1 “KONTRA-GAHUM: Ang Lahatang-Panig at Kapit-sa-Patalim na Pag-unlad at Pagsulong ng Wikang Pambansa Mula sa Panahon ng Kolonyalismo Hanggang sa Bungad ng Ikalawang Milenyo” ni David Michael M. San Juan (Lahok na nagwagi ng Unang Gantimpala sa Gawad Surian sa Sanaysay 2009 ng Komisyon sa Wikang Filipino/KWF) “Limot na ba ninyo na may isang lupang/laon nang panahong nakatanikala? Limot na ba ninyong tayo’y may bandila/na may isang araw saka tatlong tala? Nawala na rin ba sa inyong gunita/na tayo’y mayroong katutubong Wika? Itong Wikang ito’y bigay ni Bathala/at likas na yaman ng bayang kawawa; Kung ang mamahali’y Ingles at Kastila/Mabuti pang tayo’y mamatay nang bigla.” - “Wikang Ingles Laban sa Wikang Kastila” (Piyesa sa Balagtasan na sinulat ni Florentino Collantes noong Pebrero 1928)
This document is posted to help you gain knowledge. Please leave a comment to let me know what you think about it! Share it to your friends and learn new things together.
Transcript
1
“KONTRA-GAHUM: Ang Lahatang-Panig at Kapit-sa-Patalim na
Pag-unlad at Pagsulong ng Wikang Pambansa Mula sa Panahon ng Kolonyalismo
Hanggang sa Bungad ng Ikalawang Milenyo”
ni David Michael M. San Juan
(Lahok na nagwagi ng Unang Gantimpala sa Gawad Surian sa Sanaysay 2009 ng Komisyon sa Wikang Filipino/KWF)
“Limot na ba ninyo na may isang lupang/laon nang panahong nakatanikala?
Limot na ba ninyong tayo’y may bandila/na may isang araw saka tatlong
tala?
Nawala na rin ba sa inyong gunita/na tayo’y mayroong katutubong Wika?
Itong Wikang ito’y bigay ni Bathala/at likas na yaman ng bayang kawawa;
Kung ang mamahali’y Ingles at Kastila/Mabuti pang tayo’y mamatay nang
bigla.”
- “Wikang Ingles Laban sa Wikang Kastila”
(Piyesa sa Balagtasan na sinulat ni Florentino Collantes noong
Pebrero 1928)
Kung literal na ilalapat ang prediksyon ni Florentino Collantes tungkol sa
kahihinatnan ng bansang nagpapakalunod sa mga wikang banyaga, hindi kalabisang
sabihing naghihingalo na ang Pilipinas. Nasa estadong in articulo mortis na ito, sabi nga
ng mga Romano. Sisinghap-hinghap ang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga
Pilipino. Isang kahig, isang tuka. Patay-gutom sa sarili nilang bansa. Kayod-kalabaw
ngunit walang pambili ng sabaw. Alipin ng dayuhan, busabos ng Kanluran.
2
Nakatanikala ang leeg, ang paa, ang kamay at maging ang dila. Namamasasa sa
karangyaan at kayamanan ang iilan habang walang makain ang nakararaming
taumbayan. Manaka-nakang sumasambulat ang tila walang katapusang armadong
hidwaan sa maraming bahagi ng kapuluan.
Ito ang Pilipinas sa kasalukuyan: isang naghihingalong bayan na
nangangailangan ng agarang lunas. Ang ganitong kalunus-lunos na sitwasyon ay
bunga ng kawalan ng pambansang identidad ng mga Pilipino bunsod ng gahum o
hegemonya ng mga pwersang Kanluranin sa wika, kultura, edukasyon at ekonomya ng
bansa.
Tila isang kahon ni Pandora ang gahum ng wikang dayuhan sa bansa na bahagi
lamang ng mas malawak na saklaw ng lahatang-panig na Amerikanisasyon ni Juan de
la Cruz. Ngunit, gaya rin ng kahon ni Pandora, mula sa miserableng kalagayan ng ating
sisinghap-singhap na republika ay matatagpuan natin ang isang mumunting pag-asa.
Isang munting titis na sa mga nagdaang panaho’y naging sanlibo’t isang sulo ng
pakikibaka para sa pambansang kalayaan at pagkakaisa. Isang dakilang pakikibakang
pinagbuwisan ng dugo, pawis at di kawasang hirap, pagod at pagsisikhay ng
sambayanang Pilipino mula sa Panahon ng Kolonyalismo hanggang sa bungad ng
Ikalawang Milenyo: ang lahatang-panig at kapit-sa-patalim na pag-unlad at pagsulong
ng wikang pambansa bilang pwersang pambuo ng kamalayang pambansa at
makabansa, sa kabila ng mapaminsalang gahum ng mga impluwensyang kanluranin.
Sistematikong Pagbubura ng Kamalayang Pambansa at Makabansa: Ang Tatlong
Siglong Gahum ng Krus at Espada
3
Sa buong panahon ng pananakop ng mga Kastila, binura ng mga kolonyalista
ang pagkakataon ng mga indio na makahubog ng pambansa (national) at
makabansang (nationalist) kamalayan mula sa kalat-kalat na mga pulong binubuo ng
mga nagsasariling barangay. Tatlong daan at tatlumpu’t tatlong taon ng pang-aalipin
ang nagpalala sa parokyalismo at pagkakanya-kanya ng iba’t ibang pangkat-etniko sa
Pilipinas. Sumiklab ang mga pag-aalsa sa mga linyang sektoral, etniko at personal sa
unang 100 taon pa lamang ng paghahari ng mga Espanyol ngunit maagang bahagi na
ng ika-19 na siglo nang unti-unting sumibol ang binhi ng kaisipang nasyonalismo sa
Pilipinas.
Hindi makasunod ang Las Islas Filipinas sa liberal at demokratikong padron ng
pagbubuo ng kamalayang pambansa at makabansa na itinakda ng Panahon ng
Pagkamulat o Age of Enlightenment sa Europa dahil sa sistemang kolonyal na
nagpataw ng mapanikil na hegemonyang may aspektong sosyo-kultural at pulitikal. Sa
dami at salimuot ng aksyong mapanupil na dinanas ng mga indio sa kamay ng mga
Kastila, kakapusin sa pagpapaliwanag maging ang Prison Notebooks ng Italyanong
sosyalista na si Antonio Gramsci, kung saan detalyadong nilinaw ang iba’t ibang
aspekto at mga pamaraan ng pagpapataw ng hegemonya sa kultura, pulitika at
ekonomya.
Sinunog ng ilang misyonero ang mga malamanuskritong balakbak ng puno at
kawayang bumbong na kinasusulatan ng katutubong panitikan na diumano’y “gawa ng
diyablo.” Binura ang konsepto ng maunlad at nagsasariling sibilisasyong Oryental na
maaari sanang nakapagbanyuhay malaon sa unti-unting paghuhugis ng kamalayang
makabansa at pambansa. Itinuring ng mga conquistador na mababang uri at ignorante
4
ang nakararaming katutubong mamamayan ng kapuluan na kakatwang binansagan
nilang indio. Ipinagkakaloob lamang ang edukasyon sa nakaririwasang uri gaya ng mga
ilustrado at principalia. Ang mga pahayagan at palimbagan ay pawang kontrolado ng
mahigpit na sensurang masugid na kaaway ng sentido komun, kasiningan, liberalismo
at kalayaan sa pamamahayag. Ginamit ang batobalani ng krus at ang dahas ng espada
upang sawatahin ang anumang pagtatangka ng mga indio na magpahayag ng hinaing
na maaaring mag-anyong pambansa at makabansa kapag nagkasabay-sabay at
nahinuha ng balana na may kolektibo pala silang iniisip, nararamdaman at
ipinakikipaglaban bilang isang lahing binibigkis ng dugo at pag-ibig sa kalayaan.
Sapagkat nanatiling nakakulong sa daigdig ng nobena, tributo at sensura ang
kamalayang indio, hindi kataka-takang nanatiling parokyal at makitid ang pagkaunawa
ng mga Pilipino sa diwa at kahulugan ng nasyonalismo, lalo pa sa implikasyong
lingguwistiko nito. Sa mga huling dekada na lamang ng kolonyalismong Espanyol
umalingawngaw sa Pilipinas ang panawagang “Liberté, Égalité, Fraternité” ng mga
makabayan sa mga sumisibol na estadong-nasyon sa Europa gaya ng Pransya.
