang kanilang bukid na may mga tanim na namumungang mga
punongkahoy.
B U H A Y B U K I D A T B A K O D // 51
“Noong primero ang tapang tapang ng mga tao pero ayun pala, baril lang ang
katapat. Tapos nun, wala na. Wala nang pumasok. Natatakot.”
Noong una ay matapang na pinapasok pa rin ng mga magsasaka ang mga
lupang nabakuran kahit na ipinagbabawal na ng mga nangangamkam ng lupa.
Ngunit magmula noong nagkaroon na ng blue guards o security guards ang
kompanyang Triple L ay natakot na silang pasukin ang mga nabakurang lupa.
Nagkaroon na rin ng mga insidente ng pamamaril at panggigipit sa mga pumasok sa
lupang sakahan.
Balak daw nila muling magsagawa ng mga bungkalan sa lupang sakahan
ngayong taon ng 2017 ngunit nahihirapan pa silang magpakilos ng mga kasapi ng
organisasyon. “Ngayon may balak na naman daw palang pumasok. Ayaw na ng iba