Ang Papel ng Kilusang Propaganda at Katipunan sa Pagbubuo ng Pambansang
Kamalayan at Pagsibol ng Konsepto ng Pambansang Wika
Kinailangan pa ang mga kagimbal-gimbal na pakikialam ng garrote sa kapalaran
ng mga bayaning martir na gaya nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos Jacinto
Zamora at Dr. Jose Protacio Rizal – bukod pa sa noong una’y Eurosentrikong Kilusang
Propaganda ng mga Pilipinong ilustrado – upang mapukaw, mapatining at tuluyang
magkahugis ang nasyonalismong Pilipino sa anyo ng kilusang repormista (na malao’y
naging rebolusyunaryo) na naghahangad ng pambansang kalayaan mula sa at
5
pagkakaisa laban sa mga kolonyalistang Espanyol. Ang dakilang pakikibakang ito’y
kinatatampukan ng namumuong konsensus sa hanay ng mga pinamumunuan ng
Katipunan, ang kauna-unahang rebolusyunaryo at pambansang organisasyong
naglalayong mapalaya ang Pilipinas sa kamay ng mga Kastila, ukol sa
pangangailangan sa isang wikang magbubuklod sa sambayanan habang winawasak
nito ang mga tanikalang malaon nang sumasakal sa kalayaan ng bansa. Bunsod ng
konsensus na ito, halos lahat ng manipesto at pahayag ng Katipunan ay isinulat sa
wikang Tagalog – ang wika ng kabisera at mga kanugnog-probinsya – partikular ang
rebolusyunaryong manipesto ni Andres Bonifacio na pinamagatang “Ang Dapat Mabatid
ng mga Tagalog.” Sa manipestong ito, ginamit ni Bonifacio ang salitang Tagalog upang
tukuyin, di lamang ang pangkat etno-lingguwistikong Tagalog sa Luzon, kundi ang lahat
ng mga indio na karamiha’y “taga-ilog,” o pawang nakatira sa mga pamayanang malapit
sa kailugan.
Nilinaw ni Bonifacio ang dimensyong lingguwistiko at kultural ng hegemonyang
Kastila sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pre-kolonyal na literasi sa katutubong
wika ng mga sinaunang Pilipino, na naglaho o kaya’y lumabnaw bunsod ng pagdatal ng
kolonyalismo: “bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat
ng talagang pagsulat nating mga Tagalog.” Sa huli’y ipinanawagan ni Bonifacio di
lamang ang rebolusyong magwawasak sa pisikal na tanikala ng pagkaalipin, kundi
maging sa mga mental na kandadong humahadlang sa pagsibol ng malayang bansa,
pagkabansa at kamalayang makabansa: “...panahon nang dapat nating ipakilala na
tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon,
panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na
6
magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan...ating idilat ang
bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na
pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.” Sa
pahayag na ito’y binibigyang-diin ng Supremo ng Katipunan ang mahigpit na
pangangailangan sa pagbuo ng pambansang kamalayan na sinikil at di pinayagang
makasibol sa mahigit tatlong daang taong hegemonya ng mga Kastila.
Panimulang katuparan ng pangarap ni Bonifacio ang pagpapatibay ng
Konstitusyon sa Biak-na-Bato, Bulacan (1897) sa isang probisyong nagpapahayag sa
wikang pambansa ng bago at nakikibaka pa ring republika: “Ikawalong Utos: Ang
wikang tagalog ay siyang mananatiling wika ng Republika.” Nauna pa sa konstitusyong
ito’y ipinahayag na ng propagandistang martir at pambansang bayani na si Rizal, sa
pamamagitan ni Simoun, ang kahalagahan ng wikang pambansa sa pakikibaka laban
sa kolonyalismo at para sa kalayaan: “Nilimot ninyong lahat ang katotohanang habang
pinananatili at pinangangalagaan ng mga mamamayan ang kanilang wika, pinananatili
at pinangangalagaan din nila ang tanda ng kanilang kalayaan, gaya rin ng pagpapanatili
at pangangalaga ng tao sa kanyang kalayaan habang kanyang pinanghahawakan ang
sarili niyang paraan ng pag-iisip.” Sa kontekstwalisasyon ng pahayag ni Rizal sa El
Filibusterismo at ng probisyong pangwika ng Konstitusyon ng Biak-na-Bato, malinaw na
makikita ang koordinasyon at paghuhugpong ng kaisipang repormista ng Kilusang
Propaganda at ng ideolohiyang rebolusyunaryo ng mga Katipunero sa paninindigang
ang pagbubuo ng makabansa at pambansang kamalayan ay may dimensyong
lingguwistiko sa anyo ng pagpapasibol at paglilinang ng isang wikang pambansang
magbubuklod sa madla.
7
Antiklimaktikong naudlot ang pagpapasibol ng wikang pambansa ng mga
Pilipinong rebolusyunaryo – na malao’y nagtagumpay sa pagpapalayas sa mga Kastila
– sa pagdaong ng isang bagong lahing dayo sa ating dalampasigan. Sa simula’y ikinubli
nila ang motibong agawin ang matamis na kalayaang bagu-bago pa lamang nalalasap
ng sambayanan. Higit na mapaminsala at puno ng balakid ang tatahaking landas ng
mga Pilipino sa patuloy na pakikibaka para sa pambansang kalayaan at pagkakaisa,
kasama na ang pagkakaroon ng wikang pambansang magbubuklod sa taumbayan
laban sa gahum ng mga bagong mananakop.
Siling Labuyo, Edukasyong Alkansya at Tanikala sa Dila: Ang Wikang Katutubo
sa Mga Unang Dekada ng Hegemonya ng Amerika
Muling nabalam ang dapat sana’y natural na pagsibol at pag-unlad ng
kamalayang pambansa at makabansa sa Pilipinas bunsod ng panibago at mas
malalimang kolonisasyon. Kaiba sa mga Kastila, nilubos ng mga Amerikano ang
paghubog sa mga Pilipino ayon sa kanilang pag-iisip at pagkatao. Kung paglalaruan
ang dalawang kontemporaryong salitang pang-agham, maaaring tawaging
psychological cloning ang prosesong inilapat ng mga bagong mananakop sa mga indio.
Sa isip, sa salita at sa gawa, nilutong little brown Americans ang lumitaw na produkto
ng mga paaralang itinayo at pinamahalaan ng mga kampon ni Uncle Sam. Sinimulan
ang psychological cloning sa pamamagitan ng sapilitang pagpapagamit ng wikang
Ingles sa lahat ng mga paaralan.
Ganap na ipinagbawal at ginawang tila krimen ang pagsasalita sa wikang
bernakular. Ayon sa kwento ng yumaong si Aling Bebang (Genoveva Edroza-Matute),
sa panahon ng mga Amerikano’y hinihiya sa pamamagitan ng pagpapasuot ng
8
dambuhalang karatulang “I was caught speaking in the vernacular” ang sinumang
mahuling gumamit ng wikang katutubo sa kampus. Walang habas din ang pagsusubo
ng siling labuyo ng mga maestrang balintunang nakabaro’t saya pa mandin, sa mga
sawimpalad na batang kulang ang alam na Ingles kaya obligadong manaka-nakang
bumulong o maghayag sa bernakular. Marahil, sa panahong ito rin nabuo ang maling
konsepto ng labis na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa wikang Ingles. Kayhirap nga
namang mahalin sa simula ng isang wikang nagdulot ng literal na anghang at hapdi sa
iyong batang labi.
Upang ganap na maisakatuparan ang Amerikanisasyon ng mga Pilipino, ginamit
ng mga gurong Thomasite at ng mga gurong Pilipino na kanilang sinanay ang
pamaraang kinutya ng Brazilianong edukador na si Paulo Freire sa katawagang
banking education, edukasyong “alkansya” o dili kaya’y “suksok-hugot” sa simpleng
turing. Pangangabisote at basa-bigkas sa tahasang pagtukoy: kung anong sabihin ng
guro ay siya ring uulitin, bibigkasin, isusulat at muling uulitin, bibigkasin at
mememoryahin ng mga tila lorong mag-aaral. Samakatwid, ang “edukasyong alkansya”
(banking education) ay gumagamit ng metodong “nagsusuksok” lamang ng kaalaman
sa kukote ng mga mag-aaral (ang inaakalang “dapat isipin”) sa halip na ganap na
linangin ang kaisipan ng estudyante upang matuto itong lumikha, magproseso at
umunawa ng kaalaman (ang proseso kung paano mag-isip). Nakatutuwang balikan sa
puntong ito ang Klase sa Pisika ni Padre Millon (sa El Filibusterismo ni Jose Rizal). Tila
halos walang pinagbago ang makalumang pamamaraan ng mga prayleng Kastila at ng
mga gurong Thomasite – maliban sa pagpapatumpik-tumpik ng una na ituro ang
kanilang wika sa mga Pilipino – batay na rin sa pangungumpisal ni Bonifacio Sibayan
9
(dating pangulo ng Philippine Normal College) ukol sa edukasyon na kanyang tinamo
sa kamay ng mga Amerikano. Halimbawa, sa pag-awit ng mga kantang Ingles, paulit-
ulit na memorisasyon ani Sibayan ang pangunahing layunin. Mistulang muling
paglalarawan sa sistemang “suksok-hugot” ang pagbabahagi ng karanasan ni Sibayan
ukol sa monolinggwal na edukasyon sa panahon ng mga Amerikano: “We were
immersed in English...The Philippine immersion described here was practically forced
on us...Failure to learn English for understanding the subject matter of the various
subjects meant failure in school...Immersion in English meant committing to memory
many poems, maxims and retelling stories that we read.”
Kasabay ng sapilitang pagpapagamit sa wikang Ingles at mistulang pagkitil sa
mga wikang katutubo, tahas at marahas na sinupil ang nag-aalab na damdaming
makabayan at kamalayang pambansa ng sambayanan na pamana ng Katipunan at ng
nasawing Unang Republika. Ipinagbawal ang pagtatanghal ng watawat at ng iba pang
simbolo ng nasyonalismo. Tiniktikan ang mga makabayang sarswela na may
mensaheng pulitikal at kung minsa’y pailalim na nananawagan ng tuluy-tuloy na
pakikipaglaban sa mga bagong mananakop, gaya ng “Kahapon, Ngayon at Bukas” ni
Aurelio Tolentino, “Hindi Aco Patay” ni Juan Matapang Cruz, “Ing Anac Ning Katipunan”
ni Juan Crisostomo Sotto at “Tanikalang Guinto” ni Juan Abad. Paulit-ulit na inaresto at
ibinilanggo ang maraming manunulat, mandudula at maging ang mga artista sa mga
“subersibong sarswela.” Kahit ang mga pahayagang makabayan na naglilimbag sa
wikang Español gaya ng El Renacimiento ay ipinasara dahil sa paglalathala ng mga
artikulong tumutuligsa sa mga Amerikano at nagpapalaganap ng nasyonalismo.
10
Sa pagtuturo ng kasaysayan, talambuhay nina Abraham Lincoln, George
Washington at Benjamin Franklin ang tinalakay sa loob ng mga paaralan. Binansagang
bandido at tulisan ang mga makabayang gaya nina Macario Sakay na nagpatuloy sa
pakikibaka para sa pambansang kalayaan sa kabila ng pagsuko ng mga ilustrado sa
mga bagong mananakop. Binura sa memorya ng maraming henerasyon ng mga little
brown American ang dakilang pakikipaglaban ng mga Katipunero na rumurok sa
pagtatayo ng magiting ngunit agad-ding-nabuwal na Unang Republika sa Pilipinas at sa
Asya: ang unang matagumpay na pagtatangkang buklurin ang mahigit 7,000 pulo ng
bansa sa isang malaya at nagsasariling pamahalaan na dapat sana’y nakapagpasibol
sa minimithing pambansa at makabansang kamalayan na kinakailangan din sa
pagpapanatili ng kalayaang pampulitika at sa pagkamit ng kaunlaran sa ekonomya.
Sa madaling sabi, binura ng bagong kolonyalismo ang kasisibol pa lamang na
kamalayang makabansa at pambansa ng mga Pilipino. Ipinalit ang kamalayang
Amerikanisado sa pamamagitan ng edukasyong monolinggwal sa Ingles at distorted na
pagtuturo ng kasaysayan. Sa prosesong ito ng pinaghalong banking education at
psychological cloning, matagal na panahong humina ang ningas ng sumisibol na
nasyonalismo. Tila maglalaho na ang ningas nang dumating ang panibagong sulong
tatanglaw sa mahabang landas ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at
pagkakaisa na mapatitibay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng wikang pambuklod sa
madla.
Ang Talibang Ahensyang Responsable sa Kultibasyon ng Wikang Pambansa
Ikalabindalawa ng Enero 1937 nang ihayag ang pagbubuo ng Institute of the
National Language sa bisa ng Commonwealth Act No. 184. Magsisilbing tagalinang ng
11
lupang tatamnan ng wikang pambansa ang ahensyang ito na sa kasaysayan ay ilang
beses pang magbabanyuhay bago maging Komisyon sa Wikang Filipino sa
kasalukuyan. Pinili ang pitong mamamayan para katawanin ang pitong lingguwistikong
pangkat sa Pilipinas sa bagong-tatag na instituto: sina Jaime C. de Veyra (Samar-Leyte
Visayan), Santiago Fonacier (Ilocano), Filemon Sotto (Cebu Visayan), Casimiro
Perfecto (Bicol), Felix Rodriguez (Panay Visayan), Hadji Butu (Moro) at Cecilio Lopez
(Tagalog).
Mabilis na nanaliksik at kumilos ang instituto. Batid nilang ang pagbubuo ng
wikang pambansa ay napakahalaga sa pagbubuo ng kamalayang pambansa at
makabansa na sa panahong iyon (at mukhang hanggang ngayon) ay hilaw, mabuway
at mahina pa sa isip at puso ng nakararaming Pilipino. Ikasiyam ng Nobyembre 1937
nang lagdaan ng mga kasapi ng instituto ang resolusyon na naghahayag ng
rekomendasyon na piliin ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa ng Pilipinas
– ang wikang pinakamaunlad sa aspekto ng istruktura, mekanismo at literatura bagamat
pangalawa lamang noon sa dami ng mamamayang gumagamit nito sa buong kapuluan
bilang kanilang unang wika.
Ang Panibagong Binhi: Wikang Pambansang Batay sa Tagalog
Pormal na iniluwal ng Executive Order (EO) No. 134 ni dating Pangulong Manuel
Luis Quezon ang wikang pambansang batay sa Tagalog noong Disyembre 30, 1937,
alinsunod sa rekomendasyon ng Institute of the National Language na may
komposisyong multilinggwal. Isang buwan bago ang paglagda niya sa makasaysayang
EO, inilahad ni Quezon ang kahalagahan at pangangailangan na magkaroon ng wikang
pambansa ang mga Pilipino: “...many of the difficulties or defects now existing here are
12
due to the fact that we have not a common national language of our own. The desire to
imitate everything alien...is due to an evil – to the lack of a real national soul. A national
soul cannot exist where there is not a common language. We shall never have any
genuine national pride until we have a language of our own. We shall always have that
sign of inferiority.”
Ang Kamusmusan ng Wikang Pambansa: Usad-pagong na Pagsulong
Katulad ng iba pang yugto sa pag-unlad nito, ang lehislatibong pagsilang ng
wikang pambansa ay maituturing na kapit-sa-patalim: mabagal ang pag-usad sapagkat
laging hinahadlangan, parang rumaragasang tubig na laging ibinibilanggo ng mapaniil
na prinsa ngunit malao’y sumasambulat din sa kabila ng lahat ng pagpigil at pagsansala
rito. Katunayan, tatlong taon muna ang lumipas mula nang ihayag ni Quezon ang
pagsilang ng wikang pambansang batay sa Tagalog bago ito naging isa sa wikang
opisyal ng Pilipinas sa pamamagitan ng Commonwealth Act No. 570 na nilagdaan
noong Hunyo 7, 1940. Hindi rin retroactive o agaran ang implementasyon ng batas na
ito: kailangan pang hintayin ang “pagsasauli” ng kalayaan ng Pilipinas na itinakda sa
Hulyo 4, 1946. Isa sa mga itinakdang kundisyon ng Batas Tydings-Mc Duffie – na
naglalaman ng diumano’y “pagsasauli” ng kalayaan ng Pilipinas – ang pagpapanatili ng
Ingles bilang pangunahing wika ng edukasyon. Malaking kabalintunaan na ang wikang
pambansang batay sa Tagalog ay itinuturing na isa sa mga “wikang opisyal” ngunit
Ingles pa rin ang wikang ipinalalaganap sa mga paaralan at ito rin ang wikang higit na
ginagamit, katuwang ng Español, sa mga opisyal na transaksyon, komunikasyon at
korespondensya ng pamahalaan.
13
Sa buong panahon ng pagiging direktang Amerikanong kolonya ng Pilipinas
hanggang sa maging bahagi na ito ng tinaguriang Commonwealth, tinangkang
sansalain ng mga Amerikano ang pagsilang ng ating wikang pambansa. Umaasa silang
sa pag-aantala sa opisyal na paggamit ng wikang pambansa ay patuloy na mararahuyo
ang mga Pilipino sa wika, kultura, produkto at sibilisasyong Amerikano. Nais nilang
ipagpatuloy at palalimin pa ang Amerikanisasyon ng mga binansagang brown
Americans. Mismong si Gobernador Heneral William Cameron Forbes ang naghayag
ng ganitong layunin sa pagtuturo at pagpapanatili ng Ingles: “...it is believed that with
the acquisition of knowledge of the English language...the development and assimilation
of the Filipino people will be greatly advanced.” Ngunit bigo sila sapagkat gaya ng
damong ligaw, habang tinatagpas, lalong lumalago ang wikang pambansa. Sa gitna ng
pangingibabaw ng Ingles na naghahangad ng asimilasyon ng mga Pilipino sa
sistemang Norte Amerikano, nagpupumiglas ang mga makabayan upang patuloy na
itaguyod ang isinasantabi at inaapi-aping wikang pambansa.
Pag-igpaw ng Musmos na Wikang Pambansa sa Larangang Administratibo
Sa pamamagitan ng EO No. 263 na nilagdaan noong Abril 1940, pinagtibay ni
Quezon ang pagpapalimbag sa diksyunaryo at balarila ng wikang pambansa. Itinakda
rin ng kautusang ito ang opisyal na pagtuturo ng wikang pambansa sa paaralang
pribado at publiko. Upang ganap na maipatupad ang panimulang pagpapaturo ng
wikang pambansa sa mga paaralan, naglabas ng isang kautusang pangkagawaran ang
kalihim ng Instruksyong Pampubliko noong Abril 8, 1940. Nilalaman ng kautusang ito
ang panimulang pagtuturo ng wikang pambansa simula Hunyo 19, 1940 bilang
asignaturang pinaglalaanan ng 40 minuto bawat araw sa ikaapat na taon ng mga
14
pribado at publikong hayskul at bilang sapilitang asignaturang pandalawang semestre
sa mga “paaralang normal” sa Pilipinas. Inilabas naman ng Kawanihan ng Edukasyon
ang Bulitin Blg. 26 noong Nobyembre 15, 1940 upang imungkahi ang pagkakaroon ng
isang kolumna (pitak o column) o seksyon ng wikang pambansa sa mga pahayagang
pampaaralan.
Gayunman, nanatiling dominanteng wika sa edukasyon at pamahalaan ang
wikang Ingles sa kabila ng mga kautusan na nagtataguyod sa opisyal na paggamit ng
wikang pambansa. Halimbawa, sa kabila ng “mungkahi” ng Kawanihan ng Edukasyon
ukol sa pagkakaroon ng kolumna sa wikang pambansa, isinalaysay ni Aling Bebang
ang patuloy na panggigipit sa musmos pang wikang pambansa. Aniya, may mga
pagkakataon na mas malaki pa ang seksyong Español kaysa sa kolumna ng wikang
pambansa sa opisyal na pahayagang pang-estudyante ng Philippine Normal College na
noo’y halos purong Ingles. Marami pang mababasang anekdota ukol sa kapit-sa-
patalim at araw-araw na mumunting pakikibaka ng mga tagapagtaguyod ng wikang
pambansa laban sa gahum ng Ingles sa awtobayograpikal na nobelang “Walo at
Kalahating Dekada ng Isang Buhay” ni Aling Bebang.
Kakatwang kinailangan pa ng wikang pambansa ang di inaasahang ayuda ng
panibagong pangkat ng mga manlulupig na mas marahas at mas walang pakundangan
kaysa sa mga nauna, upang patuloy na umiral at sumulong habang pinagliliyab ng
digma’t kaguluhan ang buong bayan.
Kontribusyon ng Kaaway: Pagsigla ng Panitikan sa Wikang Pambansa
Sa kabila ng di mabilang na kalapastanganan ng hukbong Hapon na nanakop sa
Pilipinas at sa malaking bahagi ng Timog Silangang Asya, maituturing na isang
15
positibong kaganapan ang pagbubukang-liwayway ng Imperyo ng Araw sa Perlas ng
Silangan para sa noo’y musmos pa nating wikang pambansa. Libu-libong
mamamayang Pilipino ang marahas na pinaslang, ginutom, ginahasa at inalisan ng
dangal ng bagong hukbong mananakop ngunit sa larangan ng edukasyon at panitikan,
binuhay nila ang aandap-andap na titis ng nasyonalismo sa wika. Sa paghahangad
nilang mahikayat ang mga Pilipino na lumahok sa pangarap na Greater East Asia Co-
Prosperity Sphere ng mga Hapon (isang euphemism sa Imperyo ng Araw), nagsagawa
ng kudetang pangkultura ang tinaguriang “mga sakang” sa kanilang pananakop.
Ibinando nila sa madla ang tunggaliang Kanluran versus Silangan upang paimbabaw na
ipangalandakan na sila’y kaibigan at hindi kaaway ng mga kapwa Asyanong pinipilit
lukuban ng watawat ng Pulang Araw.
Ganap na ipinagbawal ng mga Hapon ang paggamit ng wikang Ingles sa mga
paaralan at ipinalit ang mga katutubong wika bilang wikang panturo, pati na ang
Niponggo, bagamat hindi rin nagka-ugat sa Pilipinas ang huli bunsod na rin ng maikling
hegemonya ng mga Hapones. Sa bisa ng Executive Order No. 10 ni dating Pangulong
Jose P. Laurel, ipinahayag ang pagpapaturo ng wikang pambansa sa lahat ng mga
publiko at pribadong paaralan mula antas elementarya hanggang sa tersyarya. Upang
lalo pang palaganapin ang wikang pambansang batay sa Tagalog sa pamamagitan ng
pagtuturo nito sa mga di-Tagalog, itinayo ng republikang “inisponsor” ng mga Hapon
ang Tagalog Institute noong 1944.
Hinikayat ng mga Hapon ang mga Pilipino na magsulat gamit ang wikang
pambansa ukol sa mga paksang sumasalamin sa katutubong kultura at pamumuhay.
Kinontrol din nila ang mga pahayagan sa pamamagitan ng ahensyang mala-Comite de
16
Censura noong panahon ng mga Kastila, ang Manila Shimbunsya. Bunga ng
paghihigpit sa paggamit ng Ingles, ang Tribune at Philippine Review na lamang ang
pinayagang umiral sa matamang pagsubaybay at matalas na sensura ng Shimbunsya
sa mga pahayagang Ingles na namayagpag bago ang digmaan. Maging ang mga
batikang manunulat sa Ingles ay napilitang umakma sa tila makabayang patakarang
pangwika ng mga Hapon. Sa tangkilik ng Shimbunsya, sumigla ang panitikan sa wikang
pambansa. Nagkaroon ng mga patimpalak sa pagsulat at nangibabaw ang babasahing
Liwayway na nagtampok ng mahuhusay na katha ng mga manunulat sa wikang
pambansa. Tinipon sa mga de-kalibreng antolohiya ang pinakamahuhusay na kwento
sa wikang pambansa. Bunsod ng mga pagsusumikap na ito pabor sa wikang
pambansa, ang panahon ng Hapon ang itinuturing na “Ginintuang Panahon ng maikling
kwentong Tagalog.”
Sa halip na psychological cloning, cultural indigenization sa lambong ng
Oryentalismo ang itinuro ng mga Hapon sa mga Pilipino. Sa maikling panahon,
nagtagumpay ang mga bagong mananakop na palakarin ang sambayanan sa landas ng
pagtuklas sa sarili at pagsalok sa katutubong batis ng mga karanasan, karunungan at
kaalaman upang epektibong magamit ang wikang pambansa bilang behikulo ng
kamalayang pambansa at makabansa. Bunsod ng lantad at aktibong pagpapalaganap
ng mga Hapon sa cultural indigenization na kahit paano’y sumasalansang at
bumabasag sa Amerikanisasyon ng mga Pilipino, hindi kataka-takang maging ang mga
bayani at beterano ng Rebolusyon ng 1896 na kagaya ni Heneral Artemio Ricarte ay
naging makiling sa mga Hapones, bukod pa sa mga kasapi ng Kilusang Sakdalista na
17
pinamunuan ng anti-Amerikanong manunulat sa Tagalog at organisador ng mga
magsasaka na si Benigno Ramos.
Balintunang winasak ng mga Hapon ang kabuhayan, tahanan, taniman at
negosyo ng mga Pilipino, ngunit nakatulong sila nang malaki sa pagbuhay sa nabalam
na proseso ng pagbuo ng kamalayang pambansa: ang pagtuklas ng pambansa at
makabansang identidad. Munti man, positibo sa wikang pambansa ang tagumpay ng
mga Hapon sa isa sa mga deklaradong layunin nila sa pagsakop sa Pilipinas: “to
eradicate the old idea of the reliance upon the Western nations, especially upon the
United States and Great Britain, and to foster a new Filipino culture based on the self-
consciousness of the people as Orientals.” Ngunit, sa pagwawakas ng digmaan, ang
pagkatalo ng mga Hapon ay magsisilbi ring panibagong takipsilim ng opisyal at aktwal
na pamamayagpag ng wikang pambansa.
Sa Panahon ng “Malayang” Republika: Panunumbalik ng Opisyal na Hegemonya
ng Ingles at Hakbang-hakbang na Martsa ng Wikang Pambansa
Sa halip na samantalahin ang pagkakataon upang ideklara ang ganap na
kalayaan ng Pilipinas sa mga dayuhan at simulan ang mahabang proseso ng pagbubuo
ng bansa, pagkabansa at kamalayang pambansa at makabansa, muling niyakap ng
mga Pilipino ang mga mananakop na Amerikano na binansagan pa nilang “liberator” ng
bansa sa kabila ng katotohanan na sa halos buong panahon ng Hapon, ang iba’t ibang
pangkat ng mga gerilyang Pilipino gaya ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon
(Hukbalahap) na itinatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Bundok Arayat,
Pampanga ang naging mabangis na tagapagtanggol ng kalayaan ng Pilipinas.
Samakatwid, muling nagpatuloy ang Amerikanisasyon ng mga Pilipino sa wika, kultura,
18
ekonomya at pulitika sa anyaya na rin ng mga namamalikmata at nagagayuma yatang
Pilipino. Tinalakay ni Amado V. Hernandez sa nobelang “Mga Ibong Mandaragit” ang
epekto ng muling pagyakap ni Juan de la Cruz sa inaakalang mapagpala gayong
mapanikil at tusong kamay ni Uncle Sam.
Sa panunumbalik ng Estados Unidos sa Pilipinas, muling ibinalik ang opisyal na
hegemonya ng Ingles sa edukasyon. Sa pamahalaan, patuloy rin ang opisyal na
paggamit sa wikang Ingles bagamat sa papel, ang wikang pambansa na batay sa
Tagalog ay isa ring “wikang opisyal.” Nanatili ang ganitong sitwasyon sa kabila ng
“pagsasauli ng kalayaan” ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946. Sa kabuuan, patuloy na
nagkaroon at nagkakaroon pa rin ng aktibong pakikisangkot at kung minsa’y pakikialam
ang mga tagapayong Amerikano sa pagbabalangkas ng mga patakaran ng malayang
republika na dati’y isang direktang kolonya. Gayunman, sa pagpupunyagi ng mga
naliliwanagang Pilipinong opisyal, unti-unting mailalatag ang mga saligan upang ganap
na maging wikang opisyal na rin ang wikang pambansa, sa kabila ng malakas na
gahum ng Ingles at daluyong ng patuloy na Amerikanisasyon.
Panandang bato ang Bulitin Blg. 9 ng Kawanihan ng Edukasyon na inilabas
noong Nobyembre 21, 1946. Ang memorandum na ito’y nag-aatas sa pagkakaroon ng
“panimulang aralin sa wikang pambansa ng Pilipinas para sa mga gurong di-Tagalog”
na magbubunsod upang kanilang maituro nang maayos ang wikang pambansa sa mga
mag-aaral sa elementarya.
Wikang “Pilipino” para sa Sambayanang Pilipino
Sa bisa ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 7 na inilabas ng Kalihim ng
Edukasyon noong Agosto 13, 1959, itinalaga ang pormal na pagtawag sa wikang
19
pambansa bilang “wikang Pilipino.” Ito’y isang napakahalagang simbolikal na
kaganapan. Sa pamamagitan ng pagpapalit ng pangalan, nabibigyang-diin ang papel
ng wika sa pagbuo ng pambansang identidad. Sa panahong “wikang pambansang
batay sa Tagalog” pa ang tawag sa wikang “Pilipino,” laganap at maingay ang protesta
ng mga rehiyunalistang ayaw sa Tagalog. Kahit paano, nabawasan bagamat ‘di
tuluyang naglaho ang protesta ng mga rehiyunalista dahil higit na mas tunog-pambansa
ang “Pilipino” kaysa “wikang pambansang batay sa Tagalog.” Unti-unti, aktwal na
nagiging simbolong pambuklod sa madla ang wikang pambansa.
Dalawang Dekadang De-Amerikanisasyon: Aktibismo sa Wika at Pulitika
Sa pagsapit ng Dekada Sisenta, sumibol, yumabong at hitik na nagkabunga ang
mga binhi ng nasyonalismo na itinanim ng mga makabayang guro, akademista at
propesor sa mga paaralan, lalo na sa mga pamantasan sa pambansang rehiyong
kabisera. Sa mga dambuhalang protesta sa Kamaynilaan, narinig ang mataginting na
tinig ng mga estudyanteng naghahangad ng nasyonalismo sa edukasyon, pulitika at
ekonomya. Taglay nila ang mga plakard sa wikang bernakular at isinigaw ang mga
islogan sa wikang pambansa, halimbawa’y ang walang kamatayang “Imperyalismo,
ibagsak!” na hanggang ngayo’y naririnig pa rin sa buong kapuluan sa gitna ng libu-
libong kabataan at mamamayang nakataas ang kamao para sa nasyonalismo.
Isang kabalintunaan na ang lahat ng ito’y epekto o kaya’y inspirado ng
maimpluwensyang intelektwal na sa wikang Ingles nagsulat, si Renato Constantino. Sa
pamosong sanaysay na “The Miseducation of the Filipino” na nalathala noong dekada
60, nilinaw ni Constantino ang papel ng Estados Unidos sa sistematikong pagbubura ng
kamalayang pambansa at makabansa sa mga henerasyon ng Pilipinong hinubog sa
20
mga paaralan na Ingles lamang ang wikang panturo at kulturang Amerikano lamang
ang niluluwalhati. Tinibag ni Constantino ang argumento ng mga maka-Ingles sa
mahusay na paggamit din ng wika ni Shakespeare sa pagpapalaganap ng “bagong
kasaysayan” na nagbibigay-diin sa nasyonalismo. Tinukoy rin ni Constantino ang
pagkapalaasa ng mga Pilipino sa mga Amerikano sa usapin ng ekonomya bilang
kakambal na problema ng pagsandig sa wikang dayuhan. Pinakamariing batikos ang
inihayag ni Constantino sa mga elite na maka-Ingles na namamayani sa pulitika ng
bansa sa kabila ng kabiguan nilang makipagtalastasan sa masa: “Now we have a small
group of men who can articulate their thoughts in English, a wider group who can read
and speak in fairly comprehensible English and a great mass that hardly expresses
itself in this language. All these groups are hardly articulate in their native tongues...The
result is a leadership that fails to understand the needs of the masses because it is a
leadership that can communicate with the masses only in general and vague terms.”
Para kay Constantino, ang pagpapataw ng Ingles sa edukasyon ang simula ng
misedukasyon at pagkakawatak-watak ng mga Pilipino. Samakatwid, upang makawala
sa de-Amerikanisasyon, humulagpos sa misedukasyon at makabuo ng makabansang
kamalayan at pambansang kakanyahan, kailangang linangin ang wikang pambansa
bilang dominanteng wikang panturo.
Tumugon kahit paano ang pamahalaan sa panawagang de-Amerikanisasyon ng
mga aktibistang nasyunalista sa akademya. Sa bisa ng Kautusang Pangkagawaran Blg.
24 na nilagdaan noong Nobyembre 14, 1962, inutos ng Kagawaran ng Edukasyon ang
pagpapalimbag ng mga sertipiko at diploma sa “Pilipino” na may maliliit na English
subtexts. Inutos naman ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng
21
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96 na nilagdaan noong Oktubre 24, 1967 ang
pagpapangalan sa Pilipino ng lahat ng gusali at tanggapan ng pamahalaan. Sinundan
pa ito ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 187 noong Agosto 16, 1969 na “nag-aatas
sa lahat ng kagawaran, kawanihan, tanggapan at iba pang sangay ng pamahalaan na
gamitin ang Wikang Filipino hangga’t maaari sa Linggo ng Wikang Pambansa at
pagkaraan nito, sa lahat ng opisyal na komunikasyon at transaksyon ng pamahalaan”
sapagkat ang “Pilipino ay isang mahalagang sangkap ng nasyonalismo na
makapagbubunsod sa ating bayan ng ibayong kaunlaran, katiwasayan at pagkakaisa.”
Sa bisa naman ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 304 na nilagdaan noong
Marso 16, 1971, pinalawak ng pamahalaan ang tungkulin, kapangyarihan at kasapian
ng Institute of the National Language. Samantala, naglabas ng Memorandum Sirkular
Blg. 172 ang kalihim tagapagpaganap noong Marso 28, 1968 upang iatas ang
“mahigpit na pagtalima sa Kautusang Tagapagpaganap Blg. 96, Serye ng 1967 at ang
paggamit ng Pilipino sa official letterheads at sa mga panunumpa sa tungkulin ng lahat
ng pinuno ng pamahalaan.” Inilabas naman noong Agosto 5, 1968 ang Memorandum
Sirkular Blg. 199 na nagtatagubilin sa may-insentibong pagdalo ng mga kawani ng
gobyerno sa mga seminar sa wikang “Pilipino” at sa iba pang katulad na aktibidad ng
Institute of the National Language.
Pinag-aawayan pa ng mga taumbayan at ng mga akademista ang masasamang
bunga ng diktadura sa panahon ni Marcos, ngunit, sa usapin ng pagtataguyod sa
wikang pambansa, maraming makabayan at tagapagtaguyod ng wikang pambansa ang
magbibigay-pugay sa mga positibong hakbang na isinagawa ng administrasyong
Marcos.
22
Ikalabing-anim ng Marso 1973 nang ihayag ang opsyonal na paggamit ng wikang
“Pilipino” bilang wikang panturo o medium of instruction sa ikatlong baitang ng
elementarya pataas, “sa mga asignaturang mas madaling matututuhan sa
pamamagitan ng wikang pambansa.” Pinalawak pang lalo ang opisyal na paggamit ng
Filipino bilang wikang panturo sa pamamagitan ng “Mga Panuntunan sa Pagpapatupad
ng Edukasyong Bilinggwal” na nilalaman ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 25 na
inilabas noong Hunyo 19, 1974 ng “Ministri ng Edukasyon at Kultura.” Itinatadhana nito
ang magkahiwalay na paggamit ng “Pilipino” at Ingles bilang mga wikang panturo.
Alinsunod sa memorandum na ito, ang wikang Pilipino ang siyang itinalagang wikang
panturo sa asignaturang Araling Panlipunan, Edukasyon sa Wastong Pag-uugali,
Edukasyong Panggawain, Edukasyong Pangkalusugan at Edukasyon sa Pagpapalakas
ng Katawan. Bunsod ng patakarang bilinggwalismo sa edukasyon, malaking igpaw
pasulong ang kinamtan ng wikang pambansa sa buong kapuluan. Hene-henerasyong
mga Pilipino ang sumailalim sa de-Amerikanisasyon, pangunahin sa pamamagitan ng
kanilang edukasyong bilinggwal na nakatuon sa pagpapasibol at pagsulong ng
nasyonalismo, samakatwid baga’y ang pagbuo ng kamalayang pambansa at
makabansa.
Dekada Otsenta at Nobenta: Dalawampung Taon ng Filipinisasyon
Bunsod ng makasaysayang Unang Rebolusyon sa Edsa noong 1986, nagkaroon
ng bagong Saligang Batas ang ating republika. Isa sa mga pinakamainit na usaping
pinagtalunan ng mga delegado sa kumbensyong konstitusyunal ay ang usapin ng
wikang pambansa. May ilang rehiyunalista na nagnanais ng unibersal na dulog sa
pagpili ng wikang pambansa: ang amalgamasyon o paghahalu-halo ng talasalitaan
23
mula sa iba’t ibang wika ng Pilipinas. Maalab ding nakipagtagisan ng talino ang mga
ultra-konserbatibo na nagpanukala namang Kastila ang dapat maging wikang opisyal.
Pinakamasugid na kalaban ng mga tagapagtaguyod ng wikang pambansa ang mga
delegadong Amerikanista. Gayunman, dahil sa magigiting na tagapagtanggol ng wikang
pambansa na nagmula sa iba’t ibang rehiyon at nagsasalita ng iba’t ibang wika, nanaig
ang konsensus na ang wikang pambansa ay wikang Filipino na ang nukleyo ay ang
wikang Pilipino, sa pasubaling ito’y patuloy na lilinangin salig sa mga umiiral na mga
katutubong wika sa Pilipinas at handa ring humiram ng mga salitang banyaga.
Sa pagpapalit ng pangalan mula “Pilipino” tungong “Filipino” ganap na
napatahimik na ang protesta ng mga rehiyunalista. Hindi simpleng pagpapalit ng titik
ang nangyari: testamento ito na ang wikang pambansa ay hindi na lamang sa Tagalog
nakasandig, sapagkat wala namang “F” sa Abakadang Tagalog. Ang pagbabanyuhay
ng Pilipino na naging “Filipino” ay pagyakap ng wikang pambansa sa iba pang mga
katutubong wika ng Pilipinas na may mga tunog na wala sa Tagalog. Samakatwid, ang
wikang pambansa ay nagiging “pambansa” na ngang talaga. Ang wikang Filipino’y
sumusulong na rin bilang aktwal na wikang opisyal ng Pilipinas. Upang lalong
pasiglahin ang paggamit ng Filipino sa mga opisyal na transaksyon, komunikasyon at
korespondensya ng gobyerno, nilagdaan ni dating Pangulong Corazon C. Aquino ang
Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 noong Agosto 25, 1988. Lalo ring pinatibay ng
administrasyong Aquino ang patakarang bilingguwalismo sa edukasyon sa
pamamagitan ng Kautusang Pangkagawaran Blg. 53, serye ng 1987.
Malalaking tagumpay at pagsulong din ang kinamtan ng wikang Filipino sa mass
media. Sa dalawang magkasunod na dekadang ito’y nauso ang paggamit ng Filipino sa
24
mga public affairs at news program. Naging panggabi na lamang (at ngayon nga’y sa
ilang channel na lamang matatagpuan) ang mga programang balita sa telebisyon.
Pinasimulan ng programang “Batibot” at sinundan ng “At Iba Pa,” “Hiraya Manawari” at
“Bayani” ang pagtatangka ng mga makabayang TV producer na tumulong sa de-
Amerikanisasyon ng mga Pilipino.
Tatlong henerasyon ng mga kabataang Pilipino ang patuloy na makagugunita
kina Pong Pagong, Manang Bola, Kikong Matsing at Kuya Bodji – ang mga tauhang
pantapat ng mga de-Amerikanisadong Pilipino sa Sesame Street, kay Barnie at kay
Dora the Explorer. Hindi rin malilimot ng mga henerasyong ito ang mga isina-Filipinong
cartoons kagaya ng “Huck Finn,” “Tom Sawyer,” “Julio at Julia,” “Si Mary at Ang Lihim
na Hardin,” “Mga Munting Pangarap ni Romeo,” “Cedie,” “Voltes V” at napakarami pang
iba. Bagamat sa unang sipat ay banyagang kultura ang nilalaman ng mga cartoon na
ito, masasabing nakatulong pa rin ito sa proseso ng de-Amerikanisasyon ng mga
Pilipino. Kumpara sa mga henerasyong isinilang sa huling bahagi ng dekada nobenta,
ang mga isinilang sa maagang bahagi ng dekada otsenta hanggang sa simula ng
dekada nobenta ay pawang higit na may kakayahang makipagtalastasan sa wikang
Filipino. Talagang malaking tulong ang mga Filipinisadong mga programa sa telebisyon
na namalasak sa kanilang panahon.
Ang popularisasyon ng mga radyo-dramang Tagalog na talaga namang
sinubaybayan ng masang Pilipino sa buong kapuluan ay nakapag-ambag din sa
pagsusulong ng wikang Filipino. Katunayan, masasabing mas malaki ang papel ng
radyo sa Filipinisasyon ng mass media, sapagkat noong mga panahong iyon, hindi pa
gaanong maraming Pilipino ang may telebisyon ngunit walang dudang halos bawat
25
tahanan mula Forbes Park hanggang sa kasuluk-sulukang isla ng bansa na may
naninirahang Pilipino ay may radyo. Sa dalawang dekada ring ito sumulong ang
Filipinisasyon ng mga dyaryo. Bagamat napako sa mga tabloid ang Filipinisasyon ng
print media, malaking tagumpay ang pag-ungos ng mga pahayagang Filipino sa bilang
ng mga mambabasa ng mga Ingles na broadsheet.
Lubos na naging maningning sa panahong ito ang pagsulong ng wikang Filipino
sapagkat sa dekadang ito’y naipasa ang Batas Republika Blg. 7104 na nagtatadhana
ng paglikha ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang pangunahing ahensya ng gobyerno
na nangangalaga sa patuloy na pagpapaunlad at pagtataguyod ng paggamit ng wikang
pambansa at ng iba pang mga wika sa Pilipinas, kagaya ng hinalinhan nitong Institute
of the National Language.
Sa Bungad ng Ikalawang Milenyo: Ang Pagbura sa Tagumpay ng Filipino
Sa kasamaang-palad, ang mga tagumpay ng wikang Filipino sa mga naunang
dekada ay tila baga binubura ng mga pagtatangkang muling ipataw ang Ingles sa mga
Pilipino. Sa nakaraang kongreso, muntik nang maisabatas ang kalagim-lagim na
bangungot na tinatawag na An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as
the Medium of Instruction in Philippine Schools (House Bill/HB No. 4701). Ipinasa ito ng
mga kongresista ngunit hindi nakasama sa prayoridad ng mga senador ng republika
kaya’t inaasahang muling tatangkaing mailusot hanggang sa ito’y ganap na maging
batas sa mga susunod pang panahon, kung hindi magigising sa mahimbing na pagtulog
ang mga makabayan at mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino. Bago pa ang HB
4701, lumitaw ang isa pang dokumentong tila lason sa wikang Filipino at mga wikang
bernakular, ang Executive Order/EO 210. Pagpuksa sa Filipino at mga dayalekto pabor
26
sa lalo pang pagpapatibay ng paggamit ng wikang Ingles sa edukasyon ang
pangunahing layunin ng HB 4701 at EO 210 kung pakasusuriin.
Balintunang ang EO 210 ay may pamagat na “Establishing the Policy to
Strengthen the Use of English as a Second Language in the Educational System,”
ngunit higit nitong pinapaboran ang Ingles laban sa Filipino at mga dayalekto ng
Pilipinas. Matutunghayan sa unang seksyon ng EO 210 ang ganitong utos: “...English
should be used as medium of instruction for English, Math and Science from at least the
Third Grade. The English language shall be used as a primary medium of instruction, in
all public institutions of learning at the secondary level. As a primary medium of
instruction, the percentage of time allotment for learning areas conducted in the English
language in high school is expected to be not less than seventy percent (70%) of the
total allotment for all learning areas...” Kahawig ito ng sinasabi sa Seksyon 4 ng HB
4701 na may layunin na “...to make the education of the young aligned with the
requirements and realities of business life and competitive in the global environment by
strengthening, enhancing and developing the use of the English language as the
medium of instruction in all levels of education, from the preschool to the tertiary level.”
Nilalaman din ng HB 4701 ang mga probisyong nagbibigay-prayoridad sa Ingles bilang
wika ng interaksyon sa paaralan, wika sa mga publikasyong pang-estudyante at wika sa
mga eksaminasyon sa gobyerno. Mahihinuhang sa papel, nanunumbalik na naman ang
gahum ng Ingles bilang dominanteng wikang panturo.
Pulis Pangwika: Makapili/Gestapong Maka-Ingles sa Kampus
Ngunit kung sisipatin ang karanasan ng mga nasa pribadong paaralan, ang HB
4701 at EO 210 ay hindi na kailangan para sabihing namamayagpag na/pa rin ang
27
Ingles. Sa buong panahon ng patakarang bilingguwalismo sa edukasyon sa antas
elementarya hanggang sekundarya na sinimulan noong dekada 70 at lalo pang
pinatibay noong dekada 80 (bagamat pinalitan naman sa elementarya ng kautusang
pabor sa mother language instruction nitong Hulyo 2009), naging maka-Ingles pa rin
ang mga pribadong paaralan sa Pilipinas. Halos lahat ng mga pribadong paaralan mula
antas pre-elementarya hanggang sa tersyarya ay nagpapaligsahan sa pahigpitan sa
kani-kanilang English-only Campaign, sa layuning makaakit ng mas maraming
estudyante mula sa mga nakaririwasang uri at makapagpanggap na international school
upang mabatobalani naman ang dumaraming Koreano at iba pang Asyanong dumarayo
sa bansa para mag-aral.
Sa aming paaralan, nitong Hulyo 2009 ay lumikha na rin ng spy network ang
English Department upang manmanan ang mga estudyanteng nagsasalita ng wikang
hindi Ingles (Filipino, Koreano atbp.). Nagrekrut sila ng dala-dalawang estudyante sa
bawat klase na magsisilbing tiktik ng kani-kanilang seksyon. Lingguhang iuulat sa
kanilang English teacher ang mga pangalan ng mga estudyanteng nahuling nagsasalita
ng Filipino at iba pang wikang hindi Ingles habang nasa loob ng kampus.
Pinagtatalunan pa ng mga guro sa English Department kung anong dulog o approach
ang susundin: pagpaparusa sa mga nahuling nagsasalita ng wikang di Ingles sa
pamamagitan ng pagbabawas ng puntos o pagbibigay ng insentibo sa mga
estudyanteng nananatiling tapat sa Ingles sa pamamagitan ng pagdaragdag ng puntos.
Kagulat-gulat ngunit totoong habang tumatagal, ang digmaang pangwika sa Pilipinas,
partikular sa mga pribadong paaralan, ay unti-unting lumalalim at nagkakaroon ng mga
dimensyong tila lumalabag na sa karapatang pantao. Ano na nga ba ang nangyari sa
28
wika bilang karapatang pantao? Sa mga darating na panahon, kapag nagpatuloy ang
mga pulis pangwika sa kanilang di katanggap-tanggap na pamamaraan, baka idulog na
rin sa United Nations ang paglabag sa karapatang pangwika, bukod pa sa iba pang
karapatang pantao na malaon nang sinasalansang at isinasantabi.
Hegemonya ng Ingles sa mga Larangang Makapangyarihan
Ayon kay Bonifacio Sibayan, isang dahilan kung bakit sa kabila ng mga
tagumpay ng Filipino ay hindi pa rin ito maging dominante sa lahat ng larangan ay
sapagkat ang mga controlling domain o mga larangang makapangyarihan kagaya ng
tatlong sangay ng pamahalaan ay pinangingibabawan ng Ingles. Mula sa panahon ng
Commonwealth hanggang sa kasalukuyan, hindi pa nakapangibabaw ang wikang
pambansa sa mga controlling domain. Kakatwa na tuwing eleksyon, wika ng masa –
ang mga bernakular, Filipino kapag sa mga patalastas – ang ginagamit ng mga
kandidato sa mga posisyong pambansa para mangampanya. Hindi maiwasang maalala
ang mga kontemporaryong halimbawa: “Anak, itabi mo. Ako papadyak.” “Ganito kami
sa Makati, ganito sana sa buong Pilipinas.” “Ang nanggaling sa mahirap, tumutulong sa
mahirap.” Ngunit kapag pinansin ang mga batas at kautusang inakda ng nakararaming
pulitiko (kasama na ang tatlong presidentiable na pinatutungkulan sa mga naunang
pahayag), kapansin-pansing Ingles ang karamihan sa mga ito.
May mga pagkakataong isinasalin ang mga batas sa Filipino, ngunit iyon ay sa
pasubaling ang Ingles ang masusunod kapag may pagtatalo o conflict sa kahulugan ng
orihinal at ng salin. Ang orihinal na mga pasya ng Korte Suprema ay laging nakasulat
sa Ingles, bagamat kapuri-puri ang ginawa ni Punong Mahistrado Reynato Puno na
29
pagtatatag ng isang entidad sa ilalim ng Korte Suprema na ang pangunahing layunin ay
isalin sa wikang pambansa ang mga mahahalagang pasya ng hukuman. Ang mga
hearing sa Senado at Kongreso ay karaniwang sa Ingles din. Kahit ang taunang State
of the Nation Address (SONA) ng pangulo ay halos Ingles din ang kabuuan, maliban sa
mangilan-ngilang pahayag. Paano nga ba lubos na susulong ang wikang Filipino kung
mismong ang mga nasa pamahalaan ay bantulot sa paggamit nito?
Binhing sa Baler Nag-Ugat, Sa Buong Bansa’y Patuloy na Lumalaganap
Sa kabila ng kabiguan ng wikang Filipino na makapangibabaw sa mga controlling
domain, nananatiling sumusulong at umuunlad ang ating wikang pambansa. Sa
larangan ng internet, milyun-milyong artikulo na ang mababasa ukol sa at kaugnay ng
ating wikang pambansa. Sa pamamagitan ng Google search, matutunghayan ang mga
sumusunod na paksa at ang bilang ng mga online na artikulong ukol dito: Wikang
Filipino (283,000); Tagalog (267,000); Filipino Dictionary (2,500,000); Wikang
Pambansa (93,000) at Filipino Language (11,500,000). Sa Wikipedia, ang
pinakapopular na online encyclopedia, kasama pa rin sa nangungunang wika sa daigdig
na may pinakamaraming artikulong online ang “Tagalog.” Masikhay rin ang
pagsusumikap ng mga tagapagtaguyod ng Filipiniana.net sa paglalagay sa internet ng
mga e-book (librong nasa .pdf format/nababasa sa pamamagitan ng kompyuter at
karaniwang libreng naida-download) ng mga nobela at iba pang akdang pampanitikan
sa Tagalog at Filipino.
Sa telebisyon, halos lahat ng palabas sa mga nangungunang istasyon ay Filipino
ang gamit na wika. Kamakailan ay sinimulan ng Channel 5 ang Filipinisasyon ng mga
banyagang cartoons na gaya ng Sponge Bob Square Pants. Ang mga teleserye at
30
patok na soap opera gaya ng “May Bukas Pa” at “Zorro” hanggang sa mga
kinababaliwang “Asianovela” gaya ng “Hana Yuri Dango,” “Meteor Garden,” “Kim Sam
Soon” at “Jewel in the Palace” ay pawang kinubkob na rin ng Filipinisasyon. Bunsod ng
paglaganap ng Filipino sa mass media, lalo na sa telebisyon, halos 100% ng mga
mamamayan ng Pilipinas ang may kakayahang makipagtalastasan sa Filipino. Malaking
pag-igpaw ito sa halos 20% lamang ng populasyon na nagsasalita ng Tagalog sa
panahon na pagtibayin ng administrasyong Quezon ang wikang pambansang batay sa
Tagalog.
Bihira sa mga advertisement ang gumagamit ng Ingles sapagkat batid ng mga
advertiser na Filipino na ang wika ng masa. Sa pahayagan, halos 4 na milyon ang
pinagsama-samang sirkulasyon ng mga Filipinong tabloid kumpara sa kulang-kulang 2
milyon na readership ng mga Ingles na broadsheet. Sa pamahalaan, naging mabunga
ang eksperimental na paggamit ng Filipino sa deliberasyon ng mga korte sa ilang lugar
sa Luzon gaya ng Malolos, Bulacan. Tuloy rin ang pangangampanya ng mga pulitiko sa
pamamagitan ng mga patalastas na wikang Filipino ang pangunahing gamit.
Sa larangan ng pananaliksik, dumaraming mananaliksik sa iba’t ibang larangang
labas sa wika, panitikan at agham panlipunan ang gumagamit na rin ng wikang Filipino
sa pagsulat ng mga artikulo, pag-aaral, sarbey, tesis at disertasyon. Kalakaran na rin
ang pagkakaroon ng abstrak sa Filipino ng mga pananaliksik na Ingles ang gamit.
Kapansin-pansin din ang pagsigla ng leksikograpiyang Filipino na makikita sa pagdami
ng mga nabuong glosaryo at diksyunaryo sa iba’t ibang larangang gaya ng nutrisyon,
agrikultura, pangingisda, pananahi, pagbabangko, kompyuter, matematika, bayolohiya
31
at iba pa na matatagpuan sa Pambansang Aklatan, at sa aklatan ng mga pamantasan
sa pambansang rehiyong kabisera.
Ngunit, hindi lamang sa Pilipinas sumusulong ang Filipino. Sa dami ng mga
Pilipinong migrante sa halos bawat bansa, hindi kataka-takang kumakalat na rin ang
wikang Filipino sa buong daigdig. Ayon sa Wikipedia, sinasalita ito ng significant na
bilang ng minorya sa Australia, Bahrain, Brunei, Canada, Guam, Hong Kong, Japan,
Kuwait, Malaysia, Northern Mariana Islands, Palau, Qatar, Saudi Arabia, Switzerland,
United Arab Emirates, United Kingdom at United States of America. Kinikilala ito bilang
opisyal na minority language sa Canada, Guam, Hong Kong, Malaysia, United Kingdom
at United States. Sa kabuuan, ang Filipino ay ika-53 sa buong mundo sa dami ng taong
nagsasabing ito ang kanilang unang wika. Sa aktwal, mahigit 90,000,000 ang
nakagagamit nito bilang una o ikalawang wika – bilang na sapat upang makasama ito
sa unang 20 wika ng daigdig. Sa Estados Unidos, marami-rami nang paaralan ang may
kursong Philippine Studies na sumasaklaw rin sa pagtuturo ng Filipino sa mga mag-
aaral. Sa St. Petersburg State University ng Russia, isa sa pinakamalalaking
unibersidad sa daigdig, isang departamento ang patuloy na nananaliksik ukol sa at
nagtuturo ng wikang Filipino sa mga estudyanteng Ruso.
Sa dami ng mga migranteng Pilipinong manggagawa sa Dubai at Hong Kong,
mistulang “ikatlong wika” sa mga lugar na iyon ang Filipino. May halos 10 milyong
Pilipinong trabahador sa iba’t ibang bansa at parami nang parami ang permanente nang
naninirahan sa mga bansang kanilang pinuntahan, kaya praktikal para sa mga dayuhan
na pag-aralan ang wikang Filipino. Nagiging wikang internasyunal na rin ang Filipino.
32
Ang binhing itinanim ng isang pangulong buhat sa Baler ay nagka-ugat na at
patuloy na lumalaganap sa buong bansa at maging sa ibayong dagat sa kabila ng
patuloy na panananalasa ng mga ignoranteng kabalyerong maka-Ingles sa Pilipinas